MGA LAYUNIN:
ARALIN 1 MGA BATAYANG KAALAMAN SA PAGBASA
A. Matalakay ang katuturan, kalikasan at ilang batayang kaalaman sa pagbasa bilang isang kasanayang pangkomunikasyon. B. Maiugnay ang konsepto ng metakognisyon sa kasanayan sa pagbasa C. Makapagsagawa ng mga pagsasanay sa pagbasa batay sa mga tinalakay na mga proseso, teorya at dimensyon.
MGA PAKSANG SAKLAW NG ARALIN: Ang Pagbasa Bilang Isang Kasanayang Pangkomunikasyon Katuturan at Kalikasan ng Pagbasa Proseso sa Pagbasa Mga Uri ng Pagbasa Mga Dimensyon ng Pagbasa Aktibong Pagbasa Mga Teorya at Pag-aaral Hinggil sa Pagbasa Mga Teorya sa Proseso ng Pagbasa Metakognitibong Paraan ng Pagbasa 1
ANG PAGBASA BILANG ISANG KASANAYANG PANGKOMUNIKASYON
1. KATUTURAN AT KALIKASA NG PAGBASA Sa apat na makrong kasanayan, ang pagbasa ay bihirang isagawa ng magaaral sapagkat ito ay nangangailangan ng panahon. Karaniwang ang nakalimbag sa elektroniko ang binabasa dahil na rin sa impluwensya ng teknolohiya; kaya’t ang mga e-book ay usong-uso sa kasalukuyan. Sa kabila ng penomenon na ito, mahalaga pa ring ikintal sa isipan ang mga kahulugang sinasabi ng mga dalubhasa hinggil sa pagbasa. 1.1
Si William Gray na kinikilalang “Ama ng Pagbasa” ay nagsabing “ang pagbasa ay ang interaksyon ng mambabasa at ng nakalimbag na wika na kung saan ang mambabasa ay nagtatangkang bumuong
2
muli ng mensahe mula sa kanyang pagkaunawa sa mensahe ng manunulat. 1.2
ANG MGA INTERAKSYON SA ISANG GAWAING PAGBASA
Ang pagbasa ay isang gawing-interakyunal. May dalawa o higit pang nasasangkot sa isang pagbabasa maliban pa sa mga salik na kinakailangang matagpuan dito.
Ano ang
materyal na binabasa?
Mahalaga sa isang pagbabasa ang pagtukoy sa materyal na binabasa. Maraming iba’t ibang uri ng babasahin. Ang mga ito ay maaaring nakadepende sa layunin ng pagbabasa o di kaya naman ay sa kawilihan ng bumabasa. Mahalagang makilala ng mambabasa ang uri ng materyal na binabasa upang maging makabuluhan ang kanyang pag-aanalisa rito. Ano nga bang uri ang kanyang binabasa? Ito ba ay makatotohanan o likhang-isip lamang? Ano ang
nalalaman mo
Isa pang kailangang makita sa pagbabasa ay ang taglay na kakayahan ng mambabasa. May angkop na babasahin para sa mga tiyak na edad o kaya ay propesyon o maging ng kawilihan. Mahalagang maisaalang-alang ang mga dating nalalaman ng isang mambabasa sa kanyang binabasa. Ang tawag sa dating kaalamang ito ay iskema. Magagamit niya ito upang higit na maging madali ang pag-unawa sa binabasa. Kapag walang taglay na kaalaman ang mambabasa sa sa iyong binabasa?
3
kasalukuyan niyang binabasa, maaaring makapagpabagal ito sa kanyang pagbabasa kung kaya’t mahalaga na maihanda ang kanyang sarili para rito.
Handa na ba ang
iyong isip upang umunawa?
Ang pagbasa rin ay isang gawaing intelektwal at mental. Higit sa lahat, ang pangunahing dapat handa sa isang mambabasa ay ang kanyang isipan. Kailangan niyang taglayin ang kahandaang umunawa sa mga malalalim na karunungang matutuklasan niya sa kanyang pagbabasa.
2.
PROSESO NG PAGBASA 2.1
Sinabi ni Millrood (1999), ang proseso ng pagbasa ay mailalarawan sa pamamagitan ng reading dynamics. Ang proseso ng pagbasa ay maaaring talakayin sa pamamagitan ng layunin, estratehiya at bunga. Ang layunin ng pagbasa ay tumutukoy sa pangunahing pangangailangan o dahilan sa pagbabasa. Samantala, kapag natukoy na ang layunin, ang mambabasa ay pumipili ng estratehiyang aangkop sa layunin ito. Dito ay pagpapasyahan niya ba kung siya ay gagamit ng iskaning, iskiming, pagbasang 4
kritikal at iba pa. At sa pamamagitan ng estratehiyang ito, ang inaasahang bunga ay matatamo.
2.2
MGA KATANGIAN SA PROSESO NG PAGBASA (Romero, 1985) Ang pagbasa ay isang kompleks na gawain. Ang pagbasa ay prosesong two-way. Ang pagbasa ay isang prosesong biswal. Ang pagbasa ay isang aktibong proseso. Ito ay isang prosesong pangkaisipan. Ang pagbasa ay gumagamit ng sistemang pangwika na tumutulong sa mambabasa na maging epektibo sa paggamit ng wika sa pagsusulat. Ang mabisang pagbabasa ay nakasalalay sa dating kaalaman at karanasan ng mambabasa.
2.3
MGA HAKBANG SA PROSESO NG PAGBASA (William Gray) 1. Persepsyon o pagkilala ng mga salita o simbolong nakalimbag 2. Komprehensyon o pag-unawa sa mensahe ng tekstong binabasa 3. Reaksyon sa mga argumentong inihain ng teksto 5
4. Integrasyon o ang aplikasyon ng mga kaalaman natutuhan 2.4 ILANG MGA KAISIPAN PROSESO NG PAGBASA (Ayon kay Badayos, 2000)
HINGGIL
SA
Ang pagbasa ay walang kahilingang imposible para hindi ito maisagawa ng isang tagabasa. May tatlong mahahalagang hakbang sa pagbasa: paghahanda, pagpoproseso ng impormasyon at pagtugon o pagbibigay ng reaksyon sa binasa. Ang epektibong mambabasa ay iyong mga interaktibong tagabasa.
Ang mahusay na manunulat ay matalinong mambabasa. V. Lachica
Maraming mga suliranin sa pag-unawa na hindi lamang mga suliranin sa pagbasa. Ang magaling na tagabasa ay sensitibo sa kayariang balangkas ng tekstong binabasa. Ang mabilis na pagbasa ay bunga ng komprehensyon o pag-unawa.
6
3.
MGA URI NG PAGBASA
AYON SA PAMAMARAAN Mabilisang pagbasa – (skimming) Ito ang pinakamabilis na pagbasa na nakakaya ng isang tao. Nagtuturo ito sa mambabasa upang malaman ang pangkalahatang pananaw na matatagpuan sa mga aklat at iba pang nakalimbag na babasahin. Tinatatawag din itong pinaraanang pagbasa at pinakamabilis na paraan ng pagbasa. Pahapyaw na Pagbasa - (scanning) Tumutukoy ito sa paghahanap ng isang tiyak na impormasyon sa isang pahina. Ito ang uri ng pagbasa na hindi hinahangad na makuha ang kaisipan ng sumulat dahil sa mahalaga rito’y makita ang hinahanap sa madali at mabilis na paraan. Pagsusuring Pagbasa – (analytical reading) Nakasalalay sa mga materyales ang gawaing pagsusuri sa ganitong uri ng pagbasa. Ginagamit dito ang matalino at malalim na pag-iisip. Nahahasa rito ang kahusayan ng mag-aaral sa pamamagitan ng kanyang mapanuring pag-iisip.
7
Pamumunang Pagbasa (critical reading) Kasama rito ang pagpuna mula sa pamagat, simula, katawan (nilalaman) at wakas ng akda. Binibigyan- diin na matiyak ng mambabasa na naunawaan ang buong nilalaman ng akda. Sa pamumuna hindi lamang ang nilalaman ng akda ang binibigyan ng pansin. Kailangan din ng pansin o puna ang istruktura ng mga pangungusap, ang mga ginamit na salita o istilo sa pagsulat ng may-akda. Tinitingnan din ang kalakasan at kahinaan ng paksa at ang may-akda. Tahimik na Pagbasa (silent reading) Mata lamang ang gumagalaw sa uri ng pagbasang ito, walang puwang dito ang paggamit ng bibig kaya walang tunog ng salita ang nalilikha ng bumabasa ng teksto. Pasalitang pagbasa (oral reading) Pagbasa ito sa teksto na inaangkupan ng wastong pagbigkas sa mga salita at sapat na lakas ng tinig upang sapat na marinig at maunawaan ng mga tagapakinig. Masinsinang Pagbasa - Hindi ito “under time pressure” na pagbasa. Binibigyan dito ng guro ang mga mag-aaral ng sapat na panahon upang maisa-isang basahin at mapagtuunan ng pansin ang mga salitang bumubuo sa teksto. AYON SA LAYUNIN Pagbasang nakapagtuturo – Sa ganitong pagbasa, nagbabasa ang isang tao dahil mayroon siyang nais malaman o marating. Kailangan natin ang layuning ito upang maragdagan ng bago an gating dating kaalaman. Kasiya-siya ito dahil napapaunlad nito ang bawat larangan na ating tinatahak. 8
Pagbasang paglilibang - Ang pagbabasa ay mainam gawing libangan dahil nakapagpapatalas ng isip at diwa ng tao. Ito ang pagkain ng ating isipan at may kaligayahang naidudulot sa ating buhay. 4.
LIMANG DIMENSYON NG PAGBASA A. Pag-unawang Literal
Sa pagbasang ito, nakapokus ang atensyon ng mambabasa sa mga ideya at imporamsyon na maliwanag na sinasabi ng babasahin. Kinukuha lamang ng mambabasa ang pangunahin, litearal at lantad na kahulugan ng mga pahayag. Sa ganitong paraan, isinasalin ng mambabasa ang kaisipan ng may-akda sa kanyang sariling pagkaunawa. B. Pagbibigay ng Interpretasyon Ito ang paraan ng pagbasang tinutukoy sa Ingles bilang ”reading between the lines” sapagkat binibigyang-kahulugan ng mambabasa ang mga tagongmensahe ng manunulat sa pagitan ng kanyang mga taludtod at saknong kung ito ay tula at sa pagitan ng mga pangungusap at talata sa mga sulating tuluyan. Sinisikap rin ng mambabasa sa bahaging ito na tuklasin ang kaisipan ng manunulat at ang layunin ng akdang kanyang naisulat. 9
C. Mapanuri o Kritikal na Pagbasa Sa dimensyong ito ay nagiging mapagmatyag ang mambabasa sa istilo ng manunulat at sa katumpakan ng mga detalyeng kanyang inilahad. Dito ay nakapagbibigay na ng sariling reaksyon ang mambabasa hinggil sa mga argumentong inilahad ng manunulat. Gayundin naman ay nakabubuo na ang mambabasa ng pag-uugnay ng mga detalyeng nabasa sa ilang mga tiyak na suliranin. D. Paglalapat o Aplikasyon Sa paglalapat naman ay makikita ang pag-uugnay ng mambabasa sa kahulugan ng nilalaman ng kanyang binabasa sa kanyang mga aktwal na mga karanasan. E. Pagpapahalaga Maaaring maikabit ito sa tinatawag sa Ingles na ”reading beyond the lines”. Higit pa sa pagbusisi sa istilo at tagong-mensahe ng akda, nabubuksan ang kamalayan ng mambabasa sa pandama sa kagandahan na hatid ng mensahe ng akdang binabasa. 10
5. ANG PAGBASA BILANG AKTIBONG GAWAIN Nagbigay si Clouse (1998) ng ilang katotohanan (facts) hinggil sa pagbasa na malimit mabigyang-pansin: 1. Ang teksto ay hindi lamang ang teksbuk. 2. Ang mambabasa ay hindi lamang tumutuklas ng kahulugan. Siya ay kasama sa pagbubuo nito. 3. Walang payak o tiyak na kahulugan ang teksto. 4. Magtiwala sa sariling reaksyon. 5. Di lahat ng nakalimbag ay may mataas na kalidad. 6. Normal lang ang kawalan ng kasiguraduhan. A. MGA HAKBANG SA AKTIBONG PAGBASA
Sa teksto nagtatagpo ang manunulat at mambabasa. At upang maging aktibong mambabasa, kailangang makipag-usap sa manunulat sa pamamagitan ng tekstong kanyang isinulat.
Paunang Pagbasa (I-preview ang teksto) 11
1. Pumili ng lugar kung saan ka maaaring maging kumportable sa pagbabasa. 2. Pag-isipang mabuti ang pamagat. 3. Alamin ang awtor. 4. Alamin ang publikasyon. 5. Basahin ang headnote. (preface o introduksyon) 6. Basahin ang mga captions, mga salitang naka-bold face o nakapahilig, mga tsart, mga larawan at iba pa. 7. Basahin ang una at ikalawang talata. 8. Basahin ang pangungusap ng bawat talata. 9. Gumawa ng isang dyornal entri kung saan itatala ang iyong inaasahan mula sa teksto. Ikalawang Pagbasa 1. Basahin ang teksto sa isang upuan o pagkakataon. 2. Muli, maging komportable. 3. Basahin ang teksto, kung may di maunawaan, balikan ito, matapos na mabasa ang kabuuan ng teksto. 4. Bilugan ang mga salitang di-maunawaan o kaya’y lagyan ng simbolong ? (tandang pananong). 5. Gumawa ng dyornal entri ng inyong reaksyon sa binasang teksto at sa pangunahing ideya nito.
12
Ikatlong Pagbasa 1. Basahin at pag-aralan ang teksto. 2. Kumuha ng bolpen at maghandang maglagay ng mga pananda. 3. Balikan ang mga salitang binilugan at isulat sa tabi nito ang mga kahulugan. 4. Salungguhitan ang tesis o pangunahing paksa. 5. Guhitan ang mga mahahalagang puntos. 6. Makipag-usap sa awtor sa pamamagitan ng pagsusulat ng iyong reaksyon sa teksto. 7. Gumawa ng isang dyornal entri na sumasagot sa mga sumusunod na tanong:
1. Ang awtor ba ay nagpapahayag ng katotohanan o opinyon? 2. Mayroon bang sapat at makatwirang mga detalye? 3. Ano ang tono o himig ng awtor? (Seryoso, sarkastiko, nakatutuwa, galit, nanlilibak?) 4. Ano ang layunin ng awtor? 5. Sino ang inaasahang awdyens ng awtor? 6. Nakabatay ba ang mga tinuran ng awtor sa emosyon, lohika/katwiran o pareho?
13
Sumulat batay sa pagkaunawa sa teksto. Hinihikayat ang pagsusulat matapos mabasa ang kabuuan ng teksto. Sa antas kolehiyo, mahalaga na matandaan at maunawaang lubos ang mga detalye ng binabasa. Dito ay mapapakinabangan ang pagsusulat mula sa binasa. Dito masusukat ang lalim o babaw ng pagkaunawa ng mambabasa sa tekstong kanyang binasa. Maaaring pumili ng alinman sa mga sumusunod na pamamaraan sa pagsulat ng dyornal. Sumulat ng iyong personal na reaksyon sa binasang teksto. Nagustuhan mo ba ito? Bakit? Ano ang bagong natutuhan mula rito? Ano ang naramdaman mo sa pagbasa mo ng tekstong ito? Hihikayatin mo ba ang iyong kaibigan na basahin rin ang tekstong ito? Mahahalaga ba ang mga ideya ipiniresenta? Ano ang kalakasan at kahinaan ng teksto? Sumulat ng isang maikling sanaysay na nagpapaliwanag ng kaugnayan ng iyong mga dati nang nalalaman sa mga ideyang inilahad ng awtor. Gumawa ng pagsusulit hinggil sa tekstong binasa at subuking sagutin ito. Hamunin ang awtor sa pamamagitan ng pagsulat ng mga argumento laban sa kanyang mga inilahad na pananaw. 14
NARITO ANG ISANG HALIMBAWA NG MINARKAHANG TEKSTO NA GINAMITAN NG AKTIBONG PAGBABASA: IKA NGA NI BOB ONG Sa mga kabataang nanghihingi ng words of wisdom at laging nag-aakalang meron ako sa bulsa, meron nga. Ito, hindi ko ginagamit, inyo na lang: Kumain ka ng siopao na may palamang pusa o maglakad sa bubog na nakayapak, pero wag na wag kang susubok mag-drugs. Kung hindi mo kayang umiwas, humingi ka ng tulong sa mga magulang mo dahil alam nila kung saan ang mga murang supplier at hindi ka nila iisahan. Mag-aral maigi. Kung titigil ka sa pag-aaral, manghihinayang ka sa pagtanda mo dahil hindi mo naranasan ang kakaibang ligayang dulot ng mga araw na walang pasok o suspendido ang klase o absent ang teacher. (Haay, sarap!)
Kilala si Bob Ong bilang isang makabagong manunulat na kinagigiliwang basahin ng mga kabataan ngayon. Ang kanyang atake ay nakatutuwa ngunit may pitik pa rin sa diwa ng mambabasa.
Gumamit ang mayakda ng katatawanan o humor upang mapaigting ang mensaheng nais pagtuunan ng pansin. Bagamat maaari rin itong maging isang pag-uyam dahil posibleng totoo ito sa ilang pagkakataon.
15
Wag mawawalan ng gana sa buhay, kung ano yung galing mo, kulit mo, lakas ng sigaw at tuwa mo sa mga laban sa UAAP, NCAA, mga sportsfest, o concert ng paborito mong banda, wag mong iwawala hanggang sa pagtanda. Wag kang tutulad sa ilang konggresista na nagrereport sa trabaho para lamang matulog. Wag magmamadali sa pag-aasawa. Tatlo, lima, sampung taon sa hinaharap, mag-iiba pa ang pamantayan mo at maiisip mong di pala tamang pumili ng kapareha dahil lang sa kaboses niya si Debbie Gibson o magaling magbreak dance. Totoong mas importante ang kalooban ng tao higit anuman. Sa paglipas ng panahon, maging ang mga crush ng bayan sa eskwelahan, e magmumukha ring pandesal. Maniwala ka. Tuparin ang mga pangarap. Obligasyon mo yan sa sarili mo. Kung gusto mo mang kumain ng balde-baldeng lupa para malagay ka sa Guiness Book of World Records at maipagmamalaki ng bansa natin, sige lang. Nosi balasi. Wag mong pansinin ang mga sasabihin ng mga taong susubok humarang sa iyo. Kung hindi nagsumikap ang mga scientist noon, hindi pa rin tayo dapat nakatira sa Jupiter ngayon. Pero hindi pa rin naman talaga tayo nakatira sa ngayon sa Jupiter dahil nga hindi nagsumikap ang mga scientist noon. Kita mo ’yung moral lesson?
Makikita sa mga personalidad na ginamit at sayaw na tinuran ang henerasyong saklaw ng may-akda. Higit na nagiging kawili-wiling basahin ang akda dahil sa nakikita ng mambabasa ang kanyang sarili sa teksto lalo pa kung saklaw din sya ng panahong ito.
Makatotohanan bagamat nakatutuwa ang lohika niya sa bahaging ito.
16
Kung gusto mo maging musikero, sige lang! Pintor, ayos! Inihinyero, the best! Kung gusto mong maging teacher, pilitin mong maging teacher na hindi makakalimutan ng mga estudyante mo. Kung gusto mong maging sapatero, maging pinakamahusay kang sapatero. Kung gusto mong maging karpintero, maging pinakamagaling kang karpinetro. Kung gusto mong maging tindero ka ng balut, wag kang dadaan sa harap ng bahay namin para mambulahaw sa gabi kung ayaw mong masaktan! Mangarap ka at abutin mo ‘to. Wag mong sisihin ang sira mong pamilya, palpak mong syota, pilay mong tuta, o mga lumilipad na ipis. Kung may pagkukulang sa ‘yo mga magulang mo, pwede kang manisi at maging rebelde. Tumigil ka sa pagaaral, mag-asawa ka, mag-drugs ka, magpakulay ka ng buhok sa kilikili. Sa bandang huli, ikaw din ang biktima. Rebeldeng walang napatunayan at bait sa sarili.
Tumpak! Sa paggamit ng ironiya ng may-akda ay higit nyang napalutang ang kanyang mensahe sa bahaging ito na nagsasabing “sa kahulihan ikaw pa rin ang mananagot sa sariling mong pagpapasya: ito man ay mali o tama.
Hindi ako naniniwalang kailangan ng taong mangarap dahil gusto niya ng pera, o gusto niyang sumikat, o gusto niya ng impluwensiya. Side effects na lang ang mga ’to, tingin ko. Nangarap ang tao dahil binigyan siya ng Diyos na kakayanang mangarap at tumupad nito. At wala na siyang iba pang magagawang mas malaking kasalanan sa sarili bukod sa talikuran ang tungkuling ’yon at hindi bumili ng libro ko. 17
Sa panghuli, higit sa lahat, magbasa ka ng libro. Kung nabasa mo lahat ang mga libro ko, salamat. Pero kung makakabasa ka pa ng ibang libro bukod sa isinulat ko o mga ipinabili ng teacher mo, mas magaling. Hikayatin mo lahat ng mga kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paborito mo sa buhay nila. Dahil wala nang mas nakakaawa pa sa mga taong talentado pero hindi nagbabasa. Ayos lang lumaki nang lumaki, magpatangkad at tumanda nang walang natutunan – kung paano ka! Pero bilang tao, may karne sa loob ng bungo mo na nangangailangan ng sustansya. Maraming pagkakataong kakailanganin mong sundutin yon. At sa bawat sundot, tulad ng sundot-kulangot, mas maigi kung may kapakipakinabang kang makukuha.
Sa kabila ng nakatutuwang paglalahad ng mga ideya, nakuha ng mayakda na ipasok pa rin ang halaga ng pagbabasa.
Kasama ba ako rito?
Sana mabasa ng mga kailangang makabasa.
Isulat sa loob ng kahon ang impresyong nabuo mula sa binasang akda.
Mula sa aking nabasa, natutuhan ko na ______________________________________ ________________________________________________________________________________ ________________________________________________________________________________ ________________________________________________________________________________ ________________________________________________________________________________
18
MGA TEORYA AT PAG-AARAL HINGGIL SA PAGBASA
1. IBA’T IBANG PANANAW O TEORYA SA PROSESO NG PAGBASA (Badayos, 2000) A. TEORYANG BOTTOM-UP May impluwensya ito ng teoryang behaviorist na nagsasabing malaki ang gampanin ng kapaligiran sa pag-unawa sa pagbasa. Naniniwala ang teoryang ito na ang pagbasa ay ang pagkilala ng mga serye ng mga nakasulat na simbolo upang maibigay ang katumbas nitong tunog.
19
Nagsisimula ang pagbasa sa yugto-yugtong pagkilala ng mga titik sasalita, parirala, pangungusap ng buong teksto bago pa man ang pagpapakahulugan sa teksto. Tinatawag rin itong outside-in o data-driven.
B. TEORYANG TOP-DOWN Sina Smith at Goodman ang masusugid na tagapagtaguyod ng teoryang ito. Naniniwala sila na ang paggamit ng kakaunting oras at panahon sa pagbabasa gamit ang pagpili ng mga makabuluhang hudyat (cues) at mga impormasyong makatutulong sa pagbuo ng kahulugan ng teksto ang siyang tunay na mahusay na pagbabasa. Sa teoryang ito, ang pagbasa ay nagsisimula sa isipan ng tagabasa dahil ang dating kaalaman niya ang magpapasimula ng pagkilala niya sa teksto. Kung wala ito, hindi niya mabibigyang-kahulugan ang anumang babasahin. Tinatawag rin itong inside-out o conceptually driven.
20
C. TEORYANG INTERAKTIBO Lumitaw ang teoryang ito bunga ng pagbatikos sa dalawang naunang teorya. Ayon dito, mas mainam na pagsamahin ang dalawang teorya sa gawaing pagbasa dahil naniniwala sila na ang komprehensyon sa pagbasa ay may dalawang direksyon: ibaba-pataas at itaaspababa. Naniniwala ang teoryang ito na ang teksto ay kumakatawan sa wika at kaisipan ng awtor at sa pag-unawa nito, ginagamit ng mambabasa ang kanyang kaalaman sa wika at sariling konsepto o kaisipan. Gayundin naman, binibigyang-diin sa teoryang ito ang paniniwalang ang pag-unawa ay isang proseso at hindi isang produkto. D. TEORYANG ISKEMA Iskema ang tawag sa dating kaalaman ng mambabasa. Naniniwala ang teoryang ito na ang teksto, pasalita man o pasulat ay walang kahulugang taglay sa kanyang sarili. Nagkakaroon lamang ito ng kahulugan batay sa interpretasyong ilalapat ng mambabasa.
21
Ang teksto ay nagbibigay lamang ng direksyon sa nakikinig o mambabasa sa kanilang paraan ng paggamit o pagbubuo ng pagpapakahulugan mula sa kanilang dating kaalaman. Ang lahat ng natututuhan at nararanasan ng tao ay nakalagak sa isipan at maayos na nakalahad ayon sa teorya.
2. METAKOGNITIBONG PARAAN NG PAGBASA ANO ANG METAKOGNISYON? Binigyang-kahulugan sa Ingles ang metakognisyon bilang “cognition about cognition” o pag-alam hinggil sa pag-alam”. Sinasabi ng mga eksperto na ang metakognisyon ay isang survival tool”. 1. Si J.H. Flavell ang unang gumamit ng salitang metakognisyon. Ayon sa kanya, ang metakognisyon ay tumutukoy sa kaalaman ng isang indibidwal hinggil sa kognitibong pagpoproseso o anumang kaugnay nito. 2. Marami itong anyo. Sinasaklaw nito ang kaalaman hinggil sa kung kailan at paano maaaring gamitin ang isang partikular na estratehiya sa pagkatuto. 22
3. Sa metakognisyon, nakikita ng isang indibidwal ang kanyang sariling pagkakamali sa pag-unawa at nagsasagawa siya ng paraan upang ito ay maitama. 4. Ang bawat larangan ay may kani-kaniyang paraan ng pagbibigaykahulugan sa metakognisyon. Ngunit sa kalahatan, tinutukoy nito ang pag-aaral ng pagmomonitor ng memorya at pagkakaroon ng sariling kamalayan. Ang kapasidad na ito ay mahalaga upang magamit nang wasto ang sariling kaalaman at mapalawig ang potensyal ng indibidwal na mag-isip, matuto at mag-ebalweyt ng mga katanggap-tanggap na tuntuning etikal at moral. 5. Sa eksperimento sa larangan ng sikolohiya, natuklasan ang kaibahan ng metakognisyon sa pagitan ng pagmomonitor at pagkontrol. Sa una, tumutukoy ito sa pagbubuo ng pagpapasya hinggil sa kalakasan ng isang memorya. Samantalang sa ikalawa, gumagamit naman ng pagpapasya upang mapatnubayan ang kilos/gawi. 6. Binigyang-kahulugan rin ang metakognisyon bilang lebel ng pag-iisip na kinasasangkutan ng aktibong pagkontrol sa proseso ng pag-iisip na kadalasang nagagamit sa mga sitwasyong pagkatuto. 7. Ang metakognisyon ay kinapapalooban ng mga kasanayan sa: pagpaplano ng mga pamamaraan upang simulan ang isang gawaing pagkatuto
23
pagmonitor ng komprehensyon pagtaya ng progreso sa pagkumpleto ng mga gawain pagpapanatili ng motibasyon na tapusin ang naumpisahang gawain pagkakaroon ng kamalayan sa mga sagabal sa pag-unawa ---- ito man ay internal o eksternal. Yamang ang metakognisyon ay may kritikal na gampanin sa pagkatuto ng indibidwal, mahalaga na ito ay maisagawa kapwa ng guro at mag-aaral. Ang mga mag-aaral na nakapagsasagawa ng metakognitibong pamamaraan sa pag-aaral ay higit na may mahusay na pagganap/performans sa mga pagsusulit at gawaing pangklasrum.
ANO SA PALAGAY MO? Batay sa mga batayang kaalaman sa pagbasa at metakognisyon, masasabi kong ang METAKOGNITIBONG PAGBASA ay nangangahulugan ng ________________________________________________________________________________ ________________________________________________________________________________ ________________________________________________________________________________ ________________________________________________________________________________ _______________________________
24
PANGALAN
SEKSYON
PETSA
MARKA
MGA GAWAING PAGBASA: A. DIMENSYON NG PAGBASA Basahing mabuti ang kabuuan ng sanaysay at sagutin ang mga katanungan batay sa dimensyon ng pagbasa. Ipagtanggol ang Tagumpay ng Wikang Filipino, Tutulan ang Pagbabalik ng Ingles Bilang Pangunahing Wikang Panturo Sentro ng Wikang Filipino - Unibersidad ng Pilipinas-Diliman Mahigpit naming tinututulan ang isang peligrosong panukala na niluto at ihahain ng Kongreso laban sa wikang Filipino. Kinonsolida nitong Setyembre 2005 ng Committee on Basic Education at Committee on Higher Education ng Kongreso sa iisang panukalang batas ang kampanya upang tuluyang maipatupad ang paggamit ng wikang Ingles bilang pangunahing wikang panturo sa batayan at mataas na antas ng edukasyon – ang House Bill 4701. Dahil dito higit pang pinagbuklod at pinalakas ng HB 4701 ang atake sa wikang Filipino. Ipinag-uutos nito ang sapilitang paggamit ng wikang Ingles bilang midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas, sa lahat ng sabjek (maliban sa 25
Filipino), at sa lahat ng oras sa bawat sulok ng paaralan simula sa akademikong taon 2007-2008. Saklaw nito ang preschool, elementarya, hayskul, at kolehiyo; at maging sa mga teknikal at bokasyunal na kurso. Nakalakip din sa panukala ang paggamit ng wikang Ingles sa lahat ng mga eksaminasyon para sa admisyon, akreditasyon at akselarasyon ng mga paaralan. Ang HB 4701 ay supling ng dalawang naunang hakbangin upang puksain ang wikang Filipino. Una na rito ang HB 1652 nina Kongresman Jose R. Gullas at Edgardo R. Gullas na naglalayong gawing Ingles ang midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas simula unang baitang. Sinundan ito ng atas ni Pangulong Gloria M. Arroyo, ang Executive Order 210 na naglalayong palakasin ang Ingles sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mas maraming oras sa paggamit ng Ingles bilang wikang panturo. Kapag naisabatas ang HB 4701, ipapawalang-bisa nito ang Patakarang Bilingguwal ng 1987 na naglalayong pahusayin ang kasanayan sa Filipino at Ingles sa pamamagitan ng pagtuturo ng dalawang wikang ito at sa paggamit ng mga ito bilang mga midyum ng pagtuturo sa lahat ng antas. Bukod sa pagtutol, dapat labanan at biguin ang HB 4701. Una, ito ay sukdulang paglabag at pagbaluktot ng probisyon sa wika ng Konstitusyon 1987. Ayon sa Artikulo 14 Seksiyon 6: “Sang-ayon sa mga probisyon ng batas at sa kung ano ang nararapat ayon sa Kongreso, magsasagawa ng hakbang ang gobyerno upang masimulan at maipagpatuloy ang paggamit sa Filipino bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.” Ngunit sa HB 4701, sa halip na ipagpatuloy ang nasimulan, winawakasan at pupuksain nito ang wikang Filipino. 26
Ikalawa, binabale-wala nito ang mga pag-aaral sa siyentipikong batayan ng pagkatuto ng mga mag-aaral. Pinatutunayan ng mga pananaliksik sa bansa at karanasan sa pandaigdigang pagsusulit (EDCOM Report 1998; Third International Math and Science Study-TIMSS) na mas mabisa at mabilis na matuto ang bata ng pangalawang wika kung matatag ang pundasyon niya sa unang wika. At kasunod nito, mas madaling matutuhan ng mag-aaral ang iba pang aralin kapag itinuro ang mga ito gamit ang wikang alam niya. Sa madaling salita, dapat patatagin muna ang kasanayan ng mag-aaral sa akademikong paggamit ng kaniyang unang wika (wikang bernakular o Filipino) bago ituro ang pangalawang wika (Ingles). At ikatlo, inililibing nito sa limot ang makasaysayang pagpupunyagi ng mga makabayang Filipino mula kay Jose Rizal, Andres Bonifacio, Manuel L. Quezon at sa mga delegadong masikhay na nagratipika ng mga probisyon sa Konstitusyon 1987 sa pagtatanghal ng wikang pambansa. Ang pagbabalik ng Ingles bilang midyum ng pagtuturo ay isang malinaw na pagpapawalang-halaga sa dunong, pawis, panahon, at salaping isinakripisyo alang-alang sa tagumpay ng wikang Filipino. Ang mga Kongresman at mismo ang Pangulong Arroyo ay nangangalandakan na kailangang gawing mandatory ang Ingles upang maging “globally competitive” at mapataas ang “English comprehension’ ng mga Filipino. Ngunit sa likod ng mga retorikang ito ng globalisasyon, ang kampanya sa Ingles ay lumilikha ng mga “world class citizen” na mapapabilang lamang sa hukbo ng domestic helpers, call-center operators, mga guro, mga nars at doktor, at iba 27
pang propesyunal na lumalabas ng bansa. Sa halip na asikasuhin ng gobyerno ang ekonomiya, siyensya, at negosyo upang lumikha ng oportunidad sa lokal na trabaho, ang pagtatamo ng “English proficiency” ay nakatuon sa paglilingkod sa kapakanan ng dayuhan. Hindi Ingles ang solusyon sa problema ng bayan. Matagal na nating ginagamit ang wikang ito ngunit nanatili pa rin ang problema ng bansa sa ekonomiya at edukasyon. Ang tunay na solusyon ay ang pagkakaroon ng isang gobyernong may matatag na kapasyahang politikal upang iwaksi ang politika ng pakikipagkompromiso, pandaraya, at paninikluhod sa dayuhan. Isang gobyernong may makabansa, siyentipiko at demokratikong programa sa pagpapahusay ng sistema ng edukasyon. Sa halip na gumawa ng paraan upang itaguyod ang pambansang wika, muling hinahati at pinagwawatak-watak ng administrasyong Arroyo ang sambayanan. Inilalayo nito ang bukal at batis ng mabunying kaalaman na makakamit sa paggamit ng kaniyang sariling wika tungo sa landas ng pambansang pagkakaisa at kaunlaran. Dapat nating pahigpitin ang pagkakaisa upang paghandaan ang nagbabantang unos sa wikang Filipino. Iisa lamang ang direksyon na tinatahak ng HB 1652, EO 210, at HB 4701 : ang pagbabago ng Konstitusyon o ang charter change. Kaya’t hindi nakapagtatakang ang mga isponsor ng mga panukalang batas at atas laban sa wikang Filipino ang siyang ring mangunguna sa pagwawasiwas ng tabak upang tuluyan nang pugutan ng ulo ang wikang Filipino sa Konstitusyon. 28
Bilang mga edukador, mananaliksik, mag-aaral, at mamamayang nagmamahal sa wika, kultura, kasaysayan, at identidad ng Filipino kailangan nating magsama-sama hindi lamang sa loob ng paaralan kundi maging sa lansangan upang lumahok sa malawakang pakikibaka ng sambayanan. Ang atake sa wikang Filipino ay atake sa ating pagkabansa. Atake ito sa kabuhayan, karapatan, at kapakanan ng sambayanan. Kapag minamaliit at ipinagkakait ang wikang Filipino sa mamamayan, para na ring kinitil ang kanilang karapatan na mabuhay ng malaya, marangal, at matalinong ipagmalaki ang kanilang pagkaFilipino. Ang pakikibaka ng wikang Filipino ay hindi na lamang pakikibaka sa loob ng akademya. Ang suliraning pangwika ay suliraning pambansa. Kung kaya’t kami sa Sentro ng Wikang Filipino-Unibersidad ng Pilipinas ay nananawagan na TUTULAN, LABANAN, AT BIGUIN ANG HOUSE BILL 4701!!! IPAGTANGGOL ANG TAGUMPAY NG WIKANG FILIPINO!!! SULONG WIKANG FILIPINO, SULONG SAMBAYANAN!!!
29
UNANG DIMENSYON: PAG-UNAWANG LITERAL Alamin ang mga sumusunod batay sa nilalaman ng akdang binasa. A. Anong ang pangunahing tungkulin ng Sentro ng Wikang Filipino? Sinosino ang mga bumubuo nito? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ B. Ano ang ibig sabihin ng HOUSE BILL sa mga usaping hinggil sa batas? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ C. Ano ang gampanin ng Kongreso sa pagpapatupad ng mga nasasaad sa saligang-batas? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ 30
D. Ano ang nilalaman ng House Bill 4701? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ E. Kilalanin ang dalawang kongresistang sina Jose at Edgardo R. Gullas? Ano ang papel nila sa usaping ito? Ano ang isinasaad ng House Bill 1652 na inihain nila sa Kongreso? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ F. Ano ang kaibhan ng HOUSE BILL sa EXECUTIVE ORDER? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________
31
G. Ano ang nilalaman ng Executive Order na iniatas ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ IKALAWANG PAGBASA: PAGBIBIGAY-INTERPRETASYON A. Ano ang isinasaad ng kasalukuyang umiiral na saligang-batas hinggil sa wikang pambansa ng Pilipinas? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________
32
B. Ano ang implikasyon ng mga House Bill at Executive Order na tinututulan ng SWF sa isinasaad ng batas? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ C. Ipaliwanag ang mga katwirang ibinigay ng SWF sa kanilang pagtatanggol sa wikang Filipino. ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ D. Ano ang maaaring maging bunga ng mga pagsusulong ng mga House Bill at Executive Order na nabanggit sa edukasyon ng mga kabataang Pilipino? ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ ___________________________________________________________ 33
IKATLONG DIMENSYON: MAPANURI AT KRITIKAL NA PAGBABASA Alin sa palagay mo ang higit na makatwiran: ang pagsusulong ng Pangulo at ng mga Kongresista sa wikang Ingles bilang wikang panturo o ang pagtatanggol ng SWF sa tagumpay ng wikang Filipino?
_________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ 34
IKAAPAT NA DIMENSYON NG PAGBASA: PAGLALAPAT O APLIKASYON Sa iyong sariling karanasan bilang isang mag-aaral sa kolehiyo, sa anong wika ka higit na natututo? Sa Ingles o sa Filipino? Sinasang-ayunan mo ba ang pinaninindigan ng SWF? Pangatwiranan.
_________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ 35
IKALIMANG DIMENSYON: PAGPAPAHALAGA Sa iyong palagay, ano ang gampanin ng wika sa pagsusulong ng kaunlaran ng isang bansa partikular sa larangan ng edukasyon?
_________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________
36
PANGALAN
SEKSYON
PETSA
MARKA
MGA GAWAING PAGBASA: AKTIBONG PAGBASA Basahin ang kabuuang sanaysay ni Jorge Bocobo sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang ng mga hakbang sa aktibong pagbasa. Ang mga espasyo sa gilid ng teksto ay inilaan para sa iyong pagtatala. Ngunit bago ito, magtala ng ilang mga tanong na sa palagay mo ay masasagot ng teksto. Matapos basahin, balikan ang mga tanong at lagyan ng tsek ang mga tanong na nasagot sa sanaysay. 1.
2.
4.
MALING EDUKASYON SA KOLEHIYO
5.
3. 37
MALING EDUKASYON SA KOLEHIYO Ni: Jorge Bacobo Isa kayang posibilidad na sa halip na maging tunay na edukasyon ang itinuturo sa kolehiyo ay maling edukasyon? Ang sagot ko dito ay “oo.” Isa itong kabalintunaan, subalit hindi maitatatwang katotohanan.. Naniniwala tayong lahat sa kahalagahan ng edukasyon sa unibersidad, kung kaya’t tayo ay nag-aaral sa mga unibersidad. Datapwat, katulad ng mga paraan upang mapaunlad ang pamumuhay, magagamit ang edukasyon upang magtayo, maggupo, magturo o manlinlang. Nagkaroon ako ng pagkakataong suriin ang mga kalakaran at kaisipan sa loob ng sampung taon ng paglilingkod sa Unibersidad ng Pilipinas. Karamihan sa mga estudyante ay nakatupad sa inaatas sa kanilang tungkulin sa ilang aspekto ng unibersidad. Subalit malungkot aminin na ang kilos at pag-iisip ng maraming estudyante ay nagbibigay-daan sa pagkabansot ng isipan, sa pagkatuyo ng puso at sa pagkitil sa kaluluwa. Tatalakayin ko ang tatlong paraan ng maling edukasyon na binabayaran ng mga estudyante ng mataas na matrikula at di-mabilang na sakripisyo. Una, nariyan ang di rasyunal na pagsamba sa pahina. “Ano ang sinasabi ng aklat?”, ang pinakamahalagang tanong sa isip ng mga estudyante tuwing kakaharapin nila ang mga suliranin na kinakailangangn gamitan ng pangangatwiran. Maraming estudyante ang halos mabaliw sa paghagilap ng impormasyon hanggang sa maging kasintaas ang mga ito ng bundok at ang isip ay madaganan ng datos. Wala nang ginawa ang estudyante kundi ang mag-isip kung papaano dadami ang impormasyong hawak nila. 38
Sa gayon, nawawala ang kanilang kakayahang mag-isip sa mailnaw at makapangyarihang paraan. Nakalulungkot makinig sa kanilang pagtatalo at talakayan Sapagkat dahop sila sa katutubong sigla ng malinaw na pangangatwiran, puno ang kanilang talakayan ng walang kawawaang argumento sa halip ng malusog na pangangatwiran at wastong pag-iisip. Sa gayon, isinusuko ng mga estudyante ang kanilang kakanyahan sa mga aklat na nagbibigay-daan sa pagkawala ng kanilang iwing karapatan – ang mag-isip para sa kanilang sarili. At kung nagtangka silang gumawa ng sariling pasya, ipinakita nila ang kanilang pagiging pedantiko. Mananatiling mapanlinlang ang edukasyon hanggang hindi nalilinang ng mga estudyante ang kakayahan nilang mangatwiran sa isang tama at mapanariling paraan. Ihambing ang mga estudyanteng mahilig sa pagkutingting sa kaalaman ng mga Juan dela Cruz sa baryo. Kakaunti lamang ang nabasa ni Juan dela Cruz; hindi pinapurol ng di natutunaw ng impormasyon ang kanyang iwing talino; tiwalag ang kaniyang isip sa katakut-takot at mabibigat na impormasyong hinakot mula sa aklat. Matalim ang kaniyang pang-unawa, mahusay ang kaniyang pagpapasya, matalino ang kaniyang mga kuro-kuro. Pasaring na wiwiwkain niya sa matalinongt pilosospong: ”lumabis ang karunungan mo?” Pangalawa, ginawang pangunahin at panghuling layunin ng maraming estudyante ang pagiging mahusay at propesyunal. Ipinasya nilang maging mahusay na abogado, mediko, inhinyero at magsasaka. Hindi na ako titigil pa upang usisain kung gaano kabigat na sisi ang ilalatag sa pintuan ng unibersidad dahil sa hindi makatwirang emfasis sa espesyalisasyon. Hindi maitatawang malakas ang kalakarang naturan, subalit 39
hindi man lamang tayo mag-isip upang tingnan ang kabayaran nito. Isa ang ating paniniwala: naniniwala ako na walang kabuluhan ang edukasyon kung hindi nito pinalalawak ang pananaw ng tao, pinalalalim ang kaniyang kakayahang dumamay at pinaghahandog ng gabay tungo sa matalinong pagkukuro at malalim na damdamin. Ngunit, paano natin maaasahan ang ganitong bunga mula sa kondisyong kung saan na nagiging hamak na listahan ng batas ang isang estdyante sa abogasya, isang preskripsyon ang taong magiging manggagamot, isang pormula ang isang inhinyero? Ilan sa mga estudyante natin sa kolehiyo ang nagbabasa ng panitikan? Hindi nga ba natin tinatanong kung hindi tunay na kinikitil ng labis na emfasis sa espesyalisasyon nakaaakantig na pang-unawa sa kagandahan at ang dakilang pagmamahal sa mga maiinam na bagay na taglay ng ating mga estudyante, at maaari nilang pabungahin sa isang makapangyarihang kakayahan? Winika nga ni Keats: ”panghabambuhay na kaligayahan ang anumang bagay na puno ng kagandahan.” Subalit batid natin na batay sa panlasa ang kagandahan. Kung hindi natin malilinang ang wastong pagkilala sa mga kagandahan at kadakilaan, mananatiling payak at nakababagot ang ating kapaligiran. Maaga tayong gumigising at lumalabas sa umaga subalit winawalang-bahala ng ating kaluluwa ang umasa ng katahimikan at ang katamisang hatid ng hamog sa madalingaraw. Ating namamalas ang maraming bituin sa gabi, subalit para lamang silang makintab na bato –hindi binibigyan ng lunas ng kanilang maamong liwanag ang ating puso; at hindi natin nararanasan ang nakagugulat at nakaantig ng kaluluwang may paghaang sa dakilang pagkakaisa ng sansinukob. Tinatamaan tayo ng pinilakang liwanag ng buwan subalit hindi natin nararamdaman ang katahimikan sa mga sandaling ito. Minamasdan natin ang mga matataas na bundok subalit hindi tayo naakit sa kanilang tahimik na kapangyarihan. Nakababasa tayo ng walang-kamatayang tula subalit hindi tayo maantig 40
sa kanilang tinig, at waring isang pangitaing madaling mawala ang kanilang malalim na kaisipan. Ating sinusuri ang isang estatwa na taglay ang walang lipas na kagandahan ng guhit at iba pang katangian subalit para sa atin ay isa lamang itong kopyang walang halaga. Sabihin ninyo sa akin, iyan ba ang uri ng buhay na dadayuhin sa kolehiyo? Subalit ang labis na espesyalisasyon na hinahabol ng mga estudyante ng buong sigla ay itinakdang magbubunga ng ganitong uri ng buhay na walang damdamin at sintuyo ng alikabok. Maaari kong sabihin na mahusay ang edukasyon ng naunang salinlahi. Sinasabi ng mga nakatatanda sa atin, at sila ay may katwiran, na hindi nalilinang ng bagong edukasyon ang puso, di tulad ng mga naunang edukasyon. Panghuli, pinalalabo ng ganitong espesyalisasyon na nakapako sa tagumpay sa prospesyon sa hinaharap, ang pananw sa buhay. Nangabnganib na maging makitid ang ating pilosopiya sa buhay sapagkat nasanay na tayong mag-isip ng tungkol sa maalwang buhay na materyal. Oo nga’t kailangan nating maging praktikal. Hindi natin lubusang masasagot ang katanungan kung hindi natin lilinangin ang wastong saloobin at paniniwala at nang sa gayon ay maihiwalay natin ang latak sa ginto, ang ipa sa palay ng buhay. Dapat natin isagawa ito hindi pagkaraan ng pagtatapos kung hindi bago magtapos sa unibersidad; sapagkat kung tapos na ang lahat, ang suma at ang kakanyahang edukasyon ay ang pormulasyon ng layunin ng buhay, kalakip ang tanging kasanayan sa isang aspekto ng karunungan upang magkaroon ng katuparan ang layunin ng buhay sa isang mabisang paraan. Subalit paano natin maihahanay ang mga elemento ng ating pilosopiya sa buhay kung lahat ng ating sandali ay iniuukol sa paggawa ng takdang-
41
aralin, sa mga pag-eeksperimento sa laboratoryo at kung walang tigil ang ating pagtanggap ng impormasyon. Muli nararapat magsiupo ang mga estudyante sa paanan ni Juan dela cruz na kakaunti ang pinag-aralan upang matutuhan nila ang tunay na karunungan. Madalas siyang tawaging mangmang, subalit siya ang pinakamarunong sa mga pinakamarunong, sapagkat natuklasan na niya ang kaligayahan ng taong nakababatid ng dahilan kung bakit nabubuhay. Hindi taglay ni Juan dela Cruz ang kanyang kababaang-loob ang adhika at ang ”ambisyon na labis ang taas.” Mapapahiya ang maarte at kumplikadong alituntunin at gawi ng mga edukadong babae at lalaki kung itatabi sa payak at matibay na mga katangian ni Juan dela Cruz. Kulang ang anumang papuri para sa katatagan ng loob ni Juan dela Cruz sa gitna ng kahirapan. Matibay na batayan ng isang buhay na lipunan ang pagmamahal niya sa tahanan, kalakip ang walang balatkayong katapatan. Napatunayan na rin ang kanyang pagmamahal sa bayan. Maaari bang matuto ang ating edukasyon kay Juan dela Cruz o baka naman hindi sila pinagiging karapat-dapat na maging estudyante ni Juan dela Cruz ng ating edukasyon? Sa pagwawakas, napansin ko sa mga estudyante natin ang nakagagambalang babala ng di-wastong edukasyon. Ilan dito ang mga sumusunod: kakulanagn sa sariling pasya ata pagmamahal sa walang-lamang pilosopiya, dahil na rin naman sa pagsamba sa pahina at nagmamadaling paghahanap ng mga impormasyon; ang unti-unting pagkitil sa kakayahang maantig na kagandahan at kadakilaan dahil na rin sa espesyalisasyon at ang pagpapabaya sa tungkuling-bigyang katuturan ang pilosopiya sa buhay na bunga ng labis na emfasis sa pagsasanay tungo sa pagiging isang propesyunal.
42
Sagutin ang mga sumusunod batay sa binasang sanaysay: PAGKILALA SA MGA SALITA A. Ibigay ang kahulugan ng mga salitang may salungguhit at gamitin sa sariling pangungusap. ________________
1.
Isa itong kabalintunaan
________________
2.
Magamit upang manlinlang
________________
3.
Pagkitil sa kaluluwa
________________
4.
Kanilang iwing karapatan
________________
5.
Kanilang pagiging pedantiko
________________
6.
Dahop sila sa katutubong sigla
________________
7.
Dahil sa emfasis sa espesyalisasyon
________________
8.
Walang balatkayong katapatan
43
B. TAMA O MALI Tukuyin kung ang pahayag ay TAMA o MALI. Kung TAMA, isulat ang letrang T at kung MALI, salungguhitan ang bahaging nagpamali at isulat sa patlang ang tamang salita. 1. Ang sanaysay ay batay sa mga karanasan ng awtor sa kanyang pagiging estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas. 2. Isa raw kabalintunaan ang pagkakaroon ng maling edukasyon. 3. Pagkitil sa kaluluwa ang kawalan ng pagpapahalaga sa mga kagandahan sa paligid. 4. Nagreresulta sa pagkabansot ng isipan ang pagsamba sa pahina. 5. Ang kaluluwa ay tumutukoy sa pilosopiya sa buhay ng isang tao. 6. Ang labis naman na pokus sa espesyalisasyon ay kumikitil sa kaluluwa. 7. Dapat lamang na palawakin ang isip sa pamamagitan ng pag-aanalisa ng mga binabasa.
44
8. Dahil sa pagsamba sa pahina, nawawala ang ating sariling pagpapasya. 9. Walang kabuluhan ang edukasyon kung hindi nito nalilinang ang kakayahang mag-isip. 10. Isang propesor si Jorge Bocobo. C. Bumuo ng pangwakas na dyornal entri sa pamamagitan ng paggamit sa mga sumusunod na tanong bilang patnubay: 1. Ang awtor ba ay nagpapahayag ng katotohanan o opinyon? 2. Mayroon bang sapat at makatwirang mga detalye? 3. Ano ang tono o himig ng awtor? (Seryoso, sarkastiko, nakatutuwa, galit, nanlilibak?) 4. Ano ang layunin ng awtor? 5. Sino ang inaasahang awdyens ng awtor? 6. Nakabatay ba ang mga tinuran ng awtor sa emosyon, lohika/katwiran o pareho?
45
_________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________ _________________________________________________________________
46