TEAM BATAAN ENCARNACION | GITANA | LARGOZA PHOTO ESSAY
Dapit-hapon Pagkatapos ng maghapong pakikipagsapalaran sa karagatan, lulubog ang araw at tila ba'y magpapakita ang isang magandang sining — makulay na alapaap — na mistulang nagpapahiwatig na naging makabuluhan ang nakalipas na araw at nagbibigay ng pag-asa para sa panibagong araw na darating. Lubos ang pagod at sakripisyo na ginagawa ng mga mangingisda. Kahit na hindi sila nakasisigurado na mayroon silang mahuhuli ay lalaot pa rin sila at makikipagsapalaran sa malalaking alon para lamang may makuhang huli at ng may makain sila sa pag-uwi sa kanilang tahanan. Hindi biro ang kanilang ginagawa sa araw-araw. Kahit anong pagod, kanilang kakayanin. Kahit gaano man kahirap ang daan, kanilang tatahakin.
MamalaKAYA Sabi nila ang mangingisda raw ang pinakamahirap na sektor sa bansa. Pero ano nga ba ang sukatan ng yaman? Mayaman saan? Hindi nila alintana ang matinding init ng araw upang sila'y lumaot at mamalakaya sa karagatan na nagsisilbing kanilang buhay. Matinding sakripisyo ang kanilang ginagawa upang mabuhay — may mga pagkakataong sinusuwerte sila 'pag maraming huli, at minsan naman ay hindi gaanong pinapalad. Nakararanas din sila na walang huli, kaya naman wala rin silang kinikita o kaya nama'y hindi sumasapat sa kanilang pamilya yung kinikita nila mula sa pangingisda. Sa kabila ng hirap at mga problemang dumarating sa kanilang buhay, hindi bakas sa kanilang mukha ang pighati at nananatili pa rin silang nakangiti at hindi nawawalan ng pag-asa. Hindi man sila mayaman sa pinansyal na aspekto ay tunay na mayaman naman sila sa pag-asa — hindi sila pinanghihinaan ng loob kahit na anong mangyari — nariyan pa rin ang ngiti, galak, at kasiyahan sa kanilang buhay. Kahit gaano man kalaki ang alon na paparating, hindi sila magpapadaig bagkus ay haharapin nila ito nang may ngiti sa kanilang mga labi at patuloy na lalangoy sa agos ng buhay.
Tuyo “Pasensiya na, ‘yan lang ang ulam natin. Mahirap lang kami.” Iyan ang madalas mong marinig sa hapag-kainan kapag tuyo ang ulam. Dahil sa angking alat ng tuyo ay mabubusog ka kahit lamang sa maliit na piraso nito dahil sinasamahan ito ng maraming kanin. Ngunit dapat nga bang ika-hingi ng pasensiya ang paghahain ng tuyo sa hapag? Aalis ang mga mangingisda nang alas kuwatro nang umaga at bumabalik nang alas nuwebe nang gabi upang manghuli ng isda – ang alubaybay. Hindi alintana ng mga mangingisda ang init ng sikat ng araw at ang nagbabadyang mga kaaway sa porma ng bantay dagat. Mula sa pagkahuli ng mga isda ay dinadala ito sa mga taong magtutuyo. Ang puhunan sa pagtutuyo ay hindi rin biro. Ayon sa isang impormante, ang puhunan na inilalabas sa pagtutuyo ay mahigit sa 60 libong piso. Kasama na rito ang lahat ng kagamitan at pangangailangan sa pagtutuyo. Mula Bataan hanggang Maynila, ang mga tuyo ay ibinibiyahe upang doon na maibenta. Sa murang halaga ay marami ka nang tuyo na mabibili. Tila isang kabalintunaan na sila na humuhuli ng isda at nagtutuyo upang makakain ang sambayanan ay sila ring pinakamahirap na sektor sa bansa.
Lumaban, Lumalaban, Lalaban “Perwisyo kayo!” “Hindi naman kayo nabuhay noong panahon na ‘yon, anong alam niyo?” “Lalo lang nagkaka-trapik trapik sa ginagawa niyo!” Iyan ang laging sinisigaw sa mga taong lumalahok ng mga pagkilos laban kay Marcos.
Kilusang Masa Ang ATING bayan, hawak ng iilan. Kung titingnan at susuriin natin ang lipunan, mapapansin ang napakaraming problemang kinahaharap ng sambayanang Pilipino – mula sa mga petiburges na suliranin gaya ng trapiko at kawalan ng internet hanggang sa mga istruktural na problem (kawalan ng reporma sa lupa, pang-ekonomiyang istruktura, pampolitikang istruktura) – lahat ay mauugat sa tinutukoy na tatlong ugat ng kahirapan – imperyalismo, burukrata-kapitalismo, at piyudalismo. Ang imperyalismo ay tumutukoy sa, ayon kay Vladimir Lenin, pinakamataas na anyo ng kapitalismo. Ito ang paglalak ng kapital ng isang bansa sa iba pang bansa. Hawak na rito ang bank capital at industrial capital. Manipestasyon nito sa bansa ay ang pananaig ng dayuhang mga korporasyon sa bansa. Nakatali rin ang mga polisiyang ipinatutupad sa interes ng mga dayuhan. Ang burukrata-kapitalismo naman ay tumutukoy sa mga pinagkakakitaan ang posisyon sa pamahalaan. Sila ang dahilan kung bakit nakakapasok ang mga imperyalista at napapatindi ang piyudalismo. Ang piyudalismo ay tumutukoy sa umiiral na relasyon sa pagitan ng panginoon at ng alipin – ang una tumutukoy sa Panginoong May Lupa (PML) at ang panghuli, ang magsasaka. Ang tatlong ito ang pinagmumulan ng mga sintomas at problemang nakakasalamuha natin araw-araw. Ito ang pinananaig na sistema ng mga naghaharing-uri – ang 1%. Sila
ang patuloy na nagsasadlak sa masang Pilipino sa kasalukuyan nitong kalagayan – dahilan upang lalong yumaman ang mayayaman, at humirap ang naghihirap. Sa pagsusuring sistema ang ugat ng kahirapan ng sambayanang Pilipino, hindi kailanman magiging sagot ang pagreresolba nito ng isang tao. Hindi kailaman isang mesiyas ang magsasalba sa lahat. Sa pagtukoy na 1% lamang ang naghaharing-uri, nararapat lamang na magsama-sama sa pagkilos ang 99% - ang masang pinagsasamantalahan. Dahil tanging sa kolektibong pagkilos lamang mangyayari ang pagbabagong ating hinahangad – hindi mula sa taas paibaba, kung hindi mula baba papaitaas. Ang malaking hanay ng masang Pilipino rapat ang siyang pinagmumulan at pinupuntahan ng mga istruktural na solusyon – hindi ang mga taong nananatili sa kanikaniyang toreng gareng. Ang pagkakaroon ng kilusang masa ay patunay lamang na mayroong mga Pilipinong handang ipaglaban at isulong ang nararapat na tinatamasa ng mga mamamayan.
Lupa mo, Tanim ko “Magtanim ay ‘di biro, maghapong nakayuko…” – ito ang awit na itinuturo sa mga bata. Kung susuriin, ang kanta ay tumutukoy sa mga nagsasaka ng palay sapagkat ang pagtatanim ng palay ay nangangailangan ng maghapong pagyuko dahil sa laki ng bukirin para maitanim ang mga punlang hawak-hawak. Magtanim ay ‘di biro, maghapong nakayuko. Hindi man lang makaupo. Hindi man lang makatayo. Hindi man lang makaabante sa lipunan. Hindi man lang makasaka sa sariling mga lupa. Maraming mga magsasaka ang hanggang sa kasalukuyan ay walang mga sariling lupang sinasaka. Ayon sa datos, 9 sa bawat 10 magsasaka ang walang sariling lupa – kung kaya’t marami sa kanila ay mga manggagawang-bukid lamang o nakikisaka lamang sa lupain ng mga Panginoong May Lupa (PML). Palipatlipat ng bukirin; naghahanap ng mga magpapatanim – ito na ang sinapit ng mga nagbubungkal at nagpapayaman sa lupa. Marami sa kanila ay pakyawan lamang kung kumita. Wala silang hawak na kahit ano sa proseso ng produksiyon – isang kabalintunaan dahil sila mismo ang nagtatanim at dahilan ng pagkakaroon natin ng pagkain sa ating mga hapag. Sa kabila ito ng ilang dekadang pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at Comprehensive Agrarian Reform Program with Extension
Reforms (CARPER) at ng marami pang ipinatupad na reporma sa lupa ng nagdaang mga pangulo. Patunay lamang na huwad at hindi nagsisilbi sa interes ng mga magsasaka ang naipapasang mga batas. Sa pagpapalalim ng diskurso – tunay na magtanim ay ‘di biro. Dugo’t pawis ang kasamang ipinupunla – hindi lamang dahil sa kinukuha nitong pisikal na lakas, subalit dahil sa pagpapatindi at pagkukulong sa kanilang kasalukuyang estado ng mga nasa naghaharing-uri, sa esentiya, ang mga PML, burukrata-kapitalista, at imperyalista. Hindi biro ang magtanim maghapon dahil ito ay nakakapagod. Hindi biro ang magtanim at maghalaman ng ilang buwan dahil sa mga kalamidad na maaari mong maharap. Hindi biro ang magtanim ng iyong buong buhay dahil sa pagpapahirap ng naghaharing-uri.