Pagsusuri ng Libro (Book Review)
Batong Bahay: Naratibo ng Kahirapan at Tagumpay ng isang Karaniwang Pilipino
ni Clarence M. Batan UST Publishing House, 2010
Isinumite kay: Professor Gloria P. San Juan Propesor sa Kurso, FILI 1023 Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik
Isinumite ni: Anne Gabrielle A. Estrada BSA I-11D
I.
Pamagat
Ang “Batong Bahay” ay tila kakaibang pakinggan. Bakit hindi ito ginawang “Bahay na Bato” ng may-akda? Higit na ito‟y isang karaniwang ekspresyon tulad na lamang ng bahay ni Kapitan Tiyago sa daang Anloague sa Noli Me Tangere. Dahil ito‟y karaniwan na, marahil ay sinulat ito ng ma y-akda sa paraang kakaiba at may pakulo dahil mas nakakapukaw ng atensyon ang mga bagay na bago pa lamang sa ating mga paningin.
Sa kabilang dako, hindi lamang masusukat ang librong ito batay sa pamagat nito. Ang ikalawang pamagat nito na nakasulat din sa unang pahina na “Naratibo ng Kahirapan at Tagumpay ng Isang Karaniwang Pilipino” ay na gsasaad ng isang makabuluhang bagay na nagudyok sa akin upang bilhin ang librong ito.
Sa pamagat nitong “Bahay na Bato,” ito ay mauugnay sa ikalawang pamagat ng isang manunulat ang bawat katotohanan ukol sa kanyang buhay. Ukol ang “Batong Bahay” sa isang pundasyon ng mga pangarap, pamilya at buhay na umiiral sa isang totoong buhay. At ang buhay na ito ay ang siyang galing sa mismong mayakda na si Clarence M. Batan.
II.
May-akda
Si Clarence M. Batan ay isinilang at lumaki sa Binangonan, Rizal at mas kilala sa palayaw na “Yayet”. Isa siyang mananaliksik at guro ng sosyolohiya sa Unibersidad ng Santo Tomas kung saan ay siya rin ay nagtapos ng Bachelor of Arts in Sociology. Kanya namang pinagpatuloy ang kanyang pag aaral ng Masteral Degree in Sociology sa Unibersidad ng Piliipinas (UP, Diliman). Ilang buwan lamang ang nakararaan, nakamit niya ang Doctor of Philosophy in Sociology degree mula sa Dalhousie University sa Canada. Siya ay itinuring na isa sa Ten Outstanding Students of the Philippines (TOSP) noong taong 1995 at nagkamit ng samu‟t sar ing
gantimpala bilang estudyante, community leader at isang mananaliksik. Ang
kanyang unang libro ay Talim (2000) na inilathala din ng UST Publishing House. Ang kanyang bagong libro, Batong Bahay: Naratibo ng Kahirapan at Tagumpay ng Isang Karaniwang Pamilyang Pilipino (UST Publishing House, 2010), ay ayon sa kanyang buhay mula sa kahirapan hanggang siya ay magtagumpay.
III.
Mga Tauhan
1. Yayet -
Ito ang palayaw na binansag kay Clarence na siyang may-akda ng librong ito. Siya ay isang masigasig at masunuring anak na may mga matatayog na pangarap sa buhay, kung saan dahil sa kanyang pinagsamang mga pangarap at pagsisikap, ay nalathala ang librong ito na ukol sa kahirapan patungo sa pagtatagumpay. Siya ay may lakas ng loob na ilahad ang kanyang buhay sa pamamagitan ng librong ito nang makapagbigay ng inspirasyon sa lahat.
2. Nanay Biday -
Siya ay ang lola ng may-akda sa kanyang ina, ngunit nakasanayan lamang ng lahat na „Nanay‟ ang itawag sa kanya. Ang kanyang buong pangalan ay Brigida Ceremonia Doninos at siya ay buhat lamang sa kahirapan at binuhay ang kanyang mga anak sa pamamagitan ng pagtitinda at pagluluto. Siya ay may mapagmalasakit na puso na laging kapakanan ng kanyang mga kamaganak at mahal sa buhay ang inaalala.
3. Mama Violeta -
Siya ay ang ina ng may-akda. Buhat lamang din siya sa kahirapan dahil siya ay anak ni Nanay Biday. Siya ay masipag at masigasig at kahit na mahirap, nagawa niyang mag-aral at magtapos kahit na vocational lamang ang kurso. Hindi lamang siya isang mapagmahal na ina at asawa, bagkus, siya rin ay isang mapagmahal na anak at kapatid dahil sa kanyang pagtulong sa kanila sa kabila ng kahirapang hinaharap bilang pagtanaw ng utang na loob.
4. Daddy Israel -
Siya ay ang ama ng may-akda. Tulad ng napangasawang si Violeta, siya rin ay buhat sa kahirapan at hindi nakapagtapos ngunit kumakayod para sa
pamilya sa pamamagitan ng pagkakarpintero. Siya ay hindi pala-asa dahil sa murang edad na sampung taong gulang, natuto na siyang maghanapbuhay. Ngunit hindi naman siya pinigilan ng kanyang mga magulang, na labis na pinagtaka niya. Ang madalas na pinagtatalunan nila ng kanyang asawa ay ang pagtulong ni Violeta sa pinagmulang pamilya nito, kaya naman siya ay umalis, ngunit bumalik na rin dahil sa ayaw nitong lumayo ang loob ang mga anak nito sa kanya, gaya na lamang ng paglayo ng kaniyang loob sa kaniyang ama. 5. Kuya Sherwin -
Siya ay pinapalagay na laki sa luho ng kanyang mga magulang at isang bulakbol kaya naman ay malalim ang nadadamang sama ng loob sa kanya ng kanyang kapatid na si Yayet, ang may-akda. Ito ay mas pinalala pa ng ginawang pagnanakaw nito sa mga magulang at kay Yayet ng pera upang makabili ng droga. Bagaman siya ay matalino, siya ay nagbago at nagsimulang malulong sa kung ano-anong bisyo (babae, alak at droga) dahil sa ginawang pambabae ng kanilang ama. Kaya naman siya ay naudyok na gumawa ng mga bagay na hindi kanais-nais sa sarili.
IV.
Lagom
Batong bahay, kahit munti, ang kwento roon ay sari-sari. Dito umiikot ang Batong Bahay na inilathala ni Clarence M. Batan. Ito ay tungkol sa pamilya ng may-akda na mayroong determinasyon at pagasa upang makaahon mula sa kahirapan tungo sa pagkakaroon ng isang bahay na bato. Ang librong ito ay binubuo ng limang kabanata, epilogo at isang pahabol na nagkakalakip ng mga instrumentong ginamit ng may-akda sa pagsusulat.
Ang unang kabanata na pinamagatang “Pundasyon ng Dapithapon” ay inalay niya sa kaniyang Nanay Biday (lola sa ina). Sa kabanatang ito ay siya ang nagsalaysay ng kwento ng kanyang Nanay Biday dahil pumanaw na ito bago pa man isulat ang librong ito. Minungkahi niya na siya ang pundasyon ng kanilang tahanan. Sa pagpanaw ng kanyang lola, ito ay naghudyat ng kanilang pagpapatayo ng kanilang batong bahay.
Sa ikalawang kabanata na pinamagatang “Haligi ng Buhay” at sa ikatlong kabanata namang may pamagat na “Ilaw ng Tahanan” ay nagsasaad kung paano naahon ng kaniyang inang si Mama Violeta at amang si Daddy Israel ang kanilang pamilya sa kabila ng kahirapang hinaharap.
Sa ikaapat na kabanatang may titulong “Buhangin ng Relasyon”, isinaad dito na may hidwaan siya sa kanyang Kuya Sherwin na dulot ng kumpitensya nila sa isa‟t isa mula pa sa pagkabata. Sinaad d ing siya ay kinaiinggitan ng may-akda dahil sa atensyon at luhong pinagkakaloob sa kanya ng kanilang mga magulang.
Binigyang linaw naman sa huling kabanata na pinamagatang “Interseksiyon: Bahay Kubo‟t Bahay na Bato” ang mga katanungan kung bakit sa kabila ng payak na buhay na kinagisnan ng pamilya ay nangarap pa rin silang mabili ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Kaya nagbunga ang kanilang pangarap ng pagpapatayo nila ng sarili nilang tahanan na yari sa bato.
Ang epilogo naman ay nagkakaloob ng mga aral na natutunan ng may-akda sa kanyang pamilya na siya ring bunga ng pagpapatayo niya ng batong bahay, at ang paghahanda sa mga hamong kakaharapin niya pagkatapos mapatayo ang isang batong bahay. Sa pahabol naman ay makikita ang lahat ng mga pako na hinalintulad ng may-akda sa ginamit ng kanyang ama sa pagpapagawa ng kanilang batong bahay. Ang pakong ito naman ay
ginamit niya upang maging sistematiko‟t malikhain ang pagsusulat ng ma yakda.
V.
Mga Gintong Kaisipan
Ang Batong Bahay ay tunay nga namang kapupulutan ng napakaraming gintong aral. Sa isang tunay na buhay, nakakatuwang isipin na sila ay nagsimula lamang sa pagiging mahirap. Mula sa isang tahanang yari sa pawid, yero at kahoy na may langitngit na sahig at bintanang madalas anggihan, tinulak sila ng kanilang mga pangarap at determinasyon upang makapagpatayo ng isang Batong Bahay na may sapat na pundasyon upang hindi matibag.
Isa ring aral na mapupulot dito na sa bawat kamaliang nagagawa, may aral na mapupulot. Maaaring hindi na maibabalik ang oras, ngunit pwede namang iwasto ang mga kamalian upang makamtan ang inaasahang relasyon. Ito ay ang mithiing pagbabago ni Kuya Sherwin na nais nitong gawin sa sarili.
Mayroon ding magandang aral na maaaring mapulot sa pagitan ni Daddy Israel at ang pamilya nito. Kahit anong mangyaring alitan, dapat pa ring manaig ang pagkakabuklod-buklod ng bawat miyembro ng isang pamilya dahil ang pagsasama ay nabubuo dito. Natural lamang ito sa isang pamilya. Ang alitan, bangayan at murahan ay lahat na maaaring mangyari sa isang imperpektong pamilya. At iyon ang nilarawan ng may-akda sa bawat kabanata na pinagka-ugnay-ugnay ng may-akda sa isang makulay na paraan. Sa kabila ng laging pag-aaway nila ni Mama Violeta, hindi niya nagawang iwanan ang pamilya sa kadahilanang ayaw nitong lumayo ang loob ng kanyang mga anak sa kanya tulad ng nadama niya sa kanyang ama.
“Hindi pala simple ang maging ilaw ng tahanan, ang maging ilaw ng pamilya. Dahil dito sa Pilipinas, ang pagiging ina ay hindi lang para sa mga anak .” Mula sa linyang ito, naugnay naman ng may-akda ang kultura ng mga Pilipino sa ikatlong kabanata na may pamagat na “Ilaw ng Tahanan” na ukol sa kanyang Mama Violeta. Ang aral na mapupulot dito ay ang pagganap sa responsibilidad ni Mama Violeta hindi lang sa pagiging ina at asawa, kundi pati na rin sa pagiging kapatid at anak. Bagaman siya ay madalas na tinututulan ng asawa sa pagtulong sa magulang niya, hindi niya ito pinapansin, bagkus, pinagpatuloy niyang magbigay ng tulong sa kanyang pinagmulang pamilya kahit na palihim.
Isa pang aral na tunay nga namang kahanga-hanga sa librong ito ay ang pagpapahalaga sa edukasyon ng mga magulang ng may-akda. Sa halip ng kahirapang kinakaharap, ang kanilang mga magulang ay nagsusumikap na makamit ng kanilang mga anak ang edukasyon nang sa gayon ay matupad ng kanilang mga anak ang mga pangarap nila, na siya namang hindi nagawa ng mga magulang nito. Kaya naman, ang may-akda ay nagsumikap na makapagtapos ng pag-aaral upang makatapos ng pag-aaral at matupad ang mga pangarap niya at ng kanyang mga magulang.
Bilang kabuuang aral, sa isang pamilya, maraming pangyayari ang maaaring mangyari. Marahil ito ay masasaya at tawanan, kalungkutan at pagdadalamhati at alitan at pagkakapoot. Ngunit ano pa mang maganap, ang pamilya ay isa pa ring pamilya na kinakailangang magkaroon ng pagkakapatawaran kahit ano pa mang mangyari at ang pamilya ay pinagtitibay ng lahat ng hampas ng pagsubok sa buhay, tulad ng pundasyon ng Batong Bahay.
VI.
Mga Reaksyon at Mungkahi Tunay ngang mahusay ang librong ito. Hindi lang ito dahil sa tagumpay na nakamit ng may-akda para sa kanyang pamilya na nagbibigay
ng inspirasyon sa lahat ng mga nangangarap, anuman ang kani-kanilang mga estado sa buhay, kung hindi sa lakas ng loob ng manunulat. Batid ko na mahirap maglahad at magsulat ukol sa pamilya lalo na kung personal na ang mga kwento nakaloob. Pero bilang isang tunay na sosyologo, isinantabi ni Clarence ang personal na damdamin na kanyang nadarama sa kanyang pamilya. Pangalawa, ako ay lubusang napamangha sa kanilang pamilya. Mas pinili ng kanyang ama, si Daddy Israel, na maghirap kasama nila kaysa sa mag abroad upang makaranas ng ginhawa. Marahil kung di niya nailahad ang kanyang kwento, di natin malalaman ang nakaraan niya na naka impluwensya sa desisyon niyang ito.
Bilang mungkahi naman ay masasabi kong malinaw na naipakita ng may-akda sa pagkakahati ng bawat kabanata ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayaring naganap sa buhay ng kanyang pamilya. Nagkaroon ng kaisipan ang mambabasa ukol sa mga ikinikuwento sa bawat kabanata dahil sa ilang pahinang puno ng makukulay na larawan ng pamilya. Nakabuti din ang diretso ngunit kontemporaryong paggamit ng wika ng may-akda upang mas maunawaan ng isang mambabasa ang mga pagpapahayag ng mga nagbigay ng salaysay.
Mahusay ding nabigyan ng wastong pagbibigay ng kahulugan ni Batan ang mga kaganapan sa kanilang buhay. Sa paraang ito ay naipakita niya ang kaniyang sinseridad na mailahad ang hirap na pinagdaanan ng kaniyang pamilya upang makamit ang minimithing pangarap. Wala siyang nilagay na kung ano-anong mga pambalatkayo sa baho, inggit, inis at reklamo sa kanilang mga buhay. Sa madaling salita, naging sensitibo siya sa kanyang kapangyarihan bilang tagapagsalaysay at kanyang ipinakita lamang ang katotohanan na naganap sa kanilang pamilya.
Kapansin-pansin din ang talento ng may-akda sa paggamit ng mga matatalinghagang salita bilang pagpapakahulugan sa mga tao o paksang
tinatalakay niya sa kuwento, gaya na lamang ng pagpapakilala niya sa kaniyang Daddy Israel: “Tulad ng aming dating bahay, ang kaniyang pagkaama ay nagsisimula sa pira-piraso, pinagtabasan, at pinagtagpi-tagping plywood.” Ginamit niya ang pagiging sosyologo upang gumamit ng iba‟t ibang simbolismo sa librong ito at inugnay niya rin ang mga teorya ng mga tanyag na sosyologo tulad ni C. Wright Mills.
Sa huli, naging matagumpay naman ang Batong Bahay sa nais nitong ipabatid sa mga mambabasa, ang “mabigyang halaga ang bawat sandali sa araw-araw na buhay ng pamilya,” na napatunayan niya sa pagkakabuklodbuklod ng kaniyang pamilya upang maitayo ang kanilang batong bahay.