Mga Katangiang Dapat Taglayin ng Akademikong Pagsulat Mahalagang maunawaan din ang mga katangiang dapat taglayin ng akademikong pagsupat.Ilan sa mga ito ay ang sumusunod. 1. Obhetibo- Una sa lahat ang akademikong pagsulat ay dapat na maging obhetibo ang pagkakasulat. Kailangang ang mga datos na isusulat ay batay sa kinalabasan ng ginawang pag-aaral at pananaliksik. Iwasan ang pagiging subhetibo o ang pagbibigay ng personal na opinion o paniniwala hinggil sa paksang tinatalakay. Iwasan ang paggamit ng mga pahayag na batay sa aking pananaw o ayon sa aming haka-haka o opinion. 2. Pormal- Dahil nga karaniwang ginagamit sa akademikong pagsulat ay ang akademikong Filipino, nangangahulugan lamang ito ng pagiging pormal nito, Iwasan ang paggamit ng mga salitang kolokyal o balbal. Sa halip, gumamit ng mga salitang pormal na madaling mauunawaan ng mambabasa. Ang tono o himig ng paglalahad ng mga kaisipan o impormasyon ay dapat na maging pormal din. 3. Maliwanag at Organisado - Ang paglalahad ng mga kaisipan at datos ay nararapat na maging malinaw at organisado. Ang mga talata ay kinakailangang kakitaan ng maayos na pagkakasunod-sunod at pagkakaugnay-ugnay ng mga pangungusap na binubuo nito. Ang mga talata ay mahalagang magtaglay ng kaisahan. Hindi ito dapat masamahan ng mga kaisipang hindi makatutulong sa pagpapaunlad ng paksa. Maging ang pag-uugnay ng mga parirala o pangungusap ay dapat na pilimpili nang sa ganoon ay hindi ito makagulo sa ibang sangkap na mahalaga sa ikalilinaw ng paksa. Bukod sa katangiang kaisahan at maayos na pagkakasunodsunod ng mga kaisipan, ang punong kaisipan o main topic ay dapat mapalutang o mbigyangdiin sa sulatin. 4. May Paninindigan - Mahalagang mapanindigan ng sumusulat ang paksang nais niyang bigyang-pansin o pag-aralan, ibig sabihin hindi maganda ang magpabago-bago ng paksa. Ang kanyang layunin na maisagawa ito ay mahalagang mapanindigan niya hanggang sa matapos niya ang kanyang isusulat. Maging matiyaga sa pagsasagawa ng pananaliksik at pagsisiyasat ng mga datos para matapos ang pagsulat sa napiling paksa. 5. May Pananagutan - Ang mga ginamit na mga sanggunian ng mga nakalap na datos o impormasyon ay dapat na bigyan ng nararapat na pagkilala. Mahalagang maging mapananagutan ang manunulat sa awtoridad ng mga ginamit na sanggunian. Bukod sa ito ay isang paraan ng pagpapakita ng paggalang sa mga taong nakatulong sa iyo bilang bahagi ng etika ng akademikong pagsulat upang mabuo ang iyong sulatin, ito rin ay makatutulong upang higit na mapagtibay ang kahusayan at katumpakan ng iyong ginawa.
Iba’t-Ibang
Uri ng Akademikong Sulatin
Upang mabigyan ka ng pangkalahatang ideya hinggil sa kursong ito, narito ang iba’t -ibang uro ng akademikong sulating isa-isang tatalakayin sa kabuoan ng inyong pag-aaral. Hindi mo lamang matututuhan ang mga ito, kundi magkakaroon ka rin ng sapat na kaalaman at kasanayan kung paano gawin o isulat ang mga ito.