REHIYON 1
“ALAMAT NG ROSAS” Noong araw ay may isang magandang dalagang nagngangalang “Rosa,” na balita sa kanyang angking kagandahan, kayumian, at kabaitan. Maraming nangangayupapa sa kanyang kagandahan. Ngunit ni isa sa mga ito ay hindi niya mapusuan. Dahil ang gusto ni Rosa ay ang maglingkod sa Panginoon at sa pagtulong sa mga nangangailangan ng kanyang tulong. Ngunit si Cristobal, isang mahigpit niyang mangingibig, ay di makapapayag na di mapasakanya ang dalaga, at ito’y nagtangkang agawin si Rosa at dinala ito sa hardin. Ngunit nananalangin si Rosa sa Panginoon at noon di’y siya’y naging bangkay. Sa takot ni Cristobal ay ibinaon niya ang dalaga sa bakuran nito at saka siya lumayo sa pook na iyon upang di na magbalik kailanman. Mula noon ay hindi na nakita ng mga taga roon si Rosa. Sa halip, sa bakuran nito ay may isang halamang tumubo na may bulaklak ngunit paghawak sa tangkay nito ay mapapasigaw ka dahil sa talas ng n g tinik ng halamang hinahawakan. Dahil niloob ito ng Panginoon na gawing bulaklak si Rosa na ang tangkay ay may mga tinik na tagapangalaga rito upang di-pagnasaang pupulin lamang ng sinuman.
REHIYON 2
“ALAMAT NG KASOY” Noong unang panahon ay nasa loob ng kasoy ang abuhing buto nito. Lungkut na lungkot ang buto sapagkat madilim na madilim sa loob ng kasoy. Lalo itong nalungkot nang malamang magdaraos ng isang handaan ang Adang kagubatan. Sa gabi ng handaan ay ipinatawag ng Ada ang lahat ng hayop at halaman. Ang buong kagubatan ay nagliliwanag sa tama ng mga ilaw ng parol ng mga Alitaptap. Ang huni ng mga Kuliglig at kokak ng mga Palaka ay sumasaliw sa awit ng mga Maya. Masayang kasayaw ng mga Kuneho ang mga Usa, ng mga Elepante ang mga Tamaraw, ng Zibra ang Tsonggo. Kapareha naman ni Kangkong ang Sitaw, ni Mangga ang Dalanghita, ni Saging ang Papaya. Lahat ay nagsasayaw. Lahat ay kumakanta. Masayang-masaya ang kagubatan. Bukod tanging ang buto ng kasoy ang lungkut na lungkot. “Mabuti pa sila, nakikita ang masayang paligid. Heto ako, nakakarinig ng awit at tawanan pero hindi naman nakikita ang katuwaan.” Naulinigan ng makapangyarihang Ada himutok ng Buto. “Gusto kong maging maligaya ka. May kahilingan ka ba?” “Ayoko pong nakakulong sa madilim na lugar na kinalalagyan ko. Naiinggit ako sa ibang hayop at halaman na tuwang-tuwa kapag may handaan sa kagubatan. Nakakasama sila sa pagsasaya. Hindi lang nila naririnig kundi nakikita pa ang katuwaan ng lahat. Maawa kayo, mahal na Ada. Gawan ninyo ng paraang makalabas po sana ako sa pagkakakulong ko sa loob ng prutas na ito.” Naantig ang maawaing damdamin ng mahal na Ada. Iwinasiwas nito ang nagniningning na pananglaw. Sa isang iglap ay nakalabas sa madilim na kulungan ang Buto.” Masayang-masayang napanood ng Buto ng Kasoy ang sayawan, kantahan, at pagkakatuwaan pagkakatuwaan ng mga hayop at halaman. Ang malakas na pagkokak ng mga Palaka at paghuni ng mga Kuliglig ay sumaliw sa awit ng mga Maya. Sa tuwa ng Elepanteay kumembut-kembot ito sa pag-indak. Napapasabay din sa pagimbay ang mahagway na Kawayan kasama ang Pagong na nagbababa at nagtataas ng bahay-bahayan. bahay-bahayan. Hatinggabi na nang iwasiwas na muli ng butihing Ada ang kaniyang makinang na pananglaw. Hudyat iyon ng pamamahinga. Pinatay na ng mga Alitaptap ang parol nila. Nalungkot ang Buto nang dumilim na ang paligid. Nahahalinhan ng takot at lungkot nang kumulog at kumidlat. Napansin ng Buto na nagsipagtago ang mga hayop sa mga kuweba. Mahigpit namang ikinabit ng mga halaman ang mga ugat sa ilalim ng lupa. Tulad ng dapat asahan, bumuhos na ang malakas na ulan. Takot at kinakaliglig sa lamig ang Buto. “Ga…Ganito pala sa labas. Ma…Mamamatay ka sa sobrang ginaw. Mabibingi ka sa ingay ng kulog. Malamang na tamaan ka pa ng kidlat. A…Ayoko na sa labas.” Hindi pinakinggan ng Ada ang abuhing Buto ng Kasoy. Bilang panghabambuhay na parusa ay pinamalagi ng Adang manatili sa labas ng Kasoy ang abuhing Buto nito. Iyan ang Alamat ng Kasoy at ng di nito makuntentong Buto.
REHIYON 3
“ALAMAT NG ARAYAT” Ang Bundok sa Arayat na nakapatungo sa mga lalawigan ng Kapampangan at Nueva Ecija ay may iniingatang mga kahiwagaan na nagkasali-salin na sa mga maraming paniniwala. Sa maraming kapaniwalaang iyan ay lalong bansag ang mga talang nababanggit sa lathalang ito, dahil sa pagkakatanim sa diwa ng napakarami nang salin ng lahi sa Arayat at kanonog-bayan. Sang-ayon sa matatanda sa Arayat, ang bundok n nasabi ay ari ng isang napakaganda at mapaghimalang babae, si Mariang Sinukuan. Di-umano kapag mabili ang mga paninda, ang araw ng lingo sa pamilihang bayan na Arayat, si Maria ay lumulusong sa bayan upang magtinda at mamili. Subali’t ang engkantada ay hindi mo raw makikilala dahilan sa iba’t ibang paraan ng pagbabalatkayo na kanyang ginagawa. Naroon daw ang mag-ayos siya na tulad sa isang matandang magbubukid, bukod sa pagiging maitim, ay pango pa ang ilong at sungal sunagl ang mga labi pinatutunayan din ng marami taga-Arayat na maraming kagila-gilalas na pangyayari ang mararanasan ng sinumang dadalaw sa bundok na iyon. Ang kabundukan ay totoong masagana sa mga bungang-kahoy at ang sinumang aabutin ng kagutuman doon ay malayang makakpipitas at makakain ng bungang maibigan niya, subalit ang sinumang magtangkang mag-uwi ng mga bungang-kahoy mula roon ay hindi matututuhan ang landas pauw. At ang lalong kahima-himala ay ang pagbuhos ng ulan kasabay ang paglakas ng ihip ng hangin. Ngunit sa sandaling ilapag ng taong iyon at iwan ang mga bungang dala niya, ang landas sa pauwi ay madaling matututuhan. Ang malaking tipak ng batong-buhay sa ituktok ng bundok ay batyang pinaglalabhan ng engkantada. Dahil sa paniwalang napakaganda ni Mariang Sinukuan at dahil rin sa magaagndang tugtugin maririnig sa kabundukan, wala sinumang namamlagi roon sa pangambang baka magayuma sila at hindi na muling makabalik sa kanilang tahanan.
REHIYON 4 - A
“ALAMAT NG BUNDOK BANAHAW” Nang ang malaking Bundok sa gitna ng pulong Luzon ay hindi pa kilala sa pangalang Banahaw, gayon din ang tahanang natatayo sa paanan at liblib, ay marami nang pook ang pinaninirahan ng mga tao. Lubha pa yaong mga lunsod na malapit sa ilog. Sa maraming mag-aanak na doo'y ay kabilang ang mag-asawa ng Lukban at Bayabas. Iisang anak nilang lalaki, si Limbas, ang namumukod sa lakas, sa tapang at sa bilis. Sa kanyang panudla ay bihirang usa, baboy-damo, unggoy, at malaking ibon ay nakaliligtas. Kaya't hindi nagluwat, sa paligid-ligid, ng malaking bundok ay natanyag ang pangalang Limbis. Siya ang nagging hantungan ng paghanga ng lahat. Sa malayong pook ay dumating ang kabayanihan ni Limbas. Isang araw ay nawala si Limbas at gayon na lamang ang panimdim ng mag-asawa. Hindi sila makakain at nmakatulog sa hindi pagdating ng kanilang anak Makalipas ang pitong araw ng pagkabalisa ay muling nagbalik si Limbas. Dala niya ang isang balutan na sari-saring damit at pagkain. Sa buhay ng mag-asawa ay hindi pa sila nakakalasap at nakakatikim ng gayong nag-iinamang damit at nagsasarapang pagkain. Pakinggan natin ang balita ni Limbas. "Isang maginoong balbasin ang nagpakilala sa kanya na isang 'encantado'. Sa maharlikang tahanan nito sa tugatok ng bundok ay doon isinama si Limbas. Doon, ang lahat ng hayop ay puti ng balahibo, di lamang ang mga manok pati ang mga usa. Ang kakawan ay napakalawak at humihitik sa mga bunga. May sasakyang hinihila ang dalawang kabayong puti, na siyang ginagamit sa paglalakbay sa buong Luzon. At sumama lamang ako at pag-uwi ng bahay ay hindi mawawala ang dulot." Yaong balutan ng damit at pagkain na pasalubong ni Limbas sa kanyang mga magulang ay unang dulot ng maginoo. Nguni't ang bilin nito bago iabot ang dulot ay dapat munang humalik si Limbas sa kanyang mga magulang. Anupa't ang hindi paghalik sa kamay ay makakapagpabago sa dalang dulot. Hindi miminsanang nawala si Limbas ng pituhang araw at hindi rin sa kanyang pagbalik ay sari-saring kasuotan at pagkainang dala ang nakasisiya sa kanyang mga magulang. Minsang pagbalik ng bahay ni Limbas ay isang balutan ng maliit na bolang ginto ang padala ng ginoo. At sa tuwa ni Limbas ay nakalimutan humalik muna ng kamay sa kanyang mga magulang, at kara-karakang binuksan ang ballot at sinabing, "Narito po ang ating kayamanan mga bolang ginto!" Subali't ng buksan ang balutan ay hindi ginto abg lumabas kundi mga bunga ng Anahaw. Kaya't sa pagkagulat ay napasigaw si Limbas: Ba! Anahaw! Ba! Anahaw! Ba! Anahaw!" At buhat noon ay tinawag na Banahaw ang malaking bundok na yaon sa gitna ng Luzon. Gayon din, ang bayan ng Lukban at Tayabas ay nagsimula sa pangalang Bayabas at Lukban, na mga magulang ni Limbas.
REHIYON 4 - B
“ANG ALAMAT NG MARINDUQUE” Noong unang panahon may pamayanan sa Timog Katagalugan na pinamumunuan ng isang haring mayaman at makapangyarihan, iginagalang ngunit kinatatakutan. Siya’y si Datu Batumbakal, tinaguriang gayon dahil sa siya’y may pusong bakal. Namuno siya sa Balayan, isang pamayanang sagana sa mga yaman ng kalikasan. Sa panahon ng anihan, naging ugali ng mga katutubo na magpasalamat sa Poong Maykapal sa kanilang masaganang ani. Nagtitipon sila sa tahanan ng Datu at samasama silang nag-aalay ng kanilang mga ani tanda ng pasasalamat at sa kapayapaan ng kanilang pamumuhay. Kasama ng Datu ang kanilang anak na si Marin, isang dilag na pinipintuho dahil sa angking kagandahan. Maraming mga manliligaw ang dalaga na nagmumula sa iba’t-ibang kaharian, ngunit tatlo lamang ang masugid: Datu Bagal ng Mindoro, Datu Saguil ng Laguna at Datu Kawili ng Camarines. Sa kanilang pagluhog, hindi naaantig ang puso ng Prinsesa Marin. Isang araw, naakit ang dalaga ng mga awit ng Garduke, isang makata na humabi ng mga awitin at tulain sa kagandahan at kariktan ng kalikasan. Siya’y dukhang mangingisda mula sa Taal, nagbibigay aliw sa kaharian ni Datu Batumbakal. Naakit si Marin sa kakisigan ng makata na nagtapat ng pag-ibig sa dalaga. Di nagtagal at sila’y naging magsing-irog. Nang matuklasan ito ng Datu, nagalit siya. Sumalungat siya sa pag-iibigan ng dalawa. Nais niyang ang mapangasawa ng anak ay isang maharlika. Iniutos niyang patayin si Garduke kung igigiit niya ang pag-ibig sa Prinsesa Marin. Nalungkot ang Prinsesa, ngunit isang araw habang namamasyal sa dalampasigan ng Bombon, nasalubong niya si Garduke. Ipinahayag ng dalaga ang walang kamatayan niyang pag-ibig sa binata, na di alintana ang pagsalaysay ng binata na siya’y walang kayamanan at kapangyarihang maipagmamalaki. ”Hindi ko kailangan ang kayamanan at kapangyarihan,” wika ni Prinsesa Marin. ”Kailangan kita; may wagas na layunin. Mahal ko ang isang taong mapagkumbaba, makatao at tagahanga ng kalikasan”, dugtong pa ng dalaga. Nalaman ng Datu ang lihim ng pagtatagpo ng dalawa kaya iniutos niya na pugutan ng ulo si Garduke. Dahil diyan, ipinasya nina Prinsesa Marin at Garduke na tumakas. Sumakay sila sa bangka patungo sa Tayabas Bay, hinabol sila ng mga sundalo ni Datu Batumbakal kasama ang tatlong masugid na manliligaw. Nang inaakala ng dalawa na maaabutan sila ng mga sundalo, iniutos ng dalawa sa kasamang utusan na magkasamang gapusin silang dalawa at ihulog sa gitna ng karagatan. At ganon nga ang nangyari. Sa pagdaraan ng panahon, may umusbong na hugis pusong pulo sa pook ng pinaglagakan ng katawan nina Prinsesa Marin at Garduke. Ang pulo ay pinangalanang Marinduke, ang pinakamatahimik at mapayapang pulo sa Timog Katagalugan.
REHIYON 5
“ALAMAT NG BULKANG MAYON” Noong unang panahon, sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Rajah. Siya ay may anak na kaakit-akit na ang palayaw sa kanya ng mga tao sa Daragang Magayon na ang kahuluga’y “Magandang Dalaga.” Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di mabilang na mga datu at mga ginoong tanyag ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Rajah sa kanugnog na kaharian. Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging kanya pagdating ng araw. Mula sa malayong Katagalugan narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan, malapi sa munting ilog, nakita ang dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya’y ang binibini’y nagtampisaw sa batis. Ang binata’y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang kanyang pansin. Nagkatitigan sila at ang binata’y nginitian. Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito’y nagsalita, “Magandang Mutya, mula ako sa malayo upang ikaw ay sadyain at Makita ang tangi mong kariktan!” “Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang pangahas!” “Ako’y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit ditto. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at ako’y masisiyahan na!” Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at ito’y kagyat na idinampi sa kaliwang dibdib. “Maaari bang kita’y makitang muli?” At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis. “Isang araw,” mungkahi ng lalaki, “kita’y iniibig. Tayo’y pakasal!” “Ngunit ang Rajah? Ang aking ama?” may alinlangang paliwanag. “Dapat niyang malaman!” “Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang kamay mo sa kanya!” Pumayag ang Rajah. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang at nakakahalina kung kumilos. Itinakda ng Rajah ang kasal sa pa gbibilog ng buwan, matapos ang anihan. Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang kasalan. Kakaunin niya ang ama’t ina at silang tatlo ay babalik sa Albay.
Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang napabalitang pag-iisang-dibdib. Kanyang sinamantala ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya si Daragang Magayon. Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: “Kung hindi kita makamtan, walang magkakamit sa iyo sinuman!” Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay niya at sa kanyang ama. Siya’y sumagot, “Ako’y magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!” Nagtumulin ang mga araw at mga lingo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Malaya. Hindi pa siya nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga’y nakaupo sa duruwangawan at naghihintay. Nang dumating ang kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan – kainan at sayawan. Sa gitna ng kasayahandumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang. “Ako’y naparito upang angkinin ang aking nobya!” sabi ni Malaya. “Hindi maaari!” tugon ni Kauen. Nagkaroon ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malay ay subok sa espada subalit si Kauen naman ay malansi at mapaglalang. Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo upang pumagitna at sawayin ang dalaga. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya ito ngunit pataksil na sinibat ng katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig. Nagluksa ang Rajah at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa’y ilagak na magkasama sa isang hukay. Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay tumaas hanggang sa itoy maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis. Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay Daragang Magayon.
REHIYON 6
“ANG ALAMAT NG PINYA” Noong unang panahon may nakatirang mag-ina sa isang malayong pook. Ang ina ay si Aling Rosa at ang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang bugtong na anak. Kaya lumaki si Pinang sa layaw. Gusto ng ina na matuto si Pinang ng mga gawaing bahay, ngunit laging ikinakatwiran ni Pinang na alam na niyang gawin ang mga itinuturo ng ina. Kaya't pinabayaan na lang niya ang kanyang anak. Isang araw nagkasakit si Aling Rosa. Hindi siya makabangon a t makagawa ng gawaing bahay. Inutusan niya si Pinang na magluto ng lugaw. Isinalang ni Pinang ang lugaw ngunit napabayaan dahil sa kalalaro. Ang lugaw ay dumikit sa palayok at nasunog. Nagpasensiya na lang si Aling Rosa, napagsilbihan naman siya kahit paano ng anak. Nagtagal ang sakit ni Aling Rosa kaya't napilitang si Pinang ang gumagawa sa bahay. Isang araw, sa kanyang pagluluto hindi niya makita ang posporo. Tinanong ang kanyang ina kung nasaan ito. Isang beses naman ay ang sandok ang hinahanap. Ganoon ng ganoon ang nangyayari. Walang bagay na di makita at agad tinatanong ang kanyang ina. Nayamot si Aling Rosa sa katatanong ng anak kaya´t nawika nito: " Naku! Pinang, sana'y magkaroon ka ng maraming mata upang makita mo ang lahat ng bagay at hindi ka na tanong nang tanong sa akin. Dahil alam niyang galit na ang kanyang ina ay di na umimik si Pinang. Umalis siya upang hanapin ang sandok na hinahanap. Kinagabihan, wala si Pinang sa bahay. Nabahala si Aling Rosa. Tinatawag niya ang anak ngunit walang sumasagot. Napilitan siyang bumangon at naghanda ng pagkain. Pagkaraan ng ilang araw ay magaling-galing na si Aling Rosa. Hinanap niya si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay kung nakita nila ang kanyang anak. Ngunit naglahong parang bula si Pinang. Hindi na nakita ni Aling Rosa si Pinang. Isang araw, may nakitang halaman si Aling Rosa sa kanyang bakuran. Hindi niya alam kung anong uri ang halamang iyon. Inalagaan niyang mabuti hanggang sa ito'y magbunga. Laking pagkamangha ni Aling Rosa ng makita ang anyo ng bunga nito. Ito'y hugis-ulo ng tao at napapalibutan ng mata. Biglang naalaala ni Aling Rosa ang huli niyang sinabi kay Pina, na sana'y magkaroon ito ng maraming mata para makita ang kanyang hinahanap. Tahimik na nanangis si Aling Rosa at laking pagsisisi dahil tumalab ang kanyang sinabi sa anak. Inalagaan niyang mabuti ang halaman at tinawag itong Pinang, Sa palipatlipat sa bibig ng mga tao ang pinang ay naging pinya.
REHIYON 7
“ALAMAT NG CHOCOLATE HILLS” Noong unang panahon, sa probinsiya ng Bohol, parting Kabisayaaan, may lupang malawak subali’t ito ay tuyot. Makikita mong biyak-biyak ang lupain kapag taginit. Talagang pagpapawisan ka kapag napadaan ka sa lugar. Subali’t kapag tagulan ito ay maputik at siguradong mababaon ang iyon paa kapag ikaw ay nakayapak. Ngunit kung araw ng taniman ay maaliwalas ang kapaligiran sa kulay ng berdeng tanawin ng pook. Ayon sa matatanda roon, may isang araw sa magkabilang dulo ng isla na may dalawang higanteng dumating. Ang isa ay nagmula sa parting timog at ang isa naman ay sa hilaga. Ang mga naninirahan doon ay nangangamba na baka magkita ang dalawa. Kaya’t nilisan pansamantala ng tagaroon ang lugar. Sa inaasahang pangyayari nagkita nga ang dalawang higante. “Anong ginagawa mo sa aking nasasakupan!” Ito’y aking pag-aari at umalis ka na,” galit na sinabi ni Higanteng mula saTimog . ” Maghanap ka ng lugar na iyong aangkinin.” “Aba!, ako yata ang nauna rito at ito’y pag-aari ko na!” sagot ding galit ng higante mula sa hilaga. “Ikaw dapat ang umalis!” “Hindi maaari ito! Ito ay pag-aari ko!” sabay padyak ng Higante mula sa Timog at nayanig ang lugar na parang lumilindol. “Lalong hindi maaari!” mas malakas ang padyak ng Higante mula sa Hilaga. Noong panahong iyon, ay katatapos pa lamang ang tag-ulan at maputik sa kinatatayuan nila. Ginawa ng isang higante ay bumilog ng putik at binato sa isa. Subali’t gumanti rin ang isa at humulma rin ng isang bilog na putik at siya ring binato sa kalaban. Walang tigil na batuhan ng binilog na putik. Hanggang ang dalawa ay hingalin, naubusan ng lakas at nawalan ng hininga. Tumumba ang dalawang higante na wala ng buhay.Marami ang nakasaksi sa pangyayari na tagaroon. Ang sumabat sa paningin ng mga tao ang mala-higanteng bolang putik na siyang ginamit ng mga naabing higante sa pagbabatuhan. Pagkatapos ng pangyayari, nagsibalikan ang naninirahan doon. Namuhay ng mapayapa at masagana.Dahil sa bulubunduking ginawa ng mga higante na kulay tsokolate na sila ring napakikinabangang taniman, ito ang pinagmulan ng Chocolate Hills.
REHIYON 8
“ALAMAT NG BASEY” Dahil sa ipinakitang kalupitan ng mga tulisang-dagat, ang mga naninirahan sa Balud, sa pangunguna ng mga misyonerong Heswita ay nagtungo sa Binongtoan, isa sa kalapit na nayon. Doon ay nagsimula silang bumuo ng panibagong nayon at matatag na kuta na yari sa adobe. Pinatatag nila ang kanilang nayon. Naglagay sila ng mga pamigil na harang laban sa marahas na pananalakay ng mga tulisang-dagat. Ang mga tagapamuno ng Binongtoan ay sina Ambrocio Makarumpag, Francisco Karanguing, Juan Katindoy at Tomas Makahilig. Sa pagpupulong ng mga tagapamuno na dinaluhan ng mga misyonerong Heswita, sila’y nagkasundo na pangalanan ang lugar na Baysay na may kahulugang ‘maganda’ bilang parangal at sa alaala ng kanilang magandang si Bungangsakit. Samantala, ang mga taga-Omit na nakasalamuha ni Bungangsakit nang kanyang kabataan ay hindi sumama sa pagtatatag ng bayan ng Baysay. Sa halip sila’y nagkaisa at nagtatag ng kanilang sariling barangay na pinangalanang Guibaysayi, na may kahulugang ‘Ang Pinakamaganda’ bilang pagbibigay parangal din sa kagandahan ng kanilang si Bungangsakit. Ang mga naninirahan sa Baysay ay nagtatag ng pangkat ng mga tagapagtanggol na binubuo ng matatapang na kalalakihan sa kanilang lugar na pinamumunuan ni Katindoy, isang matapang na mandirigma. Batid nilang ang mga tulisang-dagat ay muling babalik kaya’t nagtayo sila ng kuta na yari sa matitigas na bato sa Bungal na matatagpuan sa bukana ng ilog. Sa kutang ito magtitipon ang matatapang na tagapagtanggol ni Katindoy upang planuhin ang kanilang mga gagawing depensa laban sa mga tulisang-dagat at upang mamatyagan ang paparating na mga vinta. Nuong 1832, ang ilang piling lugar sa Bungal ay inihanda para sa pagtatayo ng Simbahang Katoliko ng mga Heswita. Subali’t sa kakapusang-palad, ang walo-walo ay dumating at sinalanta ang buong kuta. Ang walo-walo ay walong araw na walang tigil na pag-ulan nang malakas na may kasamang malalakas na hangin. Pagkalipas ng ilang araw, dumaan pa ang napakalakas at nagngangalit na bagyo sa lugar na kumitil sa napakaraming buhay at sumira sa napakaraming ari-arian. Sapagkat walang matirahan at sinalanta ng bagyo, ang mga natirang buhay na naninirahan sa Baysay ay nagpasyang muling kumilos upang humanap ng lugar na may mga burolna magsisilbing pananggalang sa malalakas na hangin. Napili nila ang kasalukuyang kinalalagyan ng bayan ng Baysay. Malapit sa lugar na ito ay matatagpuan ang mga burol na isa sa mga ito ay tinayuan ng mga katutubo ng mataas na tore. Mula sa tore ay matatanaw ang paparating na mga vinta at ang mga burol ay maaaring mapaglikasan sa mga panahon ng pagbaha at kublihan kapag may malalakas na bagyo.
REHIYON 9
REHIYON 10
“ ALAMAT NG LANSONES” Tumunog ang kampana sa munting Kapilya ng isang nayon sa bayan ng Paete, lalawigan ng Laguna. Napabalikwas si Manuel at masuyong ginising ang nahihimbing na kabiyak. "Gising na Edna, at tayo'y mahuhuli sa misa." Marahang nagmulat ng mga mata ang babae, kumurap-kurap at nang mabalingan ng tingin ang asawa ay napangiti. Mabilis na gumayak ang mag-asawa upang magsimba sa misang minsan sa isang buwan idinaraos sa kanilang nayon ng kura paroko ng bayan. Hindi nagtagal at ang mag-asawa ay kasama na sa pulutong ng mga taga-nayong patungo sa Kapilya. Magkatabing lumuhod sa isang sulok ang magkabiyak at taimtim na nananalangin. "Diyos ko," and marahang panalangin ni Edna, "Patnubayan mo po kami sa aming pamumuhay, nawa's huwag magbago ang pagmamahal sa akin ni Manuel." Si Manuel naman ay taimtim ding dumadalangin sa kaligtasan ng asawa, na alam niyang nagtataglay sa sinapupunan ng unang binhi ng kanilang pag-iibigan. Nang matapos ang misa ay magiliw na inakay ni Manuel ang kabiyak at sila'y lumakad na pauwi sa kanilang tahanan. Sa kanilang marahang paglalakad ay biglang napahinto si Edna. "Naku! kay gandang mga bunga niyon," ang wika kay Manuel sabay turo sa puno ng lansones na hitik na hitik sa bunga. "Gusto ko niyon, ikuha mo ako," ani Ednang halos matulo ang laway sa pananabik. Napakurap-kurap si Manuel. Hindi niya malaman ang gagawin. Alam niyang ang lansones ay lason at hindi maaring kainin ngunit batid din naman niyang nagdadalang-tao ang asawa at hindi dapat biguin sa pagkaing hinihiling. Sa pagkakatigagal ng lalaki ay marahan siyang kinalabit ni Edna at muling sumamong ikuha siya ng mga bunga ng lansones. "Iyan ay lason kaya't hindi ko maibibigay sa iyo." Pagkarinig ni Edna sa wika ng asawa ay pumatak ang luha. Sunod-sunod na hikbi ang pumulas sa kanyang mga labi. Parang ginugutay ang dibdib ni Manuel sa malaking habag sa asawa ngunit tinigasan niya ang kanyang loob. Masuyong inakbayan ni Manuel ang asawa at marahang nangusap. "Huwag na iyan ang hilingin mo, alam mo namang iya'y lason. Hayaan mo at pagdating natin sa bahay ay pipitas ako sa duluhan ng mga manggang manibalang." Walang imikan nilang tinalunton ang landas patungo sa kanilang tahanan. Ang maaliwalas na langit ng kanilang pag-iibigan ay biglang sinaputan ng ulap. Ni hindi sinulyapan ni Edna ang mga manggang manibalang na pitas ni Manuel sa kanilang duluhan. Ang babae'y laging nagkukulong sa silid, ayaw tumikim man lamang ng pagkain at ayaw tapunan ng tingin ang pinagtatampuhang asawa. Hindi nagtagal ang babae'y naratay sa banig ng karamdaman. Hindi malaman ni Manuel ang gagawin sa kalunoslunos na kalagayan ng asawa."Edna, ano ba ang dinaramdam mo?" lipos na pag-aalalang wika ni Manuel habang buong pagsuyong hinahaplos ang noo ng maysakit. Marahang iling lamang ang itinugon ng nakaratay at dalawang butil ng luha ang nag-uunahang gumulong sa pisngi. Balisang nagpalakad-lakad si Manuel sa tabi ng maysakit. Hindi niya matagalang tignan ang payat na kaanyuan ngayon na kaibang-kakaiba sa dating Ednang sinuyo niya't minahal. Wala na ngayon ang namumurok na pisngi, ang dating mapupungay na mga mata'y malalamlam, wala na ang ningning ng kaligayahan, maputla ang dati'y mapupulang mga labi at
mistulang larawan ng kamatayan. Nang hindi na niya makaya ang damdaming lumulukob sa kanyang pagkatao ay mabilis na nagpasiya. Kukunin niya ang mga bunga ng lansones. Ang bunga ng kamatayang pinakamimithi ng kanyang asawa. Sa wakas ay isinuko rin niya ang katigasan ng kanyang loob, dahil sa matinding abag sa kabiyak. Nanaog siya at tinungo ang puno ng lansones. Nanginginig ang kamay na pinitas ang isang kumpol ng bunga ng kamatayan. "Diyos ko, tulungan mo po kami, pinakamamahal ko ang aking asawa at wala nang halaga sa akin ang buhay kung siya'y mawawala pa sa aking piling," nangangatagal ang mga labing marahan niyang naiusal kasabay ng mariing pagpikit ng mga mata. Sunod-sunod na patak ng luha ang nalaglag sa pagkagunitang ang bungang iyon ang tatapos sa lahat ng kanilang kaligayahan. Sa pagmumulat niya ng paningin siya'y nabigla. Anong laking himala! May nabuong liwanag sa kanyang harapan at gayon na lamang ang kanyang panggigilalas noong iyon ay maging isang napakagandang babaing binusilak sa kaputian. Humalimuyak ang bangong sa tanang buhay niya ay noon lamang niyang masamyo. Sa tinig na waring isang anghel ay marahang nangungusap ang babae. "Anak ko, kainin mo ang bungang iyong hawak." Nagbantulot sumunod si Manuel sapagkat alam niyang ang bungang iyon ay lason. Sa nakitang pagaalinlangan ni Manuel ay muling nangusap ang babaeng nakaputi. "Huwag kang matakot, kainin mo ang bungang iyong hawak." Pagkasabi noo'y kumuha ng isang bunga sa hawak na kumpol ni Manuel at ito'y marahang pinisil. Mawala ang takot ni Manuel at mabilis na tinalupan ang isang bunga ng lansones. Anong sarap at anong tamis! Nang ibaling niya ang paningin sa babaeng nakaputi ay nawala na ito. Biglang naglaho at saan man niya igala ang kanyang mata ay hindi makita. "Salamat po, Diyos ko!" ang nabikas ni Manuel. Biglang sumigla ang katawanni Manuel at hindi magkandatutong pinitas ang lahat ng mga bungang makakaya niyang dalhin at nagdudumaling umuwi sa naghihintay na asawa.
REHIYON 11
REHIYON 12
REHIYON 13
ARMM
NCR
CAR
MGA NILALAMAN NCR…………….
CAR……………. REHIYON 1…...ALAMAT NG ROSAS REHIYON 2…...ALAMAT NG KASOY REHIYON 3……ALAMAT NG ARAYAT REHIYON 4-A...ALAMAT NG BUNDOK BANAHAW REHIYON 4-B…ALAMAT NG MARINDUQUE REHIYON 5……ALAMAT NG BULKANG MAYON REHIYON 6……ALAMAT NG PINYA REHIYON 7……ALAMAT NG CHOCOLATE HILLS REHIYON 8……ALAMAT NG BASEY REHIYON 9…... REHIYON 10….ALAMAT NG LANSONES REHIYON 11…. REHIYON 12…. REHIYON 13…. ARMM………….