Wikang Filipino – Wika sa Globalisasyon Globalisasyon ni: Tereso Tullao, Jr., Ph.D.
Buod May papel ba ang wikang Filipino sa harap ng laganap na globalisasyon na naglalayong pag-isahin pag-isahin ang iba’t ibang aspekto ng buhay sa buong mundo tungo sa isang bilihan, sa isang pamantayan, sa isang isang wika? May malakas malakas na sigaw tayong tayong naririnig na kinakailangang paunlarin ang ating kaalaman sa wikang Ingles dahil ito ang wika ng komersyo, wika ng siyensya, wika ng makabagong teknolohiya; teknolohiya; samakatuwid, ang wika ng globalisasyon. Ang ganitong pananaw ay naniniwala na ang kaalaman sa wikang Ingles ng ating mga manggagawa ay isa sa mga pangunahing batayan ng ating pagiging kompetitibo. Ang kaalaman sa sa wikang Ingles ang dahilan ng ating ating komparatibong kalamangan sa kalakalang internasyonal. internasyonal. Sa kabilang banda, ang sanaysay ay naghahamon sa pagtatanghal at pagpapaunlad ng wikang wikang Filipino bilang bilang wika sa globalisasyon para sa mga nakararaming nakararaming Filipino. Filipino. Kahit na ang ang proseso ng ng globalisasyon ay nagsasanib, ang kakayahan nitong maghati ay nagbabantang mahiwalay ang maraming Filipino sa mga biyaya ng globalisasyon. Upang mangibabaw ang epekto ng pagsasanib kaysa epekto ng paghahati, higit na episyente na maging susi ang wikang Filipino bilang wika sa globalisasyon. Ang layunin ay maisama ang dumaraming mamamayang Filipino na mas nakauunawa sa wikang Filipino sa mga biyaya ng globalisasyon.
Ang Papel ng Wika sa Ating Lipunan Mahalagang kasangkap ng panlipunang kapital ang wika na ang gamit ay gawing episyente o mabisa ang mga transaksyon sa isang ekonomiya. Dahil i to ay instrumento na namamagitan sa mga tao, may kakayahan itong maging susi sa integrasyon ng isang lipunan. Subalit kung ang lipunan ay pinamumugaran ng maraming wika, o may nangingibabaw na wika sa paligid ng maraming wika, hindi nagagampanan ng wika ang kakayahan nitong pag-ugnayin ang mga tao, mga sektor, mga lugar sa isang lipunan. Samakatuwid, di episyente ang mga transaksyong ekonomiko. Ang ganitong kalakaran ay maaaring maging
sanhi sa mabagal na pagsulong bunga ng magastos na paggamit ng mga produktibong sangkap. Ang kritisismo sa wikang Ingles sa kakayahan nitong maging mahalagang sangkap ng panlipunang kapital ng Filipinas ay hindi nakabatay sa dahilang ito ay isang dayuhang wika. Kahit pa tinatanggap na ang wikang Ingles bilang nangingibabaw na wika sa larangan ng pulitika, batas, ekonomiya, at kultura sa bayang ito, hindi naman nito napag-uugnay ang lahat ng mga mamamayan sa kanilang pakikilahok sa mga nabanggit na aspekto ng lipunan. Hindi rin pinagdududahan ang wikang Ingles dahil ang pangingibabaw nito ay nakabaon sa pagiging wikang ginagamit ng mga naghaharing-uri, namumuno, kumokontrol at nagpapalakad ng ating lipunan. Ang alinlangan sa wikang Ingles ay nagmumula sa pagiging wikang di mapag-ugnay, wikang mapaghiwalay, at wikang naghahati ng mga sektor at mamamayan. Kung ang wikang Ingles ay tunay na mapag-ugnay at nagiging daan sa episyenteng pamagitan ng mga transaksyon, hindi mahalaga ang pagiging dayuhan nito o kung ito ay ginagamit ng mga naghaharing uri dahil may panlipunang halaga pa rin ito sa mga nasasakupan dahil sa pag-unawa nila rito nagagamit ito sa kanilang mga transaksyon. Kung ito ang nangyayari, masasabi nating tunay na ngang mahalagang sangkap ng ating panlipunang kapital ang wikang Ingles. Ang wika ay hindi lamang isang instrumento na nag-aayos at namamagitan, ito ay rin ay instrumento na nagpapatatag at nagpapaunlad sa isang lipunan. Tulad ng nabanggit na, inaayos ng wika ang mga transaksyon ng mga tao upang magawa at magamit ang mas malawak na yaman. Ang maayos na transaksyon ay nauuwi sa mabisang paggamit ng mga yaman ng isang lipunan at nakapagbibigay daan tungo sa pinakamataas na antas ng kagalingan habang tinutugunan ang mga pangunahing kagustuhan ng mga tao. Samantala, ang katatagan ng isang ekonomiya ay natatamo kapag ang mga resulta ng mga transaksyong nagpapalawak ng yaman ay tumutugma sa mga resulta ng mga transaksyong gumagamit sa mga yaman. Alam natin ang papel na ginagampanan ng pamahalan at ng bilihan upang mapatatag ang iba’t ibang presyo ng mga yaman sa isang lipunan. Ngunit may mahalagang papel din ang kultura upang mahimok ang mga mamimili ng sari-saring produkto at serbisyo na itugma ang kanilang kagustuhan sa harap ng kapos na yaman. Sa kabila ng mga patakarang fiscal, monetaryo at pagpapalitan ng salapi, nariyan din ang paghahamon at paghihikayat sa ating mga mamayanan na magsakripisyo, magtipid, magbayad ng buwis upang matugunan ang katatagang ekonomiko. Ang wikang nauunawaan ng nakararami at hindi ang wikang nangingibabaw ang higit na mabisang gamitin upang maabot ang pinakamaraming mamamayan na tutugon sa problema ng katatagang ekonomiko. Tignan natin ang lakas at bisa ng paggamit ng wikang Filipino. Marami sa ating kababayan ang may negatibo o halos walang kaalaman sa diwa ng
WTO, APEC at AFTA nang ito ay tinatalakay sa wikang Ingles ng mga lider ng pamahalaan. Ang Value Added Tax (VAT) ay hindi rin maunawaan ng mga ordinaryong mamamayan dahil iilan sa ating mga pinuno sa BIR ang kayang ipaliwanag ito sa wikang Filipino. Ngunit nang magbuhos ng maraming anunsyo ang pamahalaan sa pagpapaliwanag tungkol sa APEC at VAT na isinulat sa wikang Filipino, marami ang nakaunawa at humina ang sigaw ng pangamba at pagrereklamo ng mga mamamayan. Mahalaga rin ang papel ng wika sa mobilisasyon ng mga mamamayan tungo sa kaunlaran. Hindi lamang mabisa ang wika sa agarang mobilisasyon, nagagamit rin ito sa pagtugon sa mga isyung pangkaunlaran tulad ng populasyon, pagkasira ng kapaligiran, pagpopondo ng kaunlaran, pagnenegosyo, pagbabayad ng tamang buwis, pagpapataas ng produktibidad at marami pang iba. Ang wika ay magagamit upang mapalawak ang kapasidad ng ekonomiya na makalikha ng yaman sa mga susunod na henerasyon. Halimbawa, sa pag-anyaya sa ating mga kababayang kapos sa mga kinakailangang yaman, ang wika ng nakararami ang ginagamit upang maunawaan nang lubusan na ang pagnenegosyo sa halip na pagiging empleyado ang angkop na istratehiyang pangkabuhayan para sa kanila. Ang mahalagang papel ng wika sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng ekonomiya ay nakapaloob sa layuning itanghal ang integrasyon ng ekonomiya. Subalit, may dalawang uri ng integrasyong hinaharap ang isang ekonomiya: ang integrasyong panloob at integrasyong eksternal. Ang bawat uri ng integrasyon ay may angkop na pamagitang wika na ginagamit upang malasap ang mga biyaya ng integrasyon. Integrasyong Panloob Sa isang sanaysay may isang dekada na ang nakalilipas, inilarawan ko ang kahinaan o kawalan ng integrasyon ng ating lipunan na nagdudulot ng malaking sagabal sa ating mabilis na pag-usad bilang isang ekonomiya, isang bayan at isang lipunan. Naririyan ang mahigit sa pitong libong pulo na pinaghihiwalay ng malalawak na karagatan. Kung minsan dahil sa kawalan ng sapat ng paraan ng transportasyon, ang hiwa-hiwalay na mga pulo ay nauuwi sa mabagal na kalakalan sa pagitan ng mga isla. Kung tayo ay isang buo o pinagisang ekonomiya bibilis ang daloy ng palitan ng produkto at serbisyo sa pagitan ng mga pulo na siyang magpapalawak sa dagdag na yaman sa ating ekonomiya. Sa larangan ng ekonomiks, ang formal at impormal na sektor ay nauuwi sa dalawahang ekonomiya, magkahiwalay at mahina ang kapit sa isat-isa. Ang duwalismong ito ang isa sa mga sagabal sa ating pag-usad. Nariyan din ang agwat sa kultura na lumalabas sa wikang nangingibabaw at sa kulturang kanluranin na katapat ng naiibang kulturang bayan na ang gamit ay ang wika ng masa. Ang agwat ng magkahilerang kultura ay makikita rin sa ng paggamit ng wikang Ingles sa mga pamantasan, komersyo at pulitika
samantalang ang paggamit ng Filipino at iba pang katutubong wika ay sumasakop lamang sa mga impormal na diskurso at usapin. May agwat din sa larangan ng pulitika sa ating bayan. Ang kanluraning sistema ng demokrasya ay tinatapan ng impormal na pulitika ng personalidad. Magkahiwalay ang pulitika ng isyu sa pulitika ng mga sikat. Kahit sa pagpapatupad ng batas, kung minsan ay ginagamit pa rin natin ang pamamaraan ng kakilala kaysa sa pagtupad sa mga umiiral na regulasyon, patakaran, batas, regulasyon at probisyon ng Konstitusyon. Marami, iba’t iba ang antas at lalim ng agwat sa pagitan ng dalawang magkasalungat na panuntunan sa iba’t ibang aspekto ng ating lipunan. Ang agwat na ito ang isa sa mga sanhi kung bakit mahina ang ating lipunan lalo na sa kaayusang ekonomiko. Dahil sa luwang ng mga agwat na ito, hindi mahihigpit ang mga koneksyon ng iba’t ibang aspekto ng buhay na nauuwi sa kahinaan sa pagtugon sa mga layunin ng isang lipunan. Bunga ng mga agwat na naghihiwalay sa mga sektor, ang kakayahang mapataas ang pambansang yaman ay kumikitid. Dahil din sa agwat na ito, nagiging mahina ang pundasyon sa katatagan at kaunlaran. Globalisasyon, ang integrasyong eksternal Ang globalisasyon ay mailalarawan bilang mga samut-saring proseso na naglalayong mapag-isa ang iba’t ibang networks ng mga networks sa buong mundo sa pamamagitan ng kompetisyon, pakikipag-ugnayan (inter-koneksyon) at pagtutulungan (inter-dependence). (Tullao, 2001). Ang kasalukayang prosesong ito ay bumabalot at nagpapabago sa lahat halos ng antas ng buhay at lipunan sa iba’t ibang lugar sa buong mundo. Ang lawak, lalim at bilis ng paggalaw ng mga produkto, kapital, kaalaman at mga tao sa pagitan ng mga bansa ang nagpalawak sa kasalukuyang gamit ng konsepto ng globalisasyon. Dahil dito, ang globalisasyon ang isa sa pinakalantad na realidad sa kasalukuyan na nakaapekto sa iba’t ibang bahagi ng buhay at ito ang pangunahing dahilan na nagbibigay ng bagong batayan at katuturan sa umuusbong na papel ng mga indibidwal, institusyon at istruktura sa isang lipunan. Ang konsepto ng globalisasyon ay isang paradokso dahil maraming kaakbay na kontradiksyon ito. Sa kabila ng pagiging mapagsanib nito, ito ay nagdadala rin ng paghihiwalay bilang katapat na sakripisyo. Kahit na ito ay may kakayahang mag-ugnay, ito ay rin ay mabilis sa tumatanggi sa mga hindi handa at hindi karapat-dapat. Kahit na ito ay lumilikha ng pamantayang global, nauuwi ito sa di-pantay na pakikinabang sa proseso. Samakatuwid, sa paglayon nitong matamo ang pinag-isang mundo lumilikha ito ng duwalismong internasyonal at marami itong nasasaktan sa proseso ng integrasyon. Sa larangan ng produksyon, ang pangingibabaw ng pamantayang episyenteng pamamaraan, nawawalan ng trabaho ang mga manggagawa at
nayayapakan ang mga industriyang hindi kayang makipagtunggali sa pamantayang internasyonal. Sa pagtatanghal ng pinag-isang pamantayan at ang unti-unting paglalatag ng isang pamahalang global, ang mga bansa ay nawawalan ng kapangyarihan at humihina ang kanilang kasarinlang gumawa ng mga regulasyon sa loob ng kanilang sinasakupang teritoryo. Ang mga daang ginagamit upang mapag-ugnay ang mga networks sa produkto, kapital, teknolohiya at kaalaman ay ang parehong daang ginagamit ng iba’t ibang sektor upang ilantad ang mga di-pantay, di-inaasahan at mga sistematikong panganib na ibinubunga ng globalisasyon habang pinag-uugnay ang mga networks. Ang mga networks na nag-uugnay ay ang mga daan ding ginagamit upang magkabuklod ang ibat-ibang sektor sa iba’t ibang sulok ng daigdig upang tutulan ang patuloy na globalisasyon dahil sa bigat ng mga ibinubungang sakripisyo nito. Dahil sa bilis ng pagsulong sa information technology, maraming tao sa buong mundo ay nakakukuha ng informasyon na mas mabilis pa sa kidlat. Subalit ang ganitong pag-uugnay sa informasyon ay nagpalawak din ng dibisyon sa kakayahang makakuha ng informasyon at sinasagi ang mga indibidwal, sektor at mga bansa bunga ng limitadong yaman at kakayahang makibahagi sa network sa informasyon. Sa larangan ng kultura, pinag-iisa ang mundo sa pamamagitan ng pagtatanghal ng isang pandaigdigang kultura, kaayusan, gawi, sistema ng estetika at kung minsan ay pati wika. Ang wikang ginagamit sa mga transaksyon sa globalisayon ay unti-unting kumikitid sa iilang wika sa pangunguna ng wikang Ingles. Batay sa mga kontradiksyong nabanggit, ang isang timbang na pananaw sa globalisasyon ay kinakailangan upang maunawaan ang mga di pantay na resulta ng di mapigilang kasalukuyang realidad. Ang influwensya ng pulitika, ekonomiya, nagbabagong ideya at papalakas na kamulatang panlipunan at pangkapaligiran ay mga pwersa na pagpapasulong o hahadlang tungo sa isang timbang na pamamahala ng globalisasyon. Wikang Filipino at ang Integrasyon Ano ang papel ng wikang Filipino sa kapaligirang may dalawang uri ng integrasyong hinaharap ang ating lipunan? Walang duda na sa larangan ng integrasyong panloob binanggit na natin ang mga pangunahing papel ng wikang nauunawaan ng nakararami sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng ekonomiya. Ang pananaw na ito ay lumilihis sa pananaw na ang wikang Filipino ay ginagamit lamang upang itangghal ang nasyonalistikong damdamin. Samakatuwid, ang integrasyong kultural ang tanging matatamo sa paggamit ng wikang Filipino. Ipinahihiwatig din ng pananaw na ito, sa larangan ng komersyo, batas, at pulitika ang nangingibabaw na wikang Ingles ang dapat pa
ring pairalin kahit na mahina ang kakayahan nitong pag-isahin ang mga nabanggit na duwalismo sa iba’t ibang aspekto ng lipunan Ang pananaw na ito ay tinatanggihan ko dahil naniniwala ako na sa harap ng duwalismo sa ating lipunan may halagang ekonomiko ang wikang Filipino na ginagamit sa mga transaksyon ng mas nakararaming Filipino. Dahil ito ang wikang ginagamit ng informal na sektor, ang malawakang paggamit nito ay may makabuluhang halaga sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng ekonomiya. Sa aking palagay, ang pagpapatupad ng pananaw na walang halagang ekonomiko ang wikang Filipino ang isa sa mga dahilan kung bakit mahina ang integrasyong panloob na nauuwi naman sa mabagal nan pag-usad ng ating ekonomiya. Sa harap ng kahinaan ng wikang Ingles na pag-ugnayin ang lipunan, bakit ayaw nating bungkalin ang potensyal ng wikang Filipino na mapakitid, kung di man isara, ang mga agwat sa ating duwalismong lipunan. Sa integrasyong eksternal, ang mga tagapagtaguyod ng globalisasyon ay sumisigaw na kinakailangan ang pag-aaral at pagsasanay sa wikang Ingles dahil ito na ang nagiging wika ng kalakalang internasyonal at ang wika ng globalisasyon. Hindi ko minamaliit ang ganitong pananaw o ipinagkakait na may katotohanan ang ganitong paniniwala. Ang aking pangamba sa pananaw na ito ay baka lalong maging mapaghiwalay o mapaghati sa halip na maging mapag-isa ang proseso ng globalisasyon kung hindi natin pauunlarin ang wikang Filipino bilang wika sa globalisasyon. Papaano naman nakasasali sa proseso ng globalisasyon ang napakaraming mamamayang Filipino kung hindi sila marunong at bihasa sa wikang Ingles? Sila ay magiging halimbawa na isinasantabi ng globalisasyon dahil hindi sila nakikihalok sa pagtanggap ng mga biyaya nito. Sa aking palagay sa harap ng globalisasyon, higit na kailangan ang integrasyon internal upang mapalakas ang kakayahan nating makipagtunggali sa kalakarang global. Ang malakas na integrasyong panloob din ang magpaparami sa mga mamamayang makikisangkot sa mga benepisyo ng globalisasyon. Samakatuwid, kinakailangang pasiglahin, pagyamanin at palakasin natin ang panloob na yaman upang makipatunggali, at makinabang sa mga benepisyo ng globalisasyon at integrasyong eksternal. Ang malakas ng integrasyong panloob ang panlaban natin sa kultura ng eksklusyon ng globalisasyon na pumapatid sa mga mahihina at di kompetitibo. Nangangahulugan ba ito na isasantabi na natin ang wikang Ingles? Sa harap ng isang baylingwal na kultura, kahit gustuhin natin hindi na natin maaaring itapon pa ang wikang Ingles. Nasa atin na ito kayat pagyamanin natin ito at gamitin natin ito sa ating integrasyong eksternal. Ngunit kakailanganin at dapat din nating pagyamanin ang antas ng kaalaman sa iba’t ibang disiplina sa wikang Filipino upang maging instrumento ito sa pagpapakitid ng mga agwat sa pagitan ng mga mamamayan sa iba’t ibang aspekto ng lipunan.
Malaki ang papel na ginagampanan ng mga intelektwal sa gawaing ito. Kinakailangan maunawaan ng mga ordinaryong mamamayan ang mga prinsipyo at konsepto sa wikang alam nila nang makisangkot sila sa proseso ng globalisasyon. Halimbawa, sa pagtatanim o pag-aalaga ng hayup, kahit hindi marunong ng Ingles ay magiging produktibo pa rin ang mga mamamayan dahil naunawaan nila ang mga makabagong pamamaraan sa pagtatanim at pagaalaga ng hayop sa wikang nauunawaan nila. Ang mga makabagong proseso ng produksyon ay ipinaliliwanag sa mga produktibong manggagawang Thai, Tsino, at Taiwanese sa wikang lokal kayat madali nilang itong naipatupad. Kung Ingles ang mamamayani sa atin, ang mga aral lamang ang agarang makagagamit ng benepisyong ito. Kaya, kung maisasalin o maipaliliwanag ng mga intelektwal na Filipino ang mga makabagong teknolohohiya sa wikang Filipino, magiging malaganap ang paggamit ng teknolohiya at may potensyal na tumaas ang pambansang kita. Sa larangan ng medisina at kalusugan, madaling mauunawaan ng mga ordinaryong Filipino ang mga paraan ng pangangalaga sa sarili at panggagamot kung ito ay naipaliwanag sa wikang Filipino. Sa larangan ng batas, kung maipaliliwanag ito sa wikang nauunawaan ng mga ordinaryong mamamayan, marami ang makauunawa sa kanilang karapatan at mga obligasyon bilang mamamayan. Sa larangan ng pananalapi, kung maipaliliwanag ang iba’t ibang istrumento ng pag-iimpok at dahilan ng pamumuwis, baka kaunti na lamang ang magrereklamo sa kakulangan ating pamahalaan at madaling maibubungkal sa kanilang isipan ang mga biyaya ng pagsisikap at pagnenegosyo Batay sa direksyon ng ating demographiya, dumarami na ang mga Filipinong nakauunawa sa wikang Filipino batay sa Tagalog. Ito ang nagiging lingua franca ng maraming Filipino. Subalit kahit marami ang nakauunawa nito, matatagalan pa ang lalakarin upang maging tunay na intelektwalisado ang wikang Filipino at baka abutin pa ng 100 ayon kay Bonifacio Sibayan. Ngunit kailangang simulan na ang unang hakbang ngayon. May mga taong nagsasabing ang papapaunlad ng wikang Ingles ay isang paghahanda para hindi tayo maisantabi ng proseso ng globalisasyon. Ang wikang Ingles nga ba ang susi sa ating integrasyong eksternal? May sapat bang batayan ang pangangamba ng ilan na pinahihina natin ang Ingles dahil ginagamit natin ang wikang Filipino sa pagsasaalita? Mawawalan na nga ba ng komparatibong kalamangan ang mga Filipino sa bilihang internasyonal sa paglaganap at paggamit ng wikang Filipino? Ito ang mga tanong ng mga tumututol sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Kung ang wikang Ingles ang batayan ng ating kompetitibong kalamangan, bakit higit na mabilis ang pag-unlad ng Thailand, Tsina at
Vietnam kung ihahambing sa ating ekonomiya gayong hindi naman bihasa sa Ingles ang kanilang mga manggagawa? Hindi Ingles ang dahilan ng kanilang masiglang ekonomiya bagkus maaaring ituro ito sa kanilang mahigpit na integrasyong panloob. Samantala, ang kahinaan ng integrasyon ng ating ekonomiya ang sanhi ng ating mabagal na pag-usad. Naririto sa atin ang mamahuhusay na manager, sanay sa wikang Ingles ngunit ang mga tauhan, manggagawa at tagasunod nito ay pawang gumagamit, dahil mulat, ng wikang Filipino. Papaano makukuha ang tamang timbre at tono ng isang musika gayong hindi magka-akma ang mga namumunong konduktor sa mga tagasunod na musikero? Ang dapat nating ipangamba ay ang kawalan ng interes ng mga intelektwal sa bayang ito na paunlarin ang wikang Filipino sa harap ng paglaganap at pagtanggap ng maraming mamamayan sa wikang Filipino sa paglipas ng panahon at sa ibat ibang sektor at lugar sa ating bansa. Tulad ng nabanggit ko na, ang papel ng mga intelektwal ay mag-aral, magsalita, magsalin at magsulat sa wikang Filipino. Ang ganitong hamon ay hindi upang itakwil ang Ingles ngunit upang mabisang mailipat ang mga biyaya ng siyensya, makabagong teknolohiya, gawi, at kultura sa wikang madaling maunawaan ng nakararaming Filipino. Nasisiyahan na ba tayo na 30% lamang ng ating mga kababayan ay nakauunawa sa wikang Ingles at wala tayong ginagawa sa katotohanang mahigit sa 90% ng mga Filipino nakauunawa sa wikang Filipino? Malaki ang papel ng mga intelektwal sa bayang ito upang maging susi sa integrasyong internal. Sa pagbubungkal nila ng kanilang profesyon at disiplina sa wikang Filipino, posibleng mapag-ugnay ang hiwahiwalay nating lipunan at madali nang maidadala sa mga Filipino ang integrasyong eksternal. Dahil dito ang pagpapayaman at pagpapalawak ng wikang Filipino bilang wikang intelekwalisado ay magiging wika sa globalisasyon. Ang wikang Filipino ang magiging tagapamagitang wika upang maunawaan at makilahok ang marami nating mamamayan sa proseso ng globalisasyon. Samantala ang pagtataguyod ng Ingles sa harap ng maraming Filipinong hindi nakauunawa nito ay isang mapaghiwalay at di episyenteng pamamaraan. Ang mga dati nang nakikinabang sa globalisasyon ay sila pa rin ang patuloy na makikinabang sa prosesong ito. Mayroon akong mga espesipikong hamon sa departamento ng Filipino sa ating pamantasan. Kung hindi maisasagawa ng mga taga departamento ng Filipino ang pagsasalin, dalawang bagay ang kanilang magagawa. Una, makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga intelektwal ng mga iba’t ibang disiplina sa unibersidad at pagtulungan ang pagsasalin ng mga obra maestra sa ibat ibang displina. Ikalawa, kung walang makukuhang espesyalista, ang mga tagapagsalin ay dapat mag-aral ng mga displina hanggang sa masters level.
Higit pa sa pagsasalin, ang mga bagong teorya, imbensyon, kalakaran sa isang displina ay dapat nang matutunan at maibahagi sa mga ordinaryong Filipino at estudyante upang matutunan nila ang makabagong kaalaman sa bawat disiplina. Kasama rin ang paglalathala ng mga pananaliksik sa disiplina ay dapat isulat sa wikang Filipino. Ang aking ipinagpapalagay dito ay mananatiling Ingles ang mangingibabaw na wika sa ating bansa. Marami pa ring intelektwal ang magaaral, nananaliksik at magsusulat sa wikang Ingles. Subalit ang mga intelekwal ding iyan ay dapat ding mahasa sa pagsusulat at paglalahad sa wikang Filipino. Kung ang papel ng Ingles ay mapag-uugnay tayo sa bilihang internasyonal at matamo ang integrasyong eksternal, ang magagawa ng pagpapaunlad ng Filipino ay mapalakas ang ating integrasyong internal. Dahil na rin sa pagiging baylingwal ng mga Filipino, mauuwi ito sa pagpapalakas ng integrasyong eksternal at internal. Ang pagtugon sa dalawang uri ng integrasyon ay maaari ring gawin ng wikang Ingles ngunit sa aking paniniwala, hindi episyente ito at mahirapan ang Ingles, kahit na ito ay ang nangingibabaw na wika, bunga ng kasalukuyang duwalismo sa ating lipunan.
Kongklusyon Ang pagpapaunlad ng wikang Filipino ay isinusulong dahil sa tatlong pangunahing dahilan. Una, malawak ang gamit ng wikang Filipino hindi lamang sa pagpapatingkad ng damdaming nasyonalistiko. Ikalawa, ang wikang Filipino ay magagamit sa pag-aayos, pagpapatatag at pagpapaunlad ng ekonomiya. Ikatlo, dahil may kakayahang mapalakas ng wikang Filipino ang integrasyong panloob, may potensyal itong maging wika sa globalisasyon. Sa isang bansang papaunlad na humaharap sa pwersa ng globalisasyon, marami ang nagtatanong kung bakit kinakailangan pang paunlarain ang wikang Filipino sa iba’t ibang disiplina gayong mas kailangan nating matuto ng Ingles na itinuturing wika ng kalakalang internasyonal. Hindi natin kinakaila at tinatanggihan ang integrasyong eksternal ngunit isang pangunahing kundisyon upang malasap nang lubusan ang mga biyaya ng globalisasyon ay ang lakas ng integrasyong internal. Iilan lamang sa ating mga kababayan ang nakalalasap ng mga biyaya ng globalisayon dahil sa mga kaalaman na natutunan sa wikang Ingles samantalang marami sa ating mga kababayan ay nahihirapang makisangkot bunga ng kawalan ng kaalaman. Ang ganitong sitwasyon ay isang lantarang palatandaan ng kahinaan ng integrasyong internal. Ang integrasyong internal ay mapalalakas kung ang kaalamang natutunan sa wikang Ingles ay maisasalin sa wikang Filipino. Dahil dito higit na maraming Filipino ang magkakaunawaan at mas marami din ang maaaring makisangkot at makinabang sa biyaya ng globalisasyon.
Kung marami sana sa ating mga pinuno ng pamahalaan, intelektwal, negosyante ay marunong magsalita at magpaliwanag ng mga bagay sa pulitika, ekonomiya, kalakalan at relasyong internasyonal sa wikang Filipino, madaling matatanggap ng mga mamamayan ang anumang panukala na nagmumula sa pamahalaan, pwersa ng bilihan at makabagong teknolohiya. Ito rin ang nagpapalakas ng integrasyong internal. Tinatanggap natin na ang Ingles ay lalo pang lalaganap sa buong daigdig bilang wika ng kalakalang internasyonal at wika ng iba pang larangan ng lipunan. Ngunit sa paglaganap nito sa ating bansa lalo nating magagamit ito sa ating kapakanan kung isasabay ito sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Gamitin natin ang Ingles sa pagpapahigit ng ating integrasyon sa labas ng bansa kasabay ng paggamit ng Filipino upang humigpit ang integrasyon sa loob ng bansa. Ang mas mahigpit na integrasyong internal ay nauuwi sa pag-ani ng mga biyaya ng integrasyong eksternal ng mas marami naitng mamamayan. Dahil dito, hindi lamang nagiging wika sa globalisasyon ang wikang Filipino, nagiging tunay na susi ito sa kaunlaran.