Maynila : Sa mga Kuko ng Liwanag Mga antas ng Pag-unawa 1. Literal Sa aking literal na pang-unawa tungkol sa pamagat, ang Maynila pala ay nasa
kuko ng liwanag. Masasabi kong may kamay pala ang liwanag dahil sa ito’y may kuko. ’Di ba wala namang kuko kung wala ding kamay? Subukan mong ilagay ito sa iyong imahinasyon. Isipin mong may isang katawang buhay at ito ang liwanag . Siya ay may kamay at sa mga kuko ay nandoon ang Maynila, parang isang palamuting inilagay doon. Nakakatuwa mang isipin o napakababaw man ang aking sinasabi pero ito ang sasagi sa isipan ng sinumang tao kung sa literal na kahulugan lang din naman ang pag-uusapan.
2. Interpretatibo Sa mas malalim na pag-unawa, kailangan natin kunin ang nakatagong kahulugan ng pamagat at ng kuwento na rin. Ang dalawang salitang may malaking ambag sa pamagat ay ang kuko at ang liwanag. Isa-isahin natin ang pagbibigay kahulugan ng mga
ito. Sa salitang kuko, ito’y nangangahulugang nangangahulugang karahasan o ‘di kaya’y mabangis. Gaya ng mga kuko ng ibong lawin na kayang damputin at kainin ang kawawang sisiw. O ‘di kaya’y sa matutulis at mahahabang kuko ng isang dalaga na pweding mangamrot at makasugat ng sinuman. Sa kabilang banda, ang ibig sabihin naman ng salitang liwanag ay pag-asa o kalayaan na may pagkasalungat sa nauna. Dito mahihinuha na natin na ang Maynila pala ay isang lugar na puno ng pag-asa. Na ang Maynila’y isang i sang lungsod kung saan makikita ang napakaraming oportunidad ng buhay. Ito ay dahil na rin siguro sa katotohanang ito ang sentro ng komersiya at industriya ng bansa. Ito ang lugar kung saan makikita ang mga malalaking kompanya at negosyong pweding mapagtrabahuan ng sinuman. Dito rin mahahanap ang mga nangungunang unibersidad ng bansa. Ngunit sa kabila ng magagandang bagay na nasa Maynila, hindi rin maiitago sa likod nito ang mga karahasang laganap dito. Karanasang nararanasan lalong lalo na sa mga taong mangmang at mahirap. Tulad sa mga nangyari sa mga tauhan ng nobelang ito. Dito mo masasalamin na ang Maynila ay ’di lang isang lugar na punong puno ng pangarap at pagkakataon kundi ito rin ang lugar ng kalupitan at karimlan.
3. Mapanuri o Kritikal Ang nobelang Sa mga Kuko ng Liwanag ay isinulat ni Edgardo M. Reyes. Isa sa mga ginamit niya sa pagbuo ng akdang ito ay ang Realismo. Kaya nga ang nobelang ito ay nag-uumapaw ng mga realidad ng buhay---may mukha ng kahirapan at pang-aabuso sa mahihirap. Hindi siya nahirapan sa paggamit nito sapagkat ang lahat ng kanyang
inilagay sa akdang ito ay hango rin sa kanyang mga karanasan. Para sa ‘di pa nakakaalam, bago pa man naging isang manunulat si Reyes ay naranasan muna niyang tumira sa lugar ng mga iskwater, naging tubero, naging taga-linis sa isang kasa, nakapagtrabaho sa isang konstruksiyon, at nanilbihan bilang alila sa mga malapit na
kapamilya. Kaya ‘di kataka-taka na mabisa niyang nailarawan sa mambabasa ang mga katotohanang bagay tungkol sa Maynila. Huling huli ng sinuman dito ang sistemang “Taiwan” kung tawagin nila. Ito ‘yong
pagkikilo sa suweldo o ang ‘di pagbibigay sa nararapat na suweldo a mga manggagawa. Litaw na litaw din dito ang pagkakalayo ng antas ng mga mahihirap at mayayaman.
Kung ikaw ay mayaman, ikaw ay mas may laban sa hukuman. Ika nga ni Imo, “Naro’n ang hustisya kung saan naroon ang kwarta.” Gaya lamang ng nangyari sa pamilya ni Atong na inagawan na nga ng lupa ay natalo pa sa kaso. Hindi lang naman puro negatibo ang pinapakita sa nobelang ito. Kahit papaano’y pinapakita pa rin dito ang pagtutulungan at pagdadamayan ng mga dukha sa mga oras ng kanilang kagipitan. Ito ang siyang naranasan ni Julio sa kamay ng kanyang mga kaibigan sa konstruksiyong pinagtatrabahuan. Malaki rin ang paglalarawan dito sa
kahalagahan ng edukasyon na isinabuhay sa karakter ni Imo. Kahit na siya’y may edad na ay patuloy pa rin siyang nag-aaral. Ito ang lantaran nating makikita sa kanyang pahayag,
“Iba na ‘yong may pinag-aralan. Mahirap ang buhay ngayon sa mga walang tinapos.” Hindi lang Realismo ang nagamit ng awtor kundi Naturalismo rin. Likas na sa ibang tao ang pagbebenta ng sarili upang magkapera. Sa madaling salita, prostitusyon. At dito nga sa kalagayang ito nahulog si Ligaya na isang inosenteng probinsyana. Pagpatay dahil sa labis na galit ay isa rin sa nabigyan ng pansin dito. Itong sitwasyong ito ay makikita sa pinakahuling parte ng nobela kung saan pinatay ni Julio si Ah Tek dahil na rin sa puot na kanyang naramdaman nang malaman niyang pinatay nito ang pinakamamahal niyang babae. Hindi lang natatapos sa paggamit ng Realismo at Naturalismo ang akda. Ginamitan din ito ng may-akda ng mga salitang-kalye para maging mas makatotohanan ang mga diyalogo. Isa pa sa istilong nagamit ay ang paggamit ng simbolismo at mga matatalinghagang salita. Litaw na litaw nga ito kahit sa pamagat pa lamang.
4. Internatibo Dahil sa akdang ito naalala ko tuloy ang aking akda no’ng hayskul na may kaparehong tema tungkol sa prostitusyon. Kaya pala habang binabasa ko ang akdang ito ay may naramdaman akong pagkapamilyar sa kuwento. Ang pinagkaiba lamang ng dalawa ay ang mga bida. Imbes na magkasintahan ang mga pangunahing karakter, ginawa ko itong dalawang matalik na magkaibigan. Ang bida sa kuwento ko ay sina Blair at Isla. Gaya ng nangyari kay Ligaya, si Blair din ay naluko rin ng isang rekruter na nangako ng magandang buhay sa syudad. Kung ang nobela ni Reyes ay nagtapos ng masaklap, sa akin hindi. Nailigtas pa sa kamay ng prostitusyon si Blair. Siya’y nakauwi ng ligtas at nagsisi sa ‘di pagsunod sa kanyang mga magulang.
Napagtanto ko tuloy, “Ganito ba talaga ka laganap ang sitwasyong ito na kahit ako sa modernisado nating mundo ay napupulot ko pa rin?” Ibig sabihin lang na hindi pa patay ang isyung ito sa ating lipunan. Patuloy pa rin itong tumatakbo sa ating sistema---
galing sa nakaraan, ngayo’y nasa kasalukuyan, at posibleng madala pa sa kinabukasan. Ito’y naging sakit na siguro kaya’t kahit ang makabagong teknolohiya ay walang magawa para solusyunan ito.
5. Malikhain
ni: Stephanie Rose S. Ofamin
Ako’y isang probinsyana Salat at nangangailangan ng pera
Kaya’t ngayon ako’y nagplanong lalarga Sa lugar na puno ng oportunidad: ang Maynila Nasiyahan at namangha Sa tanawing ngayon ko lang nakita
Matataas na gusali’t magagandang kalsada Lahat ng ito’y ‘di mo maaaninag sa aming probinsya
Ako nga’y nakipagsapalaran Sa lugar na ito na ngayon ko lang napuntahan Umaasang may desinteng trabahong matatagpuan Nagdadasal sa mgandang kahihinatnan
Ngunit ang Maynila, para sa’kin, ay naging malaking kasinungalingan Nang ako’y mahulog lang sa kamay ng isang mamasan Ako’y ibenenta sa mga lalaking puno ng kalaswaan Pinagpapasahan gabi-gabi na para bang isang laruan Ang dating Maynila na aking hinahangaan
Ngayo’y aking malugod na kinasusuklaman Hirap,sa ilang taon, ay napagdaanan
Masayang buhay, tila ako’y iniiwasan Minulat ko na lang ang aking mata Na ganito talaga ang buhay dito sa Maynila Magpapadala ka na lang talaga sa daloy ng bulok na sistema
Kaya’t, ‘wag ka magtaka, ako ngayo’y nag-iba na. Hindi na ako ang dating mangmang na bata Na kanilang iniinsulto at pinagkakatuwaan pa Ako ngayon, sa mundong kinatatayuan, ay natuto na Naging isang palabang dalaga At ito ang naging buhay ng isang probinsyana.