Mga Katangian ng Isang Mahusay na Kritiko sa Panitikan
Kinilala, hinangaan, at ipinagmamalaki ng mga makata at manunulat na Pilipino sina Alejandro G. Abadilla at Clodualdo del Mundo bilang namumukod-tanging kritikong panitikang Filipino noong kanilang panahon. Ganito ang ipinahayag ni Abadilla (1954):
Sa bisa ng "Parolang Ginto" ni Clodualdo del Mundo noong 1972, si del Mundo ay nagsimula ng pamimili ng sa palagay niya'y pinakamahusay na katha ng mga buwan at taon. Ang panunuri at pamimiling ito ay tumagal nang walang patlang hanggang noong 1935.
Samantala, kung papaano sa pamamagitan ng kanyang "Parolang Ginto" ay pinasok ni del Mundo ang larangan ng pamumuna o panunuri, si Alejandro G. Abadilla naman ay pumagitna sa larangan sa pamamagitan ng kanyang "Talaang Bughaw" noong 1932, na sagisag mula noon hanggang ngayon, sa buwanan at taunang pamimili ng pinakamahuhusay na akda, maging tula o akda man.
Sa "Hindi na Uso ang Hindi pa Uso: Ang Kritika sa Panahon pa ng Iraq," isang sanaysay ni Isagani R. Cruz ay sunud-sunod na tanong ang kanyang ipinukol sa mga mambabasa bilang paglalarawan sa mga nangyayari ngayon sa larangan ng panunuri na itinutumbas niya sa salitang kritika:
Ano ba ang tayo ng kritika sa kasalukuyan? Ano ba ang uso ay hindi uso? Anu-ano ang mga isyu na nalutas na at ano pa ang hindi nalulutas? Sa madaling salita'y nasaan na ba tayo ngayon sa kritika?
Tulad ng pagiging manunulat ng alinmang akdang pampanitikan, ang isang kritiko sa panitikan ay dapat ding magtaglay ng magagandang katangian. Dahil ditto, iminumungkahi ng manunulat ng aklat na ito ang sumusunod na mga katangiang dapat taglayin ng isang kritiko:
Ang kritiko ay matapat sa sariling itinuturing ang panunuri ng mga akdang pampanitikan bilang isang sining.
Ang kritiko ay handang kilalanin ang sarili bilang manunuri ng akdang pampanitikan at hindi manunuri ng lipunan, manunulat, mambabasa o ideolohiya.
Ang kritiko ay lagging bukas ang pananaw sa mga pagbabagong nagaganap sa panitikan.
Ang kritiko ay iginagalang ang desisyon ng ibang mga kritiko na patuloy na sumasandig sa ibang disiplina gaya ng linggwistika, kasaysayan, sikolohiya, atbp.
Ang kritiko ay matapat na kumikilala sa akda bilang isang akdang sumasailalim sa paraan ng pagbuo o konstruksyon batay sa sinusunod na alituntunin at batas.
Ayon kay Alejandro G. Abadilla, kailangan ng isang kritiko ang tigas ng damdaming naninindigan upang maging tiyak na kapakinabangan ng panitikan ang kanyang pagmamalasakit, ay ipinakilala ng mga pangyayari nang mga unang taon ng kanyang pamimili.
Mga Batayang Simulain sa Panunuring Pampanitikan
Bunga ng maraming taong pagtuturo ng panunuring pampanitikan bilang asignatura sa mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa Filipino sa Pamantasang Normal ng Pilipinas, at pagtatamo ng anim na Gawad Surian sa Panunuring Pampanitikan-Gantimpalang Collantes ako'y nagtangkang bumuo ng ilang simulain sa panunuring pampanitikan gaya ng mga sumusunod:
Ang pagsusuri sa akda ay dapat may uri at katangian ng katalinuhan, seryoso at marubdob na damdamin at ng tapat na mithi sa kalayaan.
Ang pahayag na ito ay nagmula sa tatlong kilalang kritiko nang sila'y maanyayahang maging punong inampalan sa Timpalak sa Pagsulat ng Sanaysay-Panunuring Pampanitikan sa Nobela noong 1985:Min. Edmundo Libd, Dr. Anacleta M. Encarnacion at Dr. Venancio L. Mendiola. Ganito ang kanilang pahayag matapos piliin ang limang mahuhusay na lahok mula sa 25 lahok:
Dahil sa malalim na persepsyon at matalinong panunuri (hindi lamang sa masinop na pananaliksik at malawak na kaalamang iskolar), ang mga sumusunod ang napiling gantimpalaan:
Unang gantimpala- Pagsusuri sa Estetikong Porma, Sosyolohikang Implikasyon at Katutubong Eksistensyal ng sa mga Kuko ng Liwanag ni Pedro L. Ricarte
Pangalawang gantimpala- Ang Pagkamulat ng Isipang Feminista ni Amanda Bartolome: Pangunahing Tauhan ng Dekada '70 ni Loline M. Antillon
Pangatlong gantimpala- Ang pagnanasa at ang Utopia sa mga Nobela ni Dominador Mirasol ni Soledad S. Reyes
Unang karangalang-banggit- Ficcion: Daloy ng Kasaysayan sa Kamalayang Panlipunan ni Fidel Rillo Jr. at
Pangalawang karangalang-banggit- Ang Satanas sa Lupa: Repleksyon ng Kamalayang Sosyo-Politikal sa Bansa ni Pat Villasan Villafuerte.
Sa pagsusuri ng anumang akda ay kailangang mahusay anng organisasyon o balangkas ng lahok. Bahagi ito ng disiplina ng pagsusuri.
Sa pagsusuri ng anumang akda ay dapat maging maganda ang paksa, may kalinisan ang wika at organisado ang paglalahad.
Sa pagsusuri ay mahalagang mahagap ng may-akda ang kanyang piniling paksa, mahusay ang pagtatalakay at organisasyon ng material, malinaw ang balangkas na kinapapalooban ng malinaw na tesis o argumento na sinundan ng buong sanaysay, may naidagdag sa kasalukuyang kaalaman tungkol sa panitikan at mahusay at makinis ang pagkakasulat.
Ang pahayag sa itaas ay nagmula kina Dr. Soledad S. Reyes, Dr. Loline M. Antillon at Prop. Tomas O. Ongoco na naging lupong inampalan sa Timpalak sa Pagsulat ng Sanaysay-Panunuring Pampanitikan sa Panitikang Nasusulat sa Katutubong Wika sa Pilipinas.
Sa pagsusuri ng tula, ang pananarili sa pananagisag sa tula ay hindi dapat panaigin. Ang katangian ng makasining na tula ay ang sikad na damdamin at lawak ng pangitain nito.
Ang simulating ito ay ayon kay Ruben Vega na siya ring nagsabing ang mahalaga sa tula ay ang lasa at hipo nito at hindi ang balat ng prutas. Ayon pa sa kanya, ang buhay daw ng sining ay nasa ubod at laman.
Ang pamimili ng paksang tutulain ay hindi siyang mabisang sukatan ng kakayahan ng ng makata. Sa halip, ang higit na kailangang pahalagahan at sukatin upang makagawa ng makatarungang pagahatol ay kung papaano ang pagkatula.
Ayon kay Pedro L. Ricarte, kung papaanong buhat sa paksang kinuha sa pagtutulong-tulong ng sensibilidad, kadalubhasaan, institusyong ang tunay na tula ay kailangang matigib ng damdamin, kinakailangang managana sa kabuuan nito, sapagkat kung hindi mapupuno sa damdamin, kailanma'y hindi maaaring matibag sa mga taludtod nito ang isnag kagandahan.
Ang susuriing akda ay kailangang napapanahon, may matibay na kaisahan, makapangyarihan ang paggamit ng wika at may malalim na kaalaman sa teoryang pampanitikan.
Ang susuriing akda ay kailangang nagpapamalas ng masinop na pag-uugnay ng mga sangkap ng pagsulat.