Republic of the Philippines UNIVERSITY OF RIZAL SYSTEM
Pililla, Campus
Masusing Banghay Aralin sa Pagtuturo ng Araling Panlipunan 9
I. Layunin:
Sa pagtatapos ng aralin, ang mga mag -aaral ay inaasahang: Nasusuri ang mga dahilan ng pagkakaroon ng impormal na sektor. (AP9MSP -IVg-15)
Task Analyze:
a. Naiisa isa ang mga dahilan ng pagkakaroon ng impormal na sektor. b. Nakalilikha ng mga mungkahing programa para sa mga mamamayan na kabilang sa impormal na sektor ng ekonomiya. c. Napahahalagahan ang mga programa ng pamahalaan upang matulungan ang mga kabilang sa impormal na sektor.
II. Paksang Aralin: Kwarter/Yunit: Ikaapat na Kwarter
Impormal na Sektor
Paksa: Sub Topic:
Mga Dahilan ng Impormal na Sektor Mga Programa ng Pamahalaan para sa Impormal na Sektor
Sanggunian:
Balitao, Bernard L. et.al. "Ekonomiks Araling Panlipunan", Pasig, City. Vibal Group Inc. 2015 Pahina 430 -445 Kagamitan: Kagamitang biswal, activity cards, Powerpoint presentation, laptop
III. Pamamaraan: Lapit
: Patanong o Inquiry
Pamamaraan
: Deductive
Teknik
: Talakayan Talakayan at Pangkatan
Gawain ng Mag -aaral
Gawain ng Guro A. Pang-araw -araw na Gawain: Pagbati:
Magandang umaga sa inyong lahat!
"Magandang umaga din po Bb. Valenzuela! Mabuhay!"
Panalangin:
Rose, maaari mo bang pangunahan ang panalangin para sa araw na ito?
"Opo" "Amang makapangyarihan sa lahat, kami po ay nagpapasalamat sa lahat ng biyaya na iyong ipinagkakaloob. Salamat sa gabay at kaalaman na patuloy naming natatanggap. Nawa'y patawarin mo po kami sa aming mga nagawang pagkakasala. Patuloy po naming hinihingi ang patnubay at katalinuhan para sa araw na ito. Ito po ang aming samo't dalangin sa pangalan ni Hesus na aming Panginoon at Iyong anak. Amen"
Pagtala ng Liban:
Maaari bang tumayo ang presidente ng klaseng ito para ilahad kung sino sino ang mga liban?
"Ikinalulugod ko pong ilahad na walang liban sa araw na ito"
1. Pagbabalik Aral
Maaari mo bang ilahad ang ating nakaraang tinalakay? Grace.
"Ang atin pong nakaraang aralin ay Sektor ng Paglilingkod."
Ano ang kahalagahan ng Sektor na ito ng ekonomiya? Mark.
"Mahalaga po ang sektor ng Paglilingkod para sa mga mamamayan sa usaping trabaho at serbisyo na ating natatanggap."
Mahusay! Tunay ngang mahalaga ito para sa atin. Maraming salamat sa inyong mga kasagutan.
2. Pagganyak Hulaan Mo Trabaho Ko!
a. Hahatiin ang klase sa apat na pangkat. b. Ang bawat pangkat ay bubunot ng trabaho na kanilang gagayahin.
Pangkat 1: "LABANDERA" Pangkat 2: "SIDEWALK VENDOR" Pangkat 3: "TAHO VENDOR" Pangkat 4: "PEDICAB DRIVER"
c. Bibigyan lamang ng isang minuto ang kabilang grupo upang mahulaan ang trabaho. d. Ang pinakamabilis na makahula ang mananalo.
(Matapos ang gawain) Mahusay ang naging pagsasadula ng bawat pangkat. Bigyan ng sampung palakpak ang inyong mga sarili.
Pamprosesong Tanong:
1. Anong mga trabaho ang nabanggit? Mae.
"Ang mga trabaho pong nabanggit at labandera, sidewalk vendor, taho vendor at pedicab driver."
2. Sa inyong obserbasyon, ano ang pinagkatulad ng mga nasabing trabaho? Jake.
"Ayon po sa aking obserbasyon, napansin ko po na ang mga nabanggit ay mararangal na trabaho at hindi po kinakailangan ng anuman hindi katulad ng ibang trabaho."
3. Saang sektor ng ekonomiya nabibilang ang mga ito? Zel.
"Ang mga trabaho pong nabanggit ay pumapaloob sa Impormal na Sektor ng Ekonomiya."
Mahusay! Ang ating tatalakayin ngayon ay tungkol sa Impormal na Sektor ng Ekonomiya.
B. Paglalahad ng Aralin
Mula sa mga naunang halimbawa, ano ang ibig sabihin ng impormal na sektor? Greg.
"Mula sa mga nabanggit ng halimbawa, maaaring tumukoy ang Impormal na sektor sa mga hanapbuhay na hindi rehistrado sa pamahalaan."
Mahusay! Maaari mo bang basahin. Kate.
"Sa inilahad na economic development model ni W. Arthur Lewis sinasabing nagmula ang paggamit ng konsepto ng impormal na sektor. Inilarawan niya ito bilang uri ng hanapbuhay na kabilang sa mga bansang papaunlad pa lamang o developing countries."
Maaari mo bang ituloy ang pagbabasa, Kyle.
"Batay sa kahulugan ng National Statistical and Coordinating Council o NSCB, ang impormal na sektor ay tumutukoy sa mga negosyo sa pamamahay kung saan binubuo ng mga negosyo na sariling pinatatakbo at mga negosyo ng mga impormal na employer."
Ang impormal na sektor ng ekonomiya ay mga hanapbuhay ng mga mamamayan na hindi nangangailangan ng mataas na sweldo at karaniwan sa mga bansang papaunlad katulad ng Pilipinas.
Ayon sa IBON Foundation, ang impormal na sektor ay paraan ng mga mamamayan lalo na ang kabilang sa tinatawag na "isang kahig, isang tuka" upang magkaroon ng kabuhayan lalo na sa tuwing panahon ng pangangailangan at kagipitan. Maliban pa dito, inilalarawan din nito ang pag -iral ng kawalan ng
hanapbuhay at ang kahirapan ang siyang nagtutulak sa tao na pumasok sa ganitong uri ng sitwasyon.
Mula sa aking binasa, bakit mahalaga ang impormal na sektor? Mike.
"Lubhang mahalaga ang impormal na sektor lalo na sa ating mga mamamayan na walang sapat na kakayahan na magkaroon ng regular na trabaho. Ang mga hindi nakatapos ng pag -aaral na nais paring kumita para sa pamilya."
Tama!
Tinatawag din na underground economy o hidden economy ang impormal na sektor.
Maaari ba kayong magbigay ng mga hanapbuhay na kabilang sa impormal na sektor? Faye.
"Mga nagtitinda sa kalsada" "Maaari din pong mga naggagalang manggagawa ng sapatos at iba pa."
Magaling!
Katulad ng mga nasa larawan. Ang mga trabahong ito na kabilang sa Impormal na sektor ay mararangal.
Paano naman ang mga larawan na ito?
Ano ang ipinapakita ng dalawang larawan? Nicole.
"Ipinapakita po ng mga larawang ito ang tungkol sa Droga at human trafficking."
Ano kaya ang kinalaman ng mga ito sa impormal na sektor? Kaye.
"Ayon po sa depinisyon ng impormal na sektor, maaaring ang mga larawang ito ay pumapaloob padin sa impormal na sektor ng ekonomiya."
Upang lubos na maunawaan Sabay sabay na basahin.
"Ilan sa mga halimbawa ng mga taong kabilang sa sektor na ito ay ang mga nagtitinda sa kalsada (sidewalk vendor), pedicab driver, karpintero, at mga hindi rehistradong operasyon ng mga pampublikong sasakyan (colorum). Kabilang din sa sektor na ito ang mga gawaing ipinagbabawal ng batas tulad ng prostitusyon, ilegal na pasugalan, pamimirata (piracy) ng mga optical media gaya ng compact disc (CD) at digital video disc (DVD)."
Mapapansin natin na kabilang sa mga halimbawa ng impormal na sektor ang mga gawaing ilegal.
Maaari mo bang basahin ang mga katangian ng impormal na sektor, James.
"Karaniwang Katangian ng impormal na sektor:
Hindi nakarehistro sa pamahalaan.
Hindi nagbabayad ng buwis mula sa kinikita.
Hindi nakapaloob sa legal at pormal na balangkas na inilatag ng pamahalaan para sa pagnenegosyo."
Gawain: You are Lucky!
Ngayon naman ay mayroon akong ipamimigay na papel, kailangan na tignan ng mga mag-aaral ang loob nito. Kung sino man ang makatanggap ng mga papel na may nakasulat na "Your are Lucky!" ang sasagot na katanungan.
Ano ang mga dahilan kung bakit napipilitan ang iba na mapabilang sa Impormal na sektor at gawin ang mga bagay na ilegal?
(Matapos ang gawain) Mahusay ang inyong ginawa. Bigyan ng sampung palakpak ang inyong mga kaklase.
Bakit nga ba pumapasok ang mga mamamayan sa impormal na sektor. Narito ang mga dahilan. Maaari mo bang basahin, Jane.
"Ang mga sumusunod ay ilan sa mga kadahilanan kung bakit pumapasok ang mga mamamayan sa impormal na sektor:
Makaligtas sa pagbabayad ng buwis sa pamahalaan.
Makaiwas sa masyadong mahaba at masalimuot na proseso ng pakikipagtransaksiyon sa pamahalaan o ang tinatawag na bureaucratic red tape.
Kawalan ng regulasyon mula sa pamahalaan na kung saan ang mga batas at programa ay hindi naipapatupad ng maayos.
Makapaghanapbuhay nang hindi
nangangailangan ng malaking kapital o puhunan.
Mapangibabawan ang matinding kahirapan.
Kung ating mapapansin sa mga dahilan na nabanggit, ano ang nangunguna sa lahat? Kaye.
"Kung mapapansin po natin, isa sa pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng impormal na sektor ang matinding kahirapan."
Tama.
Ngayon na nalaman na natin ang mga dahilan ng pagkakaroon ng impormal na sektor, may mga programa ang ating pamahalaan para matulungan ang mga mamamayan na nabibilang dito.
Basahin ang unang bilang, Mike.
"Mga Batas at Programa ng Pamahalaan kaugnay sa Impormal na Sektor: 1. REPUBLIC ACT 8425 Ang batas na ito ay kilala din bilang Social Reform and Poverty Alleviation Act of 1997. Itinatadhana ng batas na ito ang pagkilala sa impormal na sektor bilang isa sa mga disadvantaged sector ng lipunang Pilipino na nangangailangan ng tulong sa pamahalaan.
Macy, maaari mo bang basahin ang pangalawa.
2. REPUBLIC ACT 9710 Kilala bilang Magna Carta of Women. Kumikilala ito sa ambag at kakayahan ng kababaihan para itaguyod ang pambansang kaularan.
Pangatlo, John.
3. PRESIDENTIAL DECREE 442 Kilala bilang Philippine Labor Code. Itinuturing ito bilang pangunahing batas ng bansa para sa mga manggagawa. Pang-apat na batas, Anne. 4. REPUBLIC ACT 7796 Ito ay ang Technical Education and Skills Development Act of 1994. Sa ilalim nito itinalaga ang TESDA bilang ahensiya ng pamahalaang itinatag upang makapagbigay ng edukasyong teknikal. "
Kabilang din dito ang REPUBLIC ACT 8282 o ang Social Security Act of 1997 at ang REPUBLIC ACT 7875 o mas kilala bilang National Health Insurance Act of 1995.
Tunay ngang maganda ang mga batas, programa, at proyekto ng pamahalaan para sa impormal na sektor. Ngunit ang kaukulang implementasyon nito para sa kapakanan ng mga mamamayan at kabuuan ng ekonomiya ng bansa ang kinakailangang mabigyan ng kasiguraduhan.
C. Paglalahat
Ngayon naman ay may hinanda akong mga katanungan upang matiyak ang inyong pagkatuto. Maaari mo bang ilahad ang ibig sabihin ng impormal na sektor at magbigay ng mga halimbawa. Hannah.
"Ang impormal na sektor ay mga uri ng hanapbuhay na kabilang sa mga bansang papaunlad pa lamang o developing
countries. Ilan sa mga halimbawa nito ang mga sidewalk vendors at pedicab drivers." Bakit mahalaga ang mga hanapbuhay na ito sa mga simpleng mamamayan? Ibigay ang ilan sa mga dahilan ng pagkakaroon nito. Nick.
"Isa sa pangunahing dahilan nito ang labis na kahirapan. Upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya."
Paano makakatulong ang pamahalaan sa usaping ito? Carl. "Mahalaga po ang papel ng pamahalaan sa usaping ito lalo na sa mga batas at programa na lubhang makatutulong sa ating mga mamamayan na kabilang sa impormal na sektor." D. Paglalapat
Hahatiin ang klase sa tatlong pangkat at ang bawat pangkat ay may itinakdang gawain. Pangkat 1: Lumikha ng isang maikling dula na nagpapakita ng mga pangunahing dahilan ng Impormal na Sektor.
Pangkat 2: Lumikha ng Poster na nagpapakita ng kampanya ng pamahalaan upang mapuksa ang mga ilegal na gawain na nabibilang sa Underground Economy.
Pangkat 3: Gumawa ng Slogan na magpapakita ng kahalagahan ng mga proyekto at batas ng pamahalaan para sa impormal na sektor ng ekonomiya
E. Pagtataya I. Multiple Choice
Panuto: Ang pagsusulit na ito ay susukat sa iyong kaalaman tungkol sa Impormal na Sektor. Basahin at unawain ang bawat pahayag at piliin ang titik ng tamang sagot. Isulat ang kasagutan sa patlang bago ang bawat bilang.
_____1. Ito ay uri ng hanapbuhay na kabilang sa mga bansang papaunlad pa lamang o developing countries ayon kay W. Arthur Lewis. a. Impormal na Sektor
c. Sektor ng Industriya
b. Sektor ng Agrikultura
d. Sektor ng Paglilingkod
_____2. Ang impormal na sektor ay tumutukoy sa mga negosyo na sariling pinatatakbo at mga negosyo ng mga impormal na employer. Alin sa mga sumusunod ang hindi katangian nito? a. Hindi nagbabayad ng buwis b. Hindi nakapaloob sa pormal na proseso ng pagnenegosyo c. Maaaring ilegal na pinatatakbo d. Nakarehistro sa pamahalaan
_____3. Mula sa mga sumusunod na pahayag, pumili ng dalawang pinakapangunahing dahilan na nagtutulak sa tao na pumasok sa impormal na sektor. I.
Kawalan ng hanapbuhay
II. Hindi makapagbayad ng buwis III. Kahirapan IV. Makaligtas sa mga batas na may kaugnayan sa pagnenegosyo
a. I and II
c. II and III
b. I and III.
d. III and IV
_____4. Lubhang mahalaga ang papel ng pamahalaan para sa impormal na sektor. Alin sa mga ahensiya ng pamahalaan ang lubhang sumasaklaw dito? a. DepEd (Department of Education) b. DOLE (Department of Labor and Employment) c. DSWD (Department of Social Welfare and Development) d. DOE (Department of Energy)
_____5. Bakit mahalaga ang mga batas at programa ng pamahalaan para sa mga
mamamayan na kabilang sa impormal na sektor? a. Upang mas dumami ang bilang nito. b. Para mas tumaas ang ekonomiya ng bansa. c. Upang mawala ang impormal na sektor. d. Para matulungan ang mga mamamayan na kabilang sa impormal na sektor.
II. Matching Type
Panuto: Unawaing mabuti ang bawat pahayag sa Hanay A at piliin sa Hanay B ang batas o programa ng pamahalaan na tinutukoy. Isulat ang titik ng tamang sagot sa patlang bago ang bawat bilang.
HANAY A
_____6. Itinatadhana ng batas na ito ang pagkilala sa impormal na sektor bilang isa sa mga disadvantaged sector ng lipunang Pilipino na nangangailangan ng tulong sa pamahalaan. _____7. Itinuturing ito bilang pangunahing batas ng bansa para sa mga manggagawa. _____8. Sa pamamagitan nito ay naitatag ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). _____9. Kumikilala ito sa ambag at kakayahan ng kababaihan para itaguyod ang pambansang kaularan. _____10. Sa ilalim nito itinalaga ang TESDA bilang ahensiya ng pamahalaang itinatag upang makapagbigay ng edukasyong teknikal.
HANAY B
a. PRESIDENTIAL DECREE 442 (Philippine Labor Code) b. REPUBLIC ACT 7875 (National Health Insurance Act of 1995) c. REPUBLIC ACT 7796 (Technical Education and Skills Development Act of 1994) d. REPUBLIC ACT 8282 (Social Security Act of 1997) e. REPUBLIC ACT 8425 (Social Reform and Poverty Alleviation Act of 1997) f. REPUBLIC ACT 9710 (Magna Carta of Women) Batayan ng Pagwawasto: I. 1. a. 2. d. 3. b. 4. b. 5. d.
II.
6. e. 7. a. 8. b. 9. f. 10. c.
F. Pagtatapos
“ Masarap tamasahin ang tagumpay kung ito ay nakamit sa pamamagitan ng marangal na gawain”
Ano ang inyong pagpapakahulugan sa pangungusap na ito? Gale.
“Isinasaad po nito na bilang mga mamamayan at bilang tao, nararapat lamang na tayo’y magtrabaho ng marangal kahit na mababa ang kita kaysa sa mga gawain na ilegal na katumbas ng malaking halaga. At sa huli ay mas mararamdaman natin ang tagumpay.”
Mahusay! Nararapat din na sa inyong mga sarili ito magmula.
IV. Takdang Aralin
Kunin ninyo ang inyong mga kuwaderno at isulat ang takdang aralin. Panuto: Basahing mabuti ang mga sumusunod na katanungan at isulat ang inyong mga sagot sa kuwaderno. 1. Ano anong mga gawain na kabilang sa impormal na sektor ang lubhang nakababahala sa kasalukuyan dahil sa masamang epekto nito? 2. Bakit mahalaga ang papel na ginagampanan ng pamahalaan upang malutas ang mga problemang ito? Magbigay ng mga halimbawa. 3. Paano makatutulong at makasasama ang Impormal na Sektor ng Ekonomiya sa ating bansa?
Inihanda ni:
ALIZA B. VALENZUELA
BSE III D