Janina DC. Javier
BS Sikolohiya 2-1
Retorika
Prof. Castillo
A. Pamagat ng Akda: Mga Ibong Mandaragit B. Uri o Genre ng Akda: Ang akdang Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez ay isang uri ng nobela. Ang nobela ay isang uri ng panitikan na binubuo ng mahabang kuwentong piksyon at ng iba't ibang kabanata. Isa itong piksyon na akda kung saan kathang isip lamang ang mga tauhan at pangyayari. Isa mang uri ng piksyon ay sinasalamin naman nito ang mga pangyayari at karanasan na maaaring nangyari noong kapanahunan ng pagsakop sa ating ng mga ninuno. Ang nobelang ito may temang sosyo-politikal kung saan inilahad ang kalagayang politikal at panlipunan ng bansa. Ito ay naglalarawan sa totoong buhay ng isang tao na kumakatawan sa lipunan sa pamamagitan ng pagsasabuhay o pagsasalaysay ng isang kwento. Isinunod ng may-akda ang nobelang ito sa nauna ng dalawang nobelang nilikha naman ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal; ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Ito ay upang mabigyan ng pagpupugay ang dalawang akdang ito ni Rizal at magawang makakatotohan ang kwentong nakapaloob sa dalawang dakilang nobela. C. May-akda: Si Amado V. Hernandez ang siyang nasa likod ng makasaysayang nobelang ito. Isa siyang kilalang manunulat at aktibistang makalipunan na nagkamit na rin ng maraming parangal dahil sa nobelang ito. Ang tanging hangad ni Hernandez nang isinulat niya ito ay upang himukin tayo sa pagbabago sa sistema sa bansa. Sa kanyang panulat ay hinangad niyang mabigyan ng pagbabago at maiangat ang katayuan sa buhay ng maraming tao sa ating bansa.
1
D. Pag-unawa: Ang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay tumatalakay sa kalagayan ng mamamayan sa lipunan. Ipinakita ang iba’t ibang suliraning kinahaharap ng bansa; ang diskriminasyon sa pagitan ng mahihirap at mayayaman, ang kahirapan na hanggang sa kasalukuyan ay tinatamasa pa rin natin, at ang katiwalian ng pamahalaan o ng matataas na antas ng tao sa lipunan. Sumasalamin ang nobelang ito lalo na ang pangunahing tauhan sa buhay na dinaranas ng mga mahihirap na tao kung saan nahubog ng mga suliranin, paghihirap at pagsubok ang buhay ni Mando upang sa huli ay magtagumpay. Isa itong akda na magbubukas sa ating isipan sa tunay na nagaganap sa ating lipunan. Nagpapakita ito ng paghahangad sa kalayaan, pagkakaroon ng pusong nasyonalismo, pakikibaka para sa katarungan at pag-abot sa katotohanan. Lahat ng elementong ito ay mabisang natalakay sa akda na siyang nagdala dito upang mabigyan ng pagpapahalaga at karangalan ang nobelang ito. Mahalagang mabasa ito ng lahat. Naglalaman man ito ng mga mararahas na pangyayari sa mga tauhan na alam naman natin na hindi magandang mabasa ng kabataan, ang kabuuan naman nito ang siyang mahalaga na malaman ng mga mambabasa. Importanteng mabasa ito ng lahat dahil maaari tayong mapakilos nito upang maiangat an gating buhay at makamit natin ang pagbabagong hinahangad natin sa pamamagitan ng bawat tauhan na naglalarawan ng iba’t ibang suliranin tungkol sa buhay. Ang librong ito ay naglalahad lamang ng pawing katotohanan lang na siyang malaking sandata natin upang mabago ang sistema ng ating pamahalaan. Sa kabila ng mga krisis na kinakaharap ng bansa partikular na ang samu’t saring katiwaliang naglalabasan sa ngayon, marapat na mabasa ito lalung lalo na ng mga kawani at nakakataas sa pamahalaan na ibahin na ang sistemang unti-unting dumudurog sa mahihirap at magkaroon ng pantay na pagtingin sa lahat. Ito ang pagbabagong hinahangad nating lahat. 2
E. Pagsusuri at Pagpapakahulugan: Kung ating susuriin ang nobelang Mga Ibong Mandaragit, makikitang sa kabila ng matagal na itong nailimbag at tungkol ito sa nakaraan, napapanahon naman ang suliraning inilahad ng nobela. Ganun din naman ang diwa at kaisipan na lubos nating kailangan sa panahong ngayon. Sinasalamin ng mayayaman at nakakataas sa nobela ang katauhan ng mga namumuno rin sa pamahalaan ngayon. Buong puso naman ang paglalahad ng mga kaisipan, sariling opinyon, kaalaman at paglalarawan sa bawat tauhan. Makikita na ang mga tauhan sa nobela ay binatay ang kanilang ugali at pananaw sa buhay sa kanilang katayuan sa buhay na mabisang naipakita sa akda. Halimbawa na lamang ang pangunahing tauhan na si Mando Plaridel, na inahalintulad ang buhay kay Crisostomo Ibarra ng Noli Me Tangere at kay Simoun sa El Filibusterismo kung saan nahubog ang kanyang isipan sa paghahangad ng pagbabago dahil sa mga pangyayaring naganap sa kanyang buhay. Bawat detalye sa nobela ay malinaw na nailahad ng may-akda — ang simula, suliranin, ang buhay ng bawat tauhan, solusyon sa suliranin at katapusan ay mabisang naipakita at nabigyan ng madetalyadong impormasyon sa nobela. Ang may-akda ay gumamit ng maraming paglalarawan upang mas lubos maunawaan ang buong nobela. Malalalim ang ginamit na salita sa nobela ng may-akda. Ito ay upang mas maging makatotohanang kasunod ito ng dalawang nobela ng ating pambansang bayani. Ang pangunahing mambabasa ng nobelang ito ay ang mga estudyante sa paaralan dahil ang ganitong uri ng panitikan ay magandang pag-aralan para sa asignaturang Filipino. Ito ay naglalaman ng maraming uri ng karahasan na maaaring makasama at makaapekto sa kaisipan ng 3
kabataan. Sa kabila nito ay naging daan naman ito sa kwento ng totoong buhay, na ang katotohannag hindi lahat ng tao ay nasa itaas at hindi madaling mamuhay sa mundong ito. Angkop na basahin ito ng kabataan dahil magbubukas ito ng isipan para sa katotohanan, magkakaroon ng maraming kaalaman partikular na sa talasalitaan at bokabularyo, at malalaman ang ating nakaraan sa panahong sinakop tayo ng ibang lahi. Hindi ito madaling maunawaan kung hindi bibigyan ng tamang atensyon partikular na ang mga malalalim na salita na isa sa nagpapaganda sa nobela. Binubuo ang nobela ng 69 na kabanata na maaaring katamarang basahin ng kabataan dahil na rin sa kinagigisnang kultura ng henerasyon sa panahong ngayon. Ngunit kung talagang pag-uukulan ng pansin ang kabuuan ng nobela, maihahanay ito sa mga magagandang nobelang maipagmamalaki nating lahat. Malaki ang pakinabang ng nobelang ito sa ating lahat. Una, isa itong akdang may temang sosyo-politikal na magbibigay sa atin ng kaalaman patungkol sa kalagayan ng ating bansa sa nakalipas na panahon at kung paano ito maikukumpara sa kasalukuyang kalagayang ngayon. Pangalawa, isa itong akdang magbubukas sa ating isipan para sa pagbabago ng sistemang matagal nang kumukubli sa katotohanan at nagtatanggal ng karapatan sa pantay na pamumuhay. Ganun din naman ang paraan ng pagsulat ng may-akda na magbibigay sa atin ng karagdagang kaalaman sa ating bokabularyo. Ang nobela ring ito ay ang ating daan sa nakaraan upang malaman natin ang mga nangyari sa nakalipas na panahon. Panghuli at pinakamahalaga, isa itong akdang nagbibigay sa atin ng inspirasyon upang magbasa pa tayo ng ganitong mga uri ng panitikan na may ganitong uri ng tema.
4
F. Pagpapakahulugan: Isa lang naman ang layunin ng Mga Ibong Mandaragit, ito ay ang hingkayatin tayong kumilos para sa pagbabago. Sa pamamagitan ng nobelang ito ay naipahayag ng may-akda ang kahalagahan ng kalayaan lalo na sa pamamahayag, paglaban sa katarungan, pagtanggol sa karapatan ng mga mahihirap, pagmamahal sa Inang Bayan o nasyonalismo at pag-angat ng ating lipunan. Lahat ng ito ay nakapaloob sa akda na siyang magdudulot sa atin ng kasiyahan at inspirasyon kapag mababasa ito. Kung susuriin ang iba’t ibang aspekto ng nobela, makikitang mas marami itong mabuting aspekto kaysa mahinang aspektosa lipunan. Mabuting aspekto nito ay ang mga naging pakikibaka ng mga tauhan para sa paglutas ng mga suliraning ito. Malinaw ring naipakita ang iba’t ibang katayuan sa buhay; ang mga mayayaman sa katauhan nina Don Segundo Montero, Gob. Oscar Doblada, Hen. Bayoneta at iba pang nakakataas na walang ginawa kundi ang magpakasasa sa kayamanan, at ang mga mahihirap sa katauhan ni Mando Plaridel, Tata Matyas, Magat at iba pang naghahangad ng pagbabago sa bulok na sistema sa nobela. Maaaring may makakapagsabing naging bias ang may-akda sa paglalarawan sa mga tauhan, ngunit tanging hangad lamang nito na maipakita ang katotohanan at wala nang iba. Naging mahinang aspekto naman nito ang pagkakaroon ng labis na mga karahasan na maaaring mabigyan ng ibang interpretasyon ng lipunan lalo na ng mga magulang para sa kanilang mga anak.
5
G. Pagpapalawak Hindi pa man tayo isinisilang sa mundo, may mga kababayan na tayong lumaban para sa kalayaang tinatamasa natin ngayon. Ito ay naisabuhay sa nobelang Mga Ibong Mandaragit. Ang mga ibong mandaragit na tinutukoy sa nobela ay ang mga namumuguran sa matataas na mga puno kung saan sila pinakamadaling makahanap ng pagkain sa ibaba ng kanilang pwesto. Ito ay isang analohiyang nababagay sa mga taong nag-aagawan sa matataas na pwesto sa gobyerno upang doon kumuha ng kayamanang nagmula talaga sa kaban ng bayan nang ilegal at walang pakundangan. Natuklasan ko ang mga paghihirap na dinanas ng mga Pilipino sa kamay ng mga dayuhan na inilarawan ng may-akda. Tumatak sa aking isipan ang mga pasakit at paghihirap na natanggap nila sa mga mananakop. Ito ang aking magiging inspirasyon upang sa kabila ng kahirapan ay magpatuloy ako sa pagkamit ng aking pangarap. Naging malinaw rin sakin na may mga pagsubok kang kailangang pagdaanan upang makamit mo ang isang bagay. Natuto ako kung paano maging matapang, kung paano mo mamahalin ang bansang iyong sinilangan sa paraang kaya mo at kung paano magdesisyon na ang tanging iniisip ay kung ano ang tama. Hindi mapagkakailang maraming parangal ang natamo ni Amado V. Hernandez dahil sa akda niyang ito. Magandang mabasa ito ng mga Pilipino dahil tiyak na maipagmamalaki natin ito sa taglay nitong malinis na panitikan at magandang layunin. May pagkamahaba ang nobelang ito at may mga salitang hindi mo agad mauunawaan sa unang pagbasa. May mga tagpong hindi rin angkop para sa mga batang mambabasa. Maganda ang nobelang ito dahil nabukas nito ang aking isipan sa mga ganitong uri ng suliraning hanggang sa ngayon ay nararanasan natin. Masayang 6
malaman na may mga Pilipinong nagsusulat ng ganitong mga akda na makakapagbigay sa atin ng inspirasyon, impormasyon at aral sa larangan ng literatura. Ito ay isang akdang tatatak na sa aking puso’t diwa na minsan ay napakilos ako ng isang nobelang tulad ng Mga Ibong Mandaragit. Masayang malaman na may tulad ni Amado V. Hernandez ang nagsusulat ng ganitong mga uri ng nobela. Nawa ay mahikayat tayong mga mambabasa na kumilos para sa layunin nito ng pagbabago. Buksan natin ang ating mga isipan sa mga suliranin kinakaharap ng ating bansa. Para sa mga paaralan, magandang maging halimbawa at maipabasa sa mga mag-aaral ang nobelang ito upang yumaman pa ang ating kaalaman sa panitikan at makagawa ng ganitong uri ng mga sulatin. Sa mga kapwa ko Pilipino, ang akdang ito ay nagpapatunay na sa kabila ng ating mahirap na karanasan sa nakaraan, makakaya nating bumangon at magsimula muli hanggang sa makamit natin ang ating inaasam na mga pangarap. Nawa’y maging inspirasyon ang akdang ito sa karamihan sa atin lalo na sa mga mahihirap na magtiwala lang tayo sa kung ano ang kaloob sa atin ng Panginoon at gawin natin kung ano ang tama at mabuti.
7