PAGSUSURI SA PANITIKAN
IPINASA NI: Arguelles, Melissa P. BSED 4B FILIPINO
IPINASA KAY: Dr. Zenaida Lucas
PAMAGAT: Ang Pinakahuling Kuwento ni Huli MAY-AKDA: Lilia Quindoza-Santiago TALAMBUHAY NG MAY-AKDA: Si Lilia Quindoza-Santiago ay naging “Makata ng Taon” ng 1989 sa bisa ng kanyang tulang “ Sa Ngalan ng Ina, ng Anak, Diwata’t Paraluman ”. Kuwentista rin siya at may koleksiyon ng maikling katha, Ang Manggagamot ng Salay-salay at iba pang kuwento. Siya ay nagturo ng panitikang Pilipino at malikhaing pagsulat sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang kanyang nobelang “Ang Kaulayaw ng Aguila” ay nagwagi ng Grand Prize sa nobelang Filipino sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature. Noong 2004, pinagkalooban siya ng GAWAD Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Noong 2005, nagin Fulbright Visiting Professor siya sa Old Dominion University sa Norfolk, Virginia USA. Sa ngayon siya ay propesor sa Unibersidad ng Hawaii sa USA. MGA TAUHAN: Huli – ang pangunahing tauhan, isang piping basurera sa bayan ng Dimatanto. Pamangkin ni Francisca, ngunit anak na totoo at inilihim lamang. Kinupkop ni Tinyong. Tinyong – ang barangay tanod na kumupkop kay Huli at napatay ni Huli matapos niyang maltratuhin si Huli. Francisca – ang modistang ina ni Huli na pinagtangkaang ilaglag si Huli nang nasa sinapupunan pa lamang ito. Namatay siya dahil sa sakit sa baga. Imbestigador – ang malupit na imbestigador na umiintriga kay Huli at Tinyong. Ang pilit nagpapaamin kay Huli sa kinaroroonan ng mga tao sa dilim at ang gumahasa kay Huli. Mga tao ng dilim – sila ang tanging nakauunawa at naging kaibigan ni Huli. Tulad din sila ni Huli na inalipusta at hinusgahan ng lipunan.
BUOD / LAGOM NG KATHA: Si Huli ay isang pipi at namumuhay bilang isang basurera sa bayan ng Dimatanto. Lumaki siya sa piling ng kanyang kinikilalang tiyahin na si Francisca na isang modista. Sa katunayan, si Francisca ang tunay na ina ni Huli. Ikinakahiya siya nito sapagkat si Francisca ay nabuntis lamang. Dahil sa hindi matagumpay na pagpapalaglag kay Huli ay naging pipi siya. Si Huli ay may mapait na kapalaran dahil sa kanyang pagiging pipi ay ginawan siya ng iba’t ibang kwento tungkol sa buhay niya, sa tunay na magulang diumano niya, sa dahilan kung bakit siya napipi at kung ano pa. Nang mamatay ang ina ay naging palaboy si Huli kinupkop siya ni Tinyong na isang barangay tanod at tinuruang maging basurera nang mabuhay siya sa sarili niya. Ngunit ang mga tao sa Dimatanto ay ginagawan nanaman ng malisyang kwento si Huli. Walang nakauunawa kay Huli, walang nakaiintindi ng kanyang nararamdaman at pinagdadaanan. Tanging ang mga tao ng dilim lamang ang kanyang mga naging kaibigan. Tulad din ni Huli sila, mga babae’t lalaki na hindi tanggap at inaaalipusta ng lipunan. Lumalabas lamang sila tuwing gabi upang makipaglaro kay Huli. Isang araw ay dinampot si Huli at dinala sa presinto, doo’y inintriga siya ng imbestigador at pilit pinapaamin tungkol sa kinaroroonan ng mga kaibigan ni Huli sa dilim. Umabot sa panggagahasa ang ginawa ng imbestigador. Kinuha si Huli ni Tinyong at dinala sa liblib na lugar, sinaktan sya at muntikan pang pagsamantalahan. Sa puntong iyon ay nanlaban si Huli at napatay niya si Tinyong. Kanya kanyang haka-haka muli ang mga tao ng Dimatanto sa nangyari. Dinala si Huli sa mental hospital at doo’y napagtanto niya sa sariling tatakas siya at hahanapin ang mga tao ng dilim. Magsasama-sama sila sa lugar na kung saan sila ang malaya.
PAGSUSURI: 1. Panahong Kinabibilangan – ang panahong kinabibilangan ng kwento ay taong 1989 na kung saan ay nakaluklok sa pwesto ang mga Aquino. Sa panahong ito ay nagkaroon ng kudeta laban sa pamahalaan. 2. Sariling Puna – aking napuna sa istorya ang paggamit ng awtor ng mga matatalinhagang tagalog na hindi madaling maunawaan. Naaangkop naman ang istilo ng pagsulat na ginamit ng flashback sa bahagi na kung saan ay inalala ng pangunahing tauhan ang mga nangyari. Ang istoryang ito, ay nagbubukas ng kamalayan ng mambababsa sa mapait na sinasapit ng mga taong may pagkukulang pampisikal sa kamay ng lipunan. Sila ay nawawalan ng pantay na karapatan at madaling nahuhusgahan dahil sa kanilang pagkukulang at kawalan ng kakayahang maipagtanggol ang kanilang mga sarili. Naging mahusay at maituturing kong isang napaka-kagilagilalas ang paraan ng pagkukwento sa maikling kwento ito. Naaangkop ang pamagat sa istorya sapagkat pinakita ang hustisya ng pagkakagamit ng pamagat sa istorya, pinakita ang conviction ng pangunahing tauhan na magiging huli o tapos na ang mapait na kwentong maihahabi patungkol sa kanya. 3. Gintong Kaisipan – Ang mga tao ay pantay pantay, mapapipi, bingi, bulag o may pagkukulang man sa pisikal na kaanyuan. Lahat tayo ay may karapatan. Karapatang nararapat lang na dinggin at ipaglaban kung kailangan. Hindi dahilan ang pagkakaroon ng kakulangan upang hayaan ang ibang tao na mang-api. Gamitin ang kakulangan upang maging malakas at lumaban para sa pagkatao’t dignidad na pilit nililibak ng mga mapang-api’t mapanghusga. 4. Mga Mungkahi – Sa kinalabasan ng istorya ay wala naman akong maimumungkahi upang mapaunlad pa ang maikling kwentong ito sapagkat para sa akin ay nagbigay ito ng satispaksyon sa aking damdamin at isipan. Naiparating nito ng malinaw ang mensaheng nakapaloob sa akda at nagising nito ang aking diwa sa mapait na realidad n gating lipunan. Nalaman kong hindi ito kabilang sa mga itinuturo sa high school at aking iminumungkahi na ituro ito sapagkat ang kwento ay kinapapalooban ng napakahalagang mensahe na nararapat lamang maipabatid sa mga mag-aaral.
PAMAGAT: Langaw sa Isang Basong Gatas MAY-AKDA: Amado V. Hernandez TALAMBUHAY NG MAY-AKDA: Si Amado V. Hernandez ay isang makata at manunulat sa wikang Tagalog. Kilala rin siya bilang “Manunulat ng mga Manggagawa”, sapagkat isa siyang pinuno ng mga Pilipinong manggagawa at sa kaniyang mga pagpuna at pagsusuri sa mga kawalan ng katarungang naganap sa Pilipinas noong kaniyang kapanahunan. Nakulong siya dahil sa pakikipag-ugnayan niya sa mga kilusang makakomunista. Siya ang punong tauhan sa isang bukod-tanging kasong panghukuman na tumagal ng 13 taon bago nagwakas. Ang ilan sa mga sikat na nobela ni Amado ay ang Mga Ibong Mandaragit at Luha ng Buwaya. Ang mga kilalang tula naman ay Isang Dipang Langit , Kung Tuyo na ang Luha mo Aking Bayan , Inang Wika, atbp. Nagsulat din si Amado ng mga maikling kuwento gaya ng Langaw sa Isang Basong Gatas , Dalawang Kilometro sa Lupang Di-Malipad ng Uwak, Isang Aral para kay Armando, atbp.
MGA TAUHAN: Bandong – ang pangunahing tauhan na may payak na pamumuhay sa isang ektaryang lupain na minana pa niya mula sa kanununuan. Iniidolo si Kabesang Tales na kanyang nabasa’t nakilala sa nobelang El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal. Ana – ang maybahay ni Bandong. Tonying – ang anak ni Bandong at Ana na nag-aaral sa kabayanan. Mister Pena – ang katiwala ng Royal Lanes na hinanapan ng titulo torens si Bandong dahil nais ng korporasyon na bilhin ang lupa ng pamilya ni Bandong.
BUOD / LAGOM NG KATHA: Ang maikling kwentong ito ay pumapatungkol kay Bandong na isang simpleng mamamayan na iniidolo si Kabesang Tales na kanyang nabasa sa nobelang El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal. Ang simpleng pamumuhay ng pamilya ni Bandong ay nag-iba nang mabili ang ektaryang lupang sakahan na dating pagmamay-ari ni Don Felipe na malapit sa kinatitirikan ng bahay ng pamilya ni Bandong at doon sinimulang magkaroon ng konstruksyon ng mga malalaking bahay pangmayaman. Nabuo ang subdibisyon at tinawag itong Royal Lanes. Dumating ang isang araw at nakipagkita kay Bandon gang katiwala ng Royal Lanes na si Mister Pena, upang hanapan siya ng titulo dahil nais bilhin ng korporasyon ang lupain ni Bandong. Ngunit dahil ang lupain ni Bandong ay namana niya lamang mula sa kanyang kanunuan ay wala siyang maipakitang titulo at siya’y pinaratangang iskwater ng katiwala. Ninanais na paalisin ng korporasyon sila Bandong sa kanilang tinitirahan dahil diumano’y nakasisira sa tanawin ng Royal Lanes ang kubong tinitirhan ng pamilya ni Bandong. Ipinarating din kay Bandon gang reklamo ng mga mayayaman sa mabahong amoy na dulot ng mga alagang baboy at manok ni Bandong pati na rin ang mayayabong na punong ng manggang inaalagaan ni Bandong. Umalis ng tahimik at walang paalam si Bandong. Ngunit isang araw ay pinatawag si Bandong ng tesorero probinsyal at hinanapan siya ng titulo torens ng kanyang lupain. Ipinaliwanag ni Bandong na siya’y hindi nagkukulang sa pagbabayad ng buwis ngunit sinabi ng opisyal na eembarguhin ng gobyerno ang kanyang lupain. Doon sumiklab ang galit ni Bandong. Habng masayang nagdiriwang sa dream project ang subdibisyon, si Bandong ay binabasa ang bahagi ng El Filibusterismo ni Rizal sa bahaging si Kabesang Tales ay ginipit din ng lipunan hanggang sa bahaging ninakaw ni Kabesang Tales ang rebolber upang sumali sa tulisan. Matapos iyong basahin ay hinanap ni Bandong sa kanyang asawang si Ana, ang gulok na kanyang hahasain. PAGSUSURI: 1. Panahong Kinabibilangan – ang akda ay naisulat noong 1996 ang panahong na nakaluklok sa pwesto si Fidel V. Ramos na kung saan ay tumaas at naging masagana ang ekonomiya ng bansa kung kaya’t maipagpapalagay natin na dumarami na rin ang mga nagiging mayaman at maykaya o masasabing tumaas ang turismo sa bansa. Maraming nananahan na turista sa bansa at nagpapaptayo ng mga malalaking subdisbisyon. Sa kwentong ito ni Amado Hernandez ay kanyang isinalarawan ang kalagayan ng mga mahihirap na naiipit at naaapi ng mga mayaman. 2. Sariling Puna – ang may-akda ay gumamit ng payak na mga salita na naging dahilan upang maging maayos pag-unawa sa kwento. Naging mainam ang bisa ng kwento sapagkat nagdudulot ito ang bugso sa damdamin ng mambabasa at nabubuksan ang
kamalayan ng mambabasa sa umiiral na panlalamang ng mga nakatataas sa mga mahirap. 3. Gintong Kaisipan – ang akdang ito’y naglalahad ng napakalayong agwat ng mga mahihirap at mayayaman. Inilarawan sa kwento ng may-akda ang pagiging iskwater ng mga Pilipino sa kanilang sariling bayan habang ang mga mayayamang dayuhan ay nakatira sa malalaki at eksklusibong subdibisyon. 4. Mga Mungkahi- ang maimumungkahi ko lamang ay nawa’y maituro rin ito sa high school sapagkat ang maikling kwentong ito ay naglalaman ng napakahalgang mensahe o aral na nararapat lamang na maipatid sa mga mag-aaral. Ang istoryang ito ay isang sining na mahusay na isinulat ng may’akda, hindi man perpekto ang pagkakasulat ay makikita ang kahusayan ng may-akda sa kanyang isinulat.
PAMAGAT: Impeng Negro MAY-AKDA: Rogelio Sikat TALAMBUHAY NG MAY-AKDA: Si Rogelio Sikat ay isang Pilipinong piksyunista, mandudula, tagasalinwika, at tagapagturo. Nagtapos siya na may Batsilyer ng Panitikan sa Pamamahayag mula sa Pamantasan ng Santo Tomas at isang MA sa Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas. Si Rogelio ay nakatanggap ng maraming premyong pampanitikan. Siya ay tanyag dahil sa “Moses, Moses”, ang kanyang dula na nagwagi ng gantimpalang Palanca noong 1962 sa Filipino. Marami sa kanyang mga istorya ang unang lumabas sa Liwayway, isang sikat na magasing pampanitkan na nasa wikang Tagalog. Ang ilan sa mga sikat na akda ni Rogelio ay ang Tata Selo, Impeng Negro atbp. MGA TAUHAN: Impen – isang binatang maitim, sarat ang ilong at may namamagang labi na namana niya sa kanyang amang kailanma’y di nagisnan. Siya ay walang sawang nilalait at inaalipusta nila Ogor at ng iba pang kabataan sa kanilang lugar. Ogor – siya ang pinakanagunguna sa panglalait at pang-aalipusta kay Impen dahil sa itsura nito. Umabot sa pananakit ang ginagawa nitong pang-aalipusta kay Impen. Ina ni Impen – isang babaeng mababa ang lipad at palaging iniiwan ng mga lalaking kinakasama nito matapos itong buntisin. Paglalabada ang ipinapangbuhay sa pamilya. May mga anak na iba-iba ang mga ama. Tisoy – kapatid ni Impen na may maputing balat at kadalasang naikukumpara kay Impen. Iba pang agwador – ang kasama at tagasuporta ni Ogor sa panlalait at pang-aalipusta kay Impen.
BUOD / LAGOM NG KATHA: Si Impen ay madalas tuksuhin sa kanilang lugar dahil sa kulay ng kanyang balat. Ibang iba si Impen sa kanyang mga kapatid na kahit marurungis ang mga ito ay mapuputi naman ang mga balat kahit na iba iba sila ng ama. Ang ama ni Impen ay isang Negrong sundalo na matapos buntisin ang kanyang ina ay iniwan ito gaya rin ng ginawa ng iba pang naging asawa ng ina ni Impen. Ang paglalabada ng kanyang ina at ang pag-aagwador ni Impen ang tanging bumubuhay sa kanilang pamilya. Araw-araw ay napapagod na rin si Impen na pakinggan ang
paalala ng kanyang ina na huwag niyang papansinin at papatulan ang panglalait sa kanya ni Ogor. Si Ogor ay hari harian sa lugar nila dahil matikas ang pangangatawan nito at halos lahat ng tao sa kanila’y kaisa ni Ogor sa pang -aasar kay Impen. Tulad ni Impen ay isa ring agwador si Ogor kung kaya’t hindi talag a maiwasang magtagpo ang landas nila ni Ogor. Isang araw sa pilahan ng igiban ng tubig ay tinukso nanaman ni Ogor si Impen katulad ng palagi nitong ginagawa. Sinunod ni Impen ang bilin ng kanyang ina na huwag pansinin si Ogor at hayaan lamang ito. Ngunit nasagad na ang pasensya ni Impen ng saktan siya ni Ogor. Nandilim ang paningin ni Impen at pinatulan si Ogor. Nagbugbugan silang dalawa. Ngunit sa bawat dagok na nasasalo ni Impen ay tila wala siyang sakit na nadarama, tanging nadarama niya lamang ay ang poot at galit na matagal niyang kinimkim. Hindi maglaon ay sumuko si Ogor. Nakaramdam ng kakaibang kasiyahan at tagumpay si Impen. Nakita niya sa mga mata ng mga nakasaksi ang paghanga at pangingimi sa kanya. Sa loob ni Impen ay nadama niya ang luwalhati at kapangyarihan.
PAGSUSURI: 1. Panahong Kinabibilangan – ang panahong kinabibilanagan ng kwento ay kasalukuaygn panahon sapagkat maski hanggang ngayon ay hindi pa rin nalulunasan ang problema ng lipunan sa bullying at diskriminasyon. Sa kathang ito ay ipinakita ang katotohanang umiiral sa lipunan sa sinasapit o pinagdadaanan ng mga taong kakaiba ang itsura sa kamay ng mga taong mapanghusga at mapang-api. 2. Sariling Puna – napuna ko na gumagamit ang awtor ng mga salitang madaling maunawaan. Payak ang paggamit sa mga lenggwahe na minsan ay may mga nakatagong kahulugan sa mga ilang pangungusap. Gumagamit ng mga pormal na pananalita bang may akda at minsan ay mga malalalim na salita. 3. Gintong Kaisipan – ang maikling kwentong ito ni Rogelio Sikat ay nagpapahiwatig ng maapit na realidad na sinasapit ng mga taong may kakaiba at kakatwang itsura sa kamay ng lipunan. Ang lahat ng tao ay may karapatan na nararapat lamang na ipaglaban at huwag hayaan ang may kapangyarihan na libakin ang dignidad ng mga mahihina. Dahil ang bawat tao ay may tinatagong lakas na siyang magiging sandigan sa paglaban para sa pagkatao’t karapatan. 4. Mga Mungkahi – Sa kabuuan ng akda ay wala naman akong maimumungkahi sapagkat ang akda ay napakahusay na naisulat at malinaw na naipahayag o naipabatid sa mga mambabasa ang nilalaman, mensahe at nais ipahiwatig ng may-akda. Nagbigay ito ng satispaksyon sa kaisipan at damdamin ng mambabasa na isa sa magandang dulot ng maikling kwento katulad ntio.